Ang pananakit ng tagiliran ay nagdudulot ng hindi komportableng pakiramdam sa kaliwa o kanang bahagi ng katawan, o sa pagitan ng mga kilikili at ng mga balakang. Sa pangkalahatan, ang mga lugar na ito ay naglalaman ng buto, kalamnan, nerves, mga daluyan ng dugo, organs, at iba pang mga istraktura na maaaring ma-impeksyon, mamaga o masira.
Ang sakit ay maaari ding lumaganap papunta o mula sa harap o likod ng katawan, lalo na sa tiyan, dibdib, at gitna hanggang ibabang bahagi ng likod. Ang lukab ng dibdib ay naglalaman ng baga, puso at iba pang mga pangunahing istraktura ng respiratory at cardiovascular system. Idagdag pa dito ang organs at istraktura ng digestive, nervous at lymphatic system.
Karagdagang kaalaman sa pananakit ng tagiliran
Ang sakit sa tagiliran ay maaaring sintomas ng iba’t ibang uri ng banayad hanggang sa malubhang sakit, karamdaman at kundisyon. Maaaring ito ay dulot ng:
- Impeksyon
- Infarction
- Pamamaga
- Hindi pagkatunaw ng pagkain
- Trauma
- Bara sa bituka
- Kanser
Depende sa dahilan, ang pananakit na ito ay maaaring mangyari nang biglaan at medyo mabilis na mawala. Inihahalintyulad ito sa nakaranas mong sakit sa iyong tagiliran mula sa pagtakbo o iba pang masiglang ehersisyo. Maaari din itong magsimula bilang di gaanong nararamdamang sakit sa loob ng ilang buwan at taon kung ito ay dahil sa isang mabagal na paglaki ng tumor o sakit sa organ.
Pananakit sa tagiliran ng mga Pilipino
Maraming rason kung bakit tinitiis ng karamihan sa mga Pilipino ang sakit na nararamdaman. Kasama na rito ang kakapusan sa mga supply ng mga gamot para sa sakit lalo na sa mga probinsya. Karamihan ay nagtitis, at ang iba naman ay maroong mas mataas na kapasidad para tiisin ang sakit. Natatakot din ang karamihan na ma-addict sa narcotics kung kaya mas gusto nila ang gamot na iniinom o ipinapahid kaysa sa injection.
Ayon kay Dr. Bradley Tucker ng Penn Medicine, karaniwang isyu na ang sakit sa iisang panig ng likod a tagiliran.
Mga posibleng sanhi ng pananakit ng tagiliran
Problema sa kalamnan o muscles
Ang mga kalamnan ng tiyan, likod, at maging ang dibdib ay maaaring magdulot ng pananakit ng tagiliran. Ang ilang mga karaniwang sanhi ng pananakit ng kalamnan ay kinabibilangan ng:
- Mga pinsala sa kalamnan, tulad ng mga strain o sprains
- Tensyon
- Sedentary lifestyle kun saan hindi sapat ang paggalaw ng isang tao
- Stress
- Nananatili sa isang hindi pangkaraniwang posisyon sa loob ng mahabang panahon
Kabilang sa mga pinakakaraniwang sanhi ng pananakit ng tagiliran ang mga pinsala sa kalamnan. Ang pananakit ng kalamnan ay maaaring maging napakatindi, ngunit ang tindi ng sakit ay hindi kinakailangang sukatan ng kalubhaan ng pinsala.
Mga isyu sa kalusugan ng gulugod o spine
Maaaring magdulot ng pananakit sa gilid ang mga isyu sa kalusugan ng gulugod, kabilang ang spinal arthritis o herniated disc. Ang spinal arthritis ay isang uri ng talamak na pamamaga ng vertebrae. Nagdudulot ng pamamaga at pananakit ang mga sakit sa disc na bumabalot sa mga buto ng gulugod. Ian pang mga kondisyon, tulad ng bali sa gulugod, ay maaari ring maging sanhi ng pananakit sa may tagiliran. Ang mga taong may mga isyu sa kalusugan ng gulugod ay maaari ding magkaroon ng:
- Matalim at biglang sakit na umaabot pababa sa isang gilid at papunta sa binti
- Hindi maipaliwanag na pamamanhid, lalo na sa binti o paa
- Talamak na pananakit ng likod
- Hirap gumalaw
Impeksyon sa ihi
Nagkakaroon ng mga impeksyon sa ihi o urinary tract infections kapag ang mga nakakapinsalang bacteria ay pumasok sa urinary tract. Ito ay nakaka-impeksyon sa pantog, urethra, o bato. Karamihan sa mga UTI ay nananatili sa lower urinary tract. Ang mga impeksyong ito ay mas karaniwan sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Kung walang paggamot, ang UTI ay maaaring kumalat sa mga bato at magdulot ng mas matinding impeksyon dito. Bilang karagdagan sa pananakit sa tagiliran, ang mga sintomas ng isang UTI ay kinabibilangan ng:
- Masakit na pag-ihi
- Madalas o palagiang pangangailangang umihi
- Dugo sa ihi
- Pananakit namaaaring makaapekto sa magkabilang gilid o isa lamang
Mga problema sa bato
Ang mga bato, na nasa gitnang likuran sa ilalim lamang ng mga tadyang, ay mga pansala ng katawan. Maaaring makaramdam ng pananakit ang mga tao mula sa mga bato sa kanilang likod o gilid. Nagkakaproblema kapag ang impeksiyon ay kumakalat mula sa pantog. Ang sakit sa bato ay maaari ding genetic o resulta ng problema sa ibang organ.
Mga problema sa pancreas o atay
Ang pancreas at atay ay nakapwesto sa kailaliman ng tiyan, sa ilalim lamang ng rib cage. Kung minsan, ang mga problema sa mga organ na ito ay nagdudulot ng pananakit ng tagiliran. Ang sakit ay maaari ring umabot sa likod. Habang nagtutulungan ang atay at pancreas upang matunaw ang pagkain, ang problema sa isang organ ay maaaring makaapekto sa isa pa. Maraming iba’t ibang isyu sa kalusugan ang maaaring makaapekto sa pancreas at atay tulad ng mga naka-block na bile duct dahil sa gallstones.Ang iba, kabilang ang autoimmune hepatitis, ay mga malalang sakit.
Ang pananakit mula sa mga problema sa pancreas o atay ay nangyayari sa kanang bahagi ng katawan. Kasama sa iba pang mga sintomas ang:
- Maitim na ihi
- Maputlang pagdumi
- Pagduduwal
- Biglaang pag-atake ng sakit
- Dilaw na mata o balat
- Pagkapagod
- Lagnat
Humingi ng agarang pangangalagang medikal kung mayroon kang hindi maipaliwanag o patuloy na pananakit ng tagiliran. Ang agarang pagsusuri at paggamot ay maaaring makatulong sa pagkontrol ng mga sintomas at pagbawas ng mga komplikasyon.













