Ang urinary incontinence (UI) o poor bladder control ay isang kondisyong nangyayari kapag ang kawalan ng kontrol ng pantog ay nagreresulta sa hindi sinasadyang pagtulo ng ihi. Maraming posibleng sanhi ng urinary incontinence sa mga lalaki at babae.
Ilan sa mga salik na maaaring magdulot ng kondisyong ito ay ang mga nakatagong sakit o pisikal na pagbabago.
Bagaman maaari itong magamot, pwedeng mahirapan ang mga taong may ganitong kondisyon.
Mga Sintomas ng Urinary Incontinence
Nakadepende sa uri ng urinary incontinence ang mga sintomas ng ganitong kondisyon.
Ngunit upang matiyak, kung may ganito kang sintomas, kumonsulta agad sa doktor upang matukoy kung anong kondisyon ang kasalukuyan mong nararanasan.
Kabilang sa mga sintomas ng UI ang:
- Aksidenteng pagtulo ng ihi kapag umubo, bumahing, tumawa, o kapag may gawaing nangangailangan ng higit na effort.
- Biglaan at paulit-ulit na pangangailangang umihi ngunit kaunti lamang ang lumalabas dahil hindi pa puno ang pantog.
- Pakiramdam na parang hindi nauubos ang laman ng pantog
- Hindi na umaabot sa toilet sa tamang oras at nababasa na ang sarili sa ihi.
Mga Sanhi ng Urinary Incontinence
Narito ang mga posibleng sanhi ng urinary incontinence:
Bladder irritants
May ilang pagkain, inumin, at gamot ang nakaiirita sa pantog, na dahilan kung bakit nagpoprodyus ng mas maraming ihi. Tinatawag ang mga irritant na ito na diuretics. Ito ang tumutulong sa kidney na ilabas ang mas maraming tubig mula sa katawan sa anyo ng ihi.
Kabilang sa mga halimbawa ng diuretics ang maaanghang at acidic na pagkain, carbonated drinks, caffeine at alcohol, ilang mga gamot sa puso at blood pressure, sedatives, at mataas na dose ng vitamin C.
Urinary tract infection (UTI)
Maaaring makairita ng pantog ang mga impeksyon sa urinary system tulad ng UTI na nagreresulta sa overactivity nito, na nagdudulot ng madalas na kagustuhang umihi.
Constipation
Ang constipation ay isa sa karaniwang posibleng sanhi ng UI.
Kapag ang dumi ay namuo sa rectum at colon, maaari itong magdulot ng pressure sa pantog, na pumipigil sa pagkakaroon ng sapat na ihi at nagiging dahilan upang magkaroon ng contractions sa panahong hindi pa dapat.
Maaari ding maging dahilan ang constipation upang hindi mailabas ng pantog ang ihi na magreresulta sa UI, UTI, at pagkasira ng kidney.
Isa pang salik ang straining sa kung paanong nauuwi sa UI ang constipation. Maaaring mapahina ang pelvic floor ng sobrang pag-iri kapag dumudumi, kaya’t nahihirapang magkaroon ng kontrol ang pantog.
Pagbubuntis
Mas karaniwan ang urinary incontinence sa mga babae kaysa sa mga lalaki, dahil sa dami ng pisikal na pagbabago at hormonal changes sa mga babae sa kanilang buhay.
Isa ang pagbubuntis sa halimbawa ng mga kilalang posibleng sanhi ng urinary incontinence sa mga babae.
Kapag lumaki ang fetus sa sinapupunan, nagdudulot ito ng mas maraming pressure sa pelvic floor muscles, pantog, at urethra ng babae, na nagiging sanhi ng UI.
Maaari ding maapektuhan ng pagbabago sa hormones ang normal na pag-ihi ng buntis. Nagti-trigger ng sobrang pagtatrabaho ng kidney ang mataas na level ng progesterone at human chorionic gonadotropin (hCG) habang nagbubuntis, na nagti-trigger ng UI.
Panganganak
Ang mga babaeng nanganak nang normal ay maaaring makaranas ng urinary incontinence kaysa sa mga babaeng sumailalim sa cesarean delivery.
