Ligtas ba ang x-ray at ano ang mga posibleng epekto nito sa katawan ng pasyente? Ang mga medikal na imaging ay nagreresulta sa agarang diagnosis at paggamot ng maraming kondisyong medikal sa mga bata at matatanda. Dahil dito, nakikita ng mga doktor ang isang malinaw na larawan ng kung ano ang nangyayari sa katawan ng pasyente. Ito ay nagbibigay-daan sa isang mas mahusay na pag-unawa sa iyong kalagayan.
Ang mga tao ay madalas na nag-aalala tungkol sa pagkakalantad sa radiation dahil sa x-ray. Gayunpaman, ang bahagi ng iyong katawan na sinusuri ay malalantad lamang sa mababang antas ng radiation sa loob ng isang bahagi ng isang segundo. Sa pangkalahatan, ang antas ng radiation na nakukuha mo sa x-ray ay katumbas lamang ng ilang araw o ilang taon ng pagkakalantad sa natural na radiation mula sa kapaligiran.
Ano ang medical imaging?
Ang pag-alam sa kung ano ang medical imaging ay makakatulong sa pagsiguro kung ligtas ba ang x-ray. Tumutukoy ang medical imaging sa mga makina at proseso na ginagamit upang lumikha ng mga imahe ng katawan. Kadalasan ito ay imahe ng loob ng katawan o sa ilalim ng balat. Maaaring kabilang dito ang radiography tulad ng x-ray. Gayundin ang teknolohiya ng ultrasound, na gumagana sa pamamagitan ng malakas na sound wave reflection.
Ang x-ray ay isang paraan ng pagkuha ng larawan ng mga buto at malambot na tisyu. Huwag mag-alala kung ligtas ba ang x-ray dahil gumagamit ito ng ligtas na dami ng radiation upang likhain ang mga larawang ito. Ang mga larawan ay tumutulong sa pag-diagnose ng malawak na hanay ng mga kondisyon at pagplano ng mga paggamot. Karaniwan, ang mga doktor ay gumagamit ng x-ray upang suriin ang mga sirang buto, mga dislocated joint at iba pang pinsala sa buto.
Ligtas ba ang x-ray: Mga pag-aalinlangan
Ang x-ray ay isang mahalagang equipment na ginagamit sa buong mundo. Ito ay unang ginamit sa pagkuha ng larawan ng mga buto mahigit 100 taon na ang nakalilipas. Ang x-ray ay nagligtas ng hindi mabilang na buhay at nakatulong sa hanay ng mahahalagang pagtuklas. Ito ay isang natural na anyo ng electromagnetic radiation. Ginagawa ang mga ito kapag ang mga charged particles na may sapat na enerhiya ay tumama sa isang materyal.
Ngunit sa paglipas ng mga taon, nagsimulang mag-alala ang mga siyentipiko sa mga implikasyon sa kalusugan ng x-ray. Oo nga naman, kinasasangkutan nito ang paglalantad ng pasyente sa radiation. Ang tanong ng marami, mas malaki ba ang mga benepisyo ng x-ray kaysa sa mga panganib na maaaring dulot nito?
Ligtas ba ang x-ray at paano ito ginagawa?
Mas masasagot ang katanungan kung ligtas ba ang x-ray kapag may ideya ka kung paano ito ginagamit. Ang pagsusuri sa x-ray ay gumagamit ng isang de-koryenteng aparato at digital na teknolohiya. Ginagamit ito upang lumikha ng dalawang-dimensional na larawan ng mga panloob na istruktura ng katawan. Ito ay partikular na kapaki-pakinabang sa pag-diagnose ng mga kondisyon o sakit na nakakaapekto sa mga buto at dibdib.
Ang karaniwang pagsusuri sa x-ray ay hindi invasive (walang inhisyon na ginagawa sa balat), hindi nagdudulot ng sakit at hindi nangangailangan ng anumang oras ng pagbawi. Ang dosis ng radiation mula sa x-ray ay itinuturing na ligtas. Sinasabing halos pareho lamang ito ng matatanggap mo mula sa pangkalahatang kapaligiran sa loob ng halos isang linggo.
Panganib ng x-ray
Kung gayon, ligtas ba ang x-ray bagamat ito ay gumagamit ng radiation? Ang sagot dito ay may mababang panganib ng labis na pagkakalantad sa radiation sa pagkuha ng x-ray. Kaamihan nito ay gumagamit ng mas mataas na dosis ng radiation kaysa sa iba. Ngunit sa pangkalahatan, ang x-ray ay ligtas at epektibo para sa mga tao sa lahat ng edad. Subalit maaaring makapinsala ito sa batang nasa sinapupunan ng pasyente. Kung buntis ka, maaaring pumili ng ibang opsyon tulad ng MRI o ultrasound.