backup og meta

IUD Sa Pilipinas: Heto Ang Lahat Ng Dapat Mong Malaman

IUD Sa Pilipinas: Heto Ang Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Maraming uri ng IUD, ngunit iisa lamang ang uri ng IUD sa Pilipinas. Ito ay gawa sa plastic na hugis T, at nakakatulong ito upang makaiwas sa pagbubuntis matapos nitong ipasok sa uterus. Ang mga IUD ay tinatawag rin na long-acting reversible contraception (LARC) dahil tumatagal ito ng maraming taon. Habang gamit ang IUD ay maliit lang ang posibilidad na mabuntis. Ngunit kapag tinanggal na ito ay maaari nang mabuntis ang isang babae.

Anu-Ano Ang Mga Available Na IUD Sa Pilipinas?

Ang copper IUD ay ang natatanging uri ng IUD na mabibili dito sa bansa.

Hindi katulad ng ibang IUD ang copper na IUD dahil hindi ito gumagamit ng hormones. Ang ginagawa ng copper sa IUD na ito ay pinipigilan ang pagpunta ng sperm cells sa egg cell. Nagiging mas malapot rin ang cervical mucus, na tulad ng ginagawa ng progestin na isa ring paran ng contraception.

Ang ganitong klase ng IUD ay tumatagal ng hanggang 10 taon.

Tinatayang 99% effective ang ganitong uri ng IUD. Kabilang rin ito sa mga pinaka-effective na birth control method. Sa katotohanan, ginagamit nga ang mga copper IUD bilang emergency contraceptive, dahil kapag na-implant na ito ay gagana na ito agad.

Paano Ginagamit Ang IUD?

Mga healthcare professionals lamang ang maaaring maglagay ng IUD. Ibig sabihin, kinakailangan mong magpa-schedule ng bisita sa doktor para magpalagay nito.

Wala namang pinipiling oras ang paglalagay ng IUD. Pero may ilang mga nagsasabi na mas mainam raw kung ilagay ito habang ikaw ay may regla. Ito ay dahil mas bukas ang iyong cervix sa panahong ito.

Maaari ka ring uminom ng over-the-counter painkillers bago ilagay ang IUD upang makaiwas sa cramping.

Kung nagpa-pap smear ka na dati, hindi malayo dito ang proseso ng paglalagay ng IUD. Heto ang step-by-step guide:

  • Ipapatanggal sa iyo ng doktor ang iyong damit pang-ibaba.
  • Hihiga ka sa kama na nakalagay ang paa sa stirrups.
  • Maglalagay ng speculum sa loob ng iyong vagina ang doktor.
  • Ilalagay naman sa maliit na tubo ang IUD.
  • Ipapasok ito sa iyong vagina at cervix papunta sa uterus.
  • Sa uterus itutulak palabas ang IUD upang mailagay ito sa loob.

Inaabot lang ng 15 minutes ang proseso. Pagkatapos nito, okay na ang IUD.

Mapapansin mo rin na mayroong mga tali na nakakabit sa baba ng IUD. Ang silbi nito ay upang malaman kung tama ang pagkakalagay ng IUD. Ito ay dahil mahalagang i-check buwan buwan kung tama pa rin ang pagkakalagay ng IUD.

Heto ang paraan upang ma-check ito:

  • Siguraduhing malinis ang iyong mga kamay.
  • Magpasok ng daliri sa iyong vagina hanggang makapa ang cervix.
  • Kapain ang mga tali ng IUD.

Kung hindi naman nagbago ang haba at hindi gumalaw ang mga tali ay ibig sabihin okay pa ang IUD.

Kung sakali naman na hindi nasa tamang lugar ang IUD, huwag mo itong ayusin. Itawag ito agad sa doktor upang siya ang mag-ayos ng IUD. Pansamantala munang gumamit ng ibang contraceptive upang makaiwas sa pagbubuntis.

Anu-Ano Ang Benepisyo Ng IUD?

Karaniwan ang paggamit ng IUD sa Pilipinas dahil sila ay mabisa. Heto ang benepisyo ng mga IUD:

  • Mas maliit ang posibilidad na mabuntis.
  • Hindi kailangan laging bantayan.
  • Mabilis itong ilagay at tanggalin.
  • Mura lamang ang IUD.