Maaaring mapahina ng vaginal birth ang pelvic floor muscles, na dahilan ng overactivity ng pantog.
Menopause
Bukod sa mga buntis, ang mga babaeng nagme-menopause ay may mataas na panganib na magkaroon ng urinary incontinence. Maaaring magresulta ng pagnipis at dahan-dahang pagkasira ng lining ng pantog at urethra ang pagbabago sa hormones tulad ng pagbagsak ng estrogen level na nagpapasimula ng UI.
Mga surgery na may kinalaman sa urinary system
Maaaring mauwi sa UI ang pinsala sa urinary bladder kapag inooperahan. Ang mga surgery tulad ng hysterectomy – pagtatanggal ng uterus, o prostatectomy – pagtatanggal ng prostate ay maaaring maging sanhi ng pansamantala o pangmatagalang UI.
Lumaking prostate gland o benign prostatic hyperplasia (BPH)
Ang BPH, na pinakakaraniwang posibleng sanhi ng urinary incontinence sa mga lalaki, ay maaaring magdulot ng pagbabago sa urinary system ng lalaki.
Pinakakilalang pagbabagong idinudulot ng BPH ang overactive bladder, na kadalasang naiuugnay sa UI.
Prostate Cancer
Ang prostate cancer ay isang kondisyong karaniwan sa matatandang lalaki. Ang cancer sa prostate ay nakapagpapahina ng nakapaligid na organ sa urinary system, na nagti-trigger ng UI.
Gayunpaman, maaaring karaniwang komplikasyon ang UI sa gamutan sa prostate cancer tulad ng radical prostatectomy.
Mga tumor o pagkabara
Ang mga tumor sa urethra o pantog at kidney stones na humaharang sa normal na daloy ng ihi ay nauuwi sa hindi makontrol na pagtulo ng ihi.
Ilang mga gamot at neurological disorders
Maaaring magdulot ng UI ang pinsala sa nerve dulot ng diabetes at treatment para sa ilang uri ng cancer. Ang mga neurological disorder tulad ng Parkinson’s disease, dementia, at multiple sclerosis, ay nakakasagabal sa kakayahan ng taong makarating sa tamang oras sa toilet. Kaya’t madalas silang nababasa ng sariling ihi.
Mga komplikasyon ng urinary incontinence
Kapag hindi nagamot, maaaring mauwi sa ilang komplikasyon ang urinary incontinence, tulad ng:
Paulit-ulit na urinary tract infections
Kapag nagkaroon ka ng UI, mas madaling mamugad ang mga bacteria sa urinary system kaya’t mas madali kang magkaroon ng paulit-ulit na urinary tract infections.
Iritasyon sa balat
Ang madalas na pagkabasa ng sarili ay maaaring maging sanhi ng mga pantal at sore sa iyong balat. Kapag hindi nagamot, maaaring maging impeksyon.
Nahihirapang mamuhay nang normal
Pwedeng mangyari ang pagtagas ng ihi anumang oras, saan mang lugar. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong may ganitong kondisyon ay nahihirapang mamuhay nang maayos dahil sa pag-aalala at takot na mapahiya.
Nakakaapekto ang urinary incontinence sa pang-araw-araw na gawain ng isang tao, pag-aaral, at maging ng relasyon.
Kung kasalukuyan kang nakararanas ng urinary incontinence, o may kilala kang nakararanas nito, humingi, o magbigay ng tulong at ipaalam sa kanilang may mga taong nakauunawa ng kanilang kondisyon.
Key Takeaways
Bagaman hindi kasing kritikal ang urinary incontinence kumpara sa ibang mga sakit, mahirap pa rin ang magkaroon nito.
Makatutulong ang kaalaman sa mga sanhi ng urinary incontinence upang makahingi ng agarang gamutan na makapagpapakalma sa iyo o sa iba.
Tandaang huwag magdalawang isip na humingi ng tulong, kung may ideya ka kung ano ang nagdudulot ng iyong UI.
Magtanong sa doktor para sa treatment at mga gamot na akma sa iyong kondisyon at kailangan. Gawin ito upang mamuhay ka na nang walang pag-aalala.
Matuto pa tungkol sa Urological Health and Bladder Diseases, dito.