backup og meta

UTI Ng Buntis: Paano Ito Ginagamot, At Paano Ito Maiiwasan?

UTI Ng Buntis: Paano Ito Ginagamot, At Paano Ito Maiiwasan?

Ayon sa mga ulat, ang incidence rate ng mga buntis na nagkakaroon ng urinary tract infection ay umaabot ng hanggang 8%. Posible bang maiwasan ang UTI ng buntis? Ano ang epekto sa iyo at sa iyong sanggol ng pagkakaroon ng impeksyon sa pantog (bladder)? Alamin ‘yan dito.

Mga Sanhi Ng UTI Ng Buntis

Ang urinary tract infection (UTI) ay isang bacterial infection sa urinary system. Maaaring maimpeksyon ang anumang bahagi ng urinary tract — mula sa bato at pantog, hanggang sa ureters at urethra.

Sa pangkalahatan, mabilis na kapitan ng UTI ang mga babae, ngunit habang nagbubuntis, mas mataas ang panganib na magkaroon nito dahil sa mga sumusunod na physical at hormonal changes.

Lumalaking Sinapupunan

Habang lumalaki ang sinapupunan (womb) dahil sa paglaki ng fetus, nagdudulot ito ng mas matinding pressure sa pantog (urinary bladder). Ang dagdag na pressure ang dahilan kaya’t mahirap para sa iyo na ilabas ang lahat ng laman ng pantog mo. Dahil sa natirang ihi, maaaring mabuo ang bacteria na nagdudulot ng UTI at maging sanhi ng impeksyon.

Hormonal Changes

Habang nagbubuntis, nag-re-relax ang muscle sa urinary tract dahil sa pagtaas ng progesterone level. Binabawasan nito ang bladder tone at maaaring magresulta sa vesicoureteral reflux at urinary stasis.

Nangyayari ang vesicoureteral reflux kapag ang daloy ng ihi mula sa pantog ay bumalik papunta sa bato (kidneys), habang ang urinary stasis naman ay kapag nanatili nang mas matagal ang ihi sa pantog. Parehong pinatataas ng mga kondisyong ito ang panganib ng pagkakaroon ng UTI habang nagbubuntis.

Bilang huli, kapag tumataas ang progestin at estrogen sa katawan, humihina ang kakayahan ng urinary tract na labanan ang bacteria na nagdudulot ng impeksyon.

Glycosuria

70% ng mga buntis ay nagkakaroon ng glycosuria o ang pagkakaroon ng sugar sa ihi. Sa kasamaang palad, hinihikayat ng sugar ang pag-usbong ng bacteria na puwedeng mauwi sa UTI ng buntis.

Bukod pa sa mga factors na ito, ang mga sanhi ng UTI sa mga babaeng hindi buntis ay puwede ring ilapat sa mga buntis.

uti ng buntis

Mga Senyales At Sintomas Ng UTI Ng Buntis

Kung may UTI ka habang nagbubuntis, maaari kang makaranas ng mga sumusunod:

  • Madalas na pag-ihi, o pagnanais na makaihi nang mas madalas
  • Urinary urgency o ang pangangailangang makaihi nang mas madalas
  • Hindi komportableng pakiramdam o masakit kapag umiihi
  • Pananakit ng likod na indikasyon na maaaring may impeksyon na ang iyong bato
  • Mabaho o matapang na amoy ng iyong ihi
  • May dugo o mucus sa iyong ihi
  • Pagdami o pagkaunti ng ihi
  • Hindi mapigil ang ihi o pagtagas ng ihi
  • Lagnat, panginginig, at pagpapawis
  • Hindi komportableng pakiramdam kapag nakikipagtalik
  • Cramps sa ibabang bahagi ng tiyan

May mga kaso ring may bacteria na sa ihi ng babae, ngunit wala silang nararamdamang kahit na anong sintomas. Ito ang tinatawag na asymptomatic bacteriuria.

Diagnosis

Ang pinakakaraniwang paraan upang malaman kung may UTI ay sa pamamagitan ng urinalysis at culture. Sa test na ito, ipinapadala ang sample ng ihi para sa analysis. Upang malaman kung anong bacteria ang naging sanhi ng UTI, dito isinasagawa ang urine culture.

Dahil posible ang asymptomatic bacteriuria, maaaring sabihin ng iyong doktor na kumuha ka ng urine testing kahit walang nakikitang kahit na anong sintomas ng UTI. Nakagawian na itong gawin sa prenatal laboratory tests.

Kung lumabas sa resulta ng lab test na mayroon kang bacteria sa ihi, o mayroon kang impeksyon sa pantog o sa bato, ipapayo sa iyo ng doktor na kumuha ng buwanang urine testing.

Treatment At Home Remedies Para Sa UTI Ng Buntis

Bago natin pag-usapan ang paraan upang maiwasan ang UTI ng buntis, unawain muna natin ang mga karaniwang treatment plan at home remedies.

Treatment

Ang treatment plan para sa UTI ng buntis ay antibiotic therapy. Pipiliin ng doktor ang antibiotics na hindi nakasasama sa sanggol, gaya ng cephalosporins at penicillin-based antibiotics.

Ang treatment ay depende rin sa yugto ng pagbubuntis. May mga pag-aaral na nagsasabing ang pag-inom ng antibiotics gaya ng nitrofurantoin at sulfamethoxazole habang nasa unang trimester ay maaaring maging sanhi ng birth defects.

Home Remedies

Kasama ng iyong antibiotic treatment, puwede mo ring gawin ang mga sumusunod upang gamutin ang UTI habang nasa bahay:

  • Uminom ng maraming tubig. Nakatutulong ang pag-inom ng tubig upang humalo ang ihi at mailabas ang bacteria.
  • Umihi kapag naiihi ka. Upang matulungang mailabas ang bacteria, umihi kapag nararamdaman mong naiihi ka. Huwag kalimutang punasan ang iyong ari nang dahan-dahan mula sa harap papalikod.
  • Tanungin ang iyong doktor tungkol sa cranberry juice. May mga ilang pag-aaral ang nagsasabing ang purong cranberry juice na walang added sugar ay nakatutulong upang maiwasan ang pagkapit ng bacteria sa urinary tract. Maaari itong makatulong upang matanggal at maiwasan ang UTI. Gayunpaman, huwag gamitin ang cranberry juice upang gamutin ang UTI liban na lang kung pumayag ang iyong doktor.
  • Magtanong sa iyong doktor tungkol sa vitamins. Sinabi ng American Pregnancy Association na ang vitamin C, beta-carotene, at zinc ay tumutulong na labanan ang impeksyon. Magtanong sa iyong doktor kung puwede kang uminom ng mga vitamins na ito habang nagbubuntis ka.
  • Iwasan ang makipagtalik habang naggagamot. Maaari kang makakuha ng iba pang impeksyon dahil ang mga sexual activity ay karaniwang dahilan ng pagkakaroon ng UTI.

Pag-Iwas Sa UTI Ng Buntis

Ang pinakamainam na tips upang makaiwas sa panganib ng UTI kapag buntis ay:

  • Pag-inom ng hindi bababa sa 8 basong tubig araw-araw
  • Pag-ihi at malumanay na paghuhugas ng ari bago at pagkatapos magkipagtalik
  • Itigil ang paggamit ng matatapang na feminine products
  • Pagsusuot ng cotton underwear at pag-iwas sa masisikip na pantalon
  • Pag-iwas sa mga pagkaing nakaiirita sa pantog gaya ng maasukal na pagkain, alak, at inuming may caffeine
  • Paliligo sa shower kaysa sa paglublob sa bathtub
  • Tandaan na ang nakalistang practices sa home remedies section ay makatutulong