Mainam ang IUD para sa mga babaeng madalas ay busy at wala gaanong oras para sa ibang paraan ng contraception. 

Mayroon Ba Itong Side Effects?

Bagama’t epektibo ang IUD sa Pilipinas, mayroon rin itong mga side-effects tulad ng:

  • Posibleng makaranas ng kaunting discomfort sa paglagay nito.
  • Posibleng magkaroon ng cramps matapos ilagay ang IUD.
  • May posibilidad na maging mas heavy ang periods.
  • Minsan ay lalong sumasakit ang menstrual cramps dahil sa IUD.

Hindi ito nakakatulong labanan ang mga sexually transmitted infections o STI.

Mahalagang alamin ang mga pros at cons ng mga contraceptives bago ito gamitin. Ito ay upang malaman kung ano ang pinaka-mainam sa iyo.

Kadalasan, ang mga side-effects ng IUD ay nararanasan lamang sa simula. Pagtagal ay nawawala na rin ang mga side-effects nito.

Sino Ang Maaaring Gumamit Ng IUD?

Kahit sinong babae ay maaaring gumamit ng IUD. Ngunit mas okay ito sa mga babaeng iisa lamang ang sexual partner. 

Hindi nirerekomenda ang IUD sa mga babaeng:

  • Mayroong STD
  • Nakaranas kamakailan ng pelvic infection
  • Nagdadalang tao
  • Mayroong cervical cancer
  • Mayroong uterine cancer
  • Nakaranas ng vaginal bleeding
  • Maraming sexual partners
  • Mayroong allergy sa copper
  • Mayroong Wilson’s disease

Posible rin na dahil sa hugis ng uterus ay hindi maipasok ng doktor ang IUD. Sa ganitong sitwasyon, hindi nirerekomenda ang paggamit ng IUD.

Kung sakaling hindi swak sa iyo ang paggamit ng IUD, magpakonsulta sa iyong doktor upang malaman ang mga alternatbong paraan ng contraception.

Magkano Ang IUD Sa Pilipinas?

Ang IUD sa Pilipinas ay nabibili sa halagang 10,000-15,000 pesos kada isa. Kumpara sa ibang contraceptive methods, mas mahal ang initial cost ng IUD. Ngunit tumatagal naman ito ng hanggang 10 taon, kaya sulit rin ang gastos dito.

Kung member ka naman ng PhilHealth ay maari nilang bayaran ang paglalagay ng IUD gamit ang kanilang mga package.

Saan Nakakakuha Ng IUD Sa Pilipinas?

Mahalagang magpakonsulta muna sa iyong OB-GYN kung nais mong magpalagay ng IUD.

Nakakakuha rin ng IUD sa Pilipinas sa mga health centers. Kung nais mong magpalagay sa kanila, puwede mo itong itawag at tanungin kung magkano at kung sila ba mismo ang maglalagay ng IUD.

Mahalaga rin na kumpleto ang iyong medical history bago ka magpakonsulta.

Alamin ang tungkol sa Contraception dito.  

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Will Philhealth Pay for an IUD and its insertion? https://www.doh.gov.ph/faqs/Will-PhilHealth-pay-for-an-IUD-and-its-insertion, Accessed 5 June 2020

Contraceptives in the Philippines: What To Use, Where to Get, https://www.rappler.com/move-ph/issues/gender-issues/87417-available-contraceptives-philippines, Accessed 5 June 2020

Contraception FAQs: Intrauterine Device, https://newsnetwork.mayoclinic.org/discussion/contraception-faqs-intrauterine-device/, Accessed 5 June 2020

Deciding about an IUD, https://medlineplus.gov/ency/patientinstructions/000774.htm, Accessed 5 June 2020

Intrauterine Devices, https://medlineplus.gov/ency/article/007635.htm, Accessed 5 June 2020

Kasalukuyang Version

04/05/2024

Isinulat ni Vincent Sales

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Kailangan Gawin Kapag Nabutas Ang Condom?

Condom sa babae: Ano ito at paano ginagamit?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Vincent Sales · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement