Sa mahabang panahon, nasaksihan natin ang pag-unlad ng “sex positivity,” ang paniniwalang nakapagdadala ng maraming magagandang bagay sa buhay ng isang tao ang pakikipagtalik. At habang maganda ang sex positivity, hindi ibig sabihin na makikipagtalik ka na kahit ayaw mo. Makaaapekto ba sa iyong kalusugan ang hindi pagtatalik ng matagal na panahon? Ano ang mangyayari sa katawan kapag walang pagtatalik?
Kahulugan Ng Abstinence (Hindi Pagtatalik Ng Matagal)
Bago natin ipaliwanag ang mga posibleng epekto sa katawan ng hindi pakikipagtalik ng matagal, linawin muna natin na iba-iba ang pagpapakahulugan ng mga tao sa salitang abstinence.
May mga taong nag-iisip na ang abstinence ay ang pag-iwas sa pakikipagtalik na maaaring mauwi sa pagkabuntis. Ibig sabihin, nakikipagtalik pa rin sila ngunit hindi sa paraang ipinapasok ang ari ng lalaki sa ari ng babae (viginal intercourse). Isa ito sa uri ng fertility-awareness birth control method.
May iba namang nag-iisip na ang ibig sabihin ng abstinence ay ang pag-iwas sa anumang klase ng seksuwal na gawain kasama ng kanilang kapareha. Ito ang kahulugang gagamitin natin sa artikulong ito.
Ano Ang Mga Benepisyo Ng Hindi Pagtatalik Ng Matagal?
May dalawang pangunahing benepisyo ang hindi pagtatalik ng matagal: makaiiwas sa unwanted pregnancy at sa sexually transmitted infections.
Dagdag pa, ang mga taong pinipiling umiwas sa gawaing ito ay puwedeng:
- Magkaroon ng mas maraming panahon upang makilala ang kanilang kapareha
- Makapagpokus sa kanilang kasalukuyang hangarin sa buhay (career o pag-aaral)
- Magkaroon ng mas maraming oras upang magpagaling mula sa emotionally draining experiences, gaya ng pakikipaghiwalay sa karelasyon o pagkamatay ng mahal sa buhay
- Makapaghintay hanggang sa maramdaman na nilang handa na sila sa anumang seksuwal na aktibidad
Ano Ang Nangyayari Sa Katawan Kapag Walang Pagtatalik?
Nagbibigay ng napakaraming benepisyong pisikal at mental ang healthy sex life, gaya ng mas malusog na puso, mas malakas na immune system, nakababawas ng stress, at nakapagpapahupa ng iniindang sakit. Ngunit paano kung pinili mo ang hindi pagtatalik ng matagal? Nakasasama ba ito sa iyong kalusugan?
Piliin mo mang ipagpaliban ang makaranas ng unang pakikipagtalik, o magdesisyong huminto na sa pakikipagtalik, walang masama rito ayon sa mga eksperto.
Nag-aalala ka ba na baka hindi mo makuha ang mga benepisyo ng pakikipagtalik? Kung oo, huwag mong kalimutang maaari mong makuha ang mga ito sa pamamagitan ng ibang paraan:
Pain Relief
Kung gusto mo ng pain-relieving benefits ng pakikipagtalik, tandaang puwede kang mag-workout. Gaya ng pakikipagtalik, ang pag-eehersisyo tulad ng aerobics ay nakapagpapalabas ng endorphins, na natural na pain-killer ng katawan.
Mas Malusog Na Puso
Nais mo ba ng mas malusog na puso? Tandaang nakabubuti sa puso ang pagpapanatiling physically active at pagkakaroon ng balanseng pagkain.
Mas Malakas Na Immune System
Naghahanap ka ba ng mga gawaing makapagpapalakas ng iyong immune system? Ang healthy diet, regular na pag-eehersisyo, at sapat na tulog ay ilan lamang sa mga gawaing makapagpapalakas ng iyong immunity.