Ano ang bunion? Ito ang karaniwang tanong ng mga hindi pamilyar sa kondisyong ito. Ang bunion ay parang bukol sa gilid ng hinlalaki sa paa. Resulta ito ng abnormalidad ng mga buto ng paa. Karaniwang tuwid ang hinlalaki ngunit sanhi ang abnormalidad na ito sa paghilig ng hinlalaki sa pangalawang daliri. Ang anggulong ito ay gumagawa ng bukol na nakikita mo sa iyong daliri.
Sa ilang mga kaso, ang bukol ay walang sakit. Ngunit sa paglipas ng panahon maaaring magkadikit-dikit ang mga daliri ng paa dahil sa bunion. Maaari itong magdulot ng pananakit, at posibleng permanenteng pag-iba ng porma ng mga daliri.
Ano ang bunion at papel ng genetics dito
Ang bunion ay mas karaniwan sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Hanggang 70 porsyento ng mga taong nagkakaroon ng bunion ay may kasaysayan ng bunion sa mga miyembro ng pamilya. Ito ay nagmumungkahi na malaki ang bahagi ng genetics sa pagbuo ng mga bunion.
Totoo ito lalo na para sa mga bunion ng kabataan, na nakukuha nang maaga sa buhay. Karamihan sa mga bunion ay nabubuo sa pagtanda at maaaring resulta ng paulit-ulit na micro-trauma
Ano ang bunion at sanhi nito
Ang bunion ay tumutubo nang dahan-dahan sa paglipas ng panahon, at sa kalaunan ay lumalaki at lumalabas. Maaari nitong paibahin ang porma ng hinlalaki. Kung minsan, mayroon itong bihirang paglaki at angulo kung kaya maaari itong pumatong sa ibabaw ng daliri sa tabi nito.
Sa pangkalahatan ang bunion ay namamana ngunit maaari itong makuha mula sa sa sumusunod:
- Pagsusuot ng makitid na sapatos
- Sapatos na may makitid na kahon para sa daliri
- Rheumatoid arthritis na maaaring magdulot ng pamamaga ng kasukasuan
- Foot deformity
- Korte ng iyong mga paa
Bunionettes ang tawag sa mas maliit na bunion na maaaring mabuo sa kasukasuan ng iyong maliit na daliri.
Ano ang bunion: Mga sintomas
Maaari mong maranasan ang mga sumusunod na sintomas kung ikaw ay may bunion:
- Pula at namamagang balat sa gilid ng hinlalaki sa paa
- Lumilikong hinlalaki sa paa patungo sa iba pang mga daliri
- Makapal na balat sa ilalim ng hinlalaki sa paa
- Kalyo sa pangalawang daliri
- Pananakit ng paa na maaaring patuloy o pabalik-balik
- Kahirapan sa paggalaw ng hinlalaki sa paa
Ang mga taong may bunion ay nakakaranas ng pamamaga, pananakit habang naglalakad, at mga paltos. Hindi basta-basta mawawala nang walang paggamot ang bunion. Kapag hindi ito ginamot ay lalo itong lumalala.
Ano ang gamot sa bunion
Maaring gamutin ang bunion na di na kailangan ng operasyon sa pamamagitan ng:
- Pagsusuot ng sapatos na may padded soles at nagbibigay ng sapat na lugar upang makagalaw ang iyong mga daliri sa paa
- Ang paglalagay ng pad o tape sa paa sa isang normal na posisyon upang mapababa ang presyon sa bunion
- Pag-inom ng over-the-counter na pain reliever gaya ng acetaminophen, ibuprofen, o naproxen
- Pagsusuot ng arch support sa sapatos
Kung sa tingin ng doktor ay hindi makakatulong sa iyo ang mga non-surgical na opsyon sa kung ano ang bunion, maaaring irekomenda ang operasyon. Maraming mga proseso sa operasyon ang ginagamit upang gamutin ang mga bunion. Irerekomenda ng iyong doktor ang pinakamahusay na pamamaraan para sa iyong sitwasyon.
Gayunpaman, karamihan sa mga operasyon upang itama ang mga bunion ay may kasamang bunionectomy. Ang bunionectomy ay kinabibilangan ng pagwawasto sa posisyon ng hinlalaki sa paa sa pamamagitan ng:
- Pag-alis ng prominenteng parte ng buto sa hinlalaki ng paa
- Pag-alis ng namamagang tissue mula sa apektadong joint
Ang ganap na paggaling mula sa isang bunionectomy ay maaaring tumagal ng hanggang walong linggo. Sa karamihan ng mga kaso, magagawa mong lumakad kaagad pagkatapos ng operasyon.
Diagnosis ng bunion
Sa karamihan ng mga kaso, madaling ma-diagnose ng doktor ang bunion sa pamamagitan ng pag inspeksyon. Marami sa mga palatandaan ay makikita sa labas na anyo ng iyong mga daliri. Sa panahon ng pisikal na eksaminasyon, maaaring suriin kung may limitadong paggalaw ang iyong mga paa at daliri. Mag-uutos ang iyong doktor na magpa-ray kung pinaghihinalaan nila ang pinsala o deformity. Maaaring makita ng detalyado sa x-ray ang kalubhaan ng bunion at matukoy ang sanhi nito. Maaaring kailanganin din ang pagsusuri ng dugo upang maalis ang arthritis bilang sanhi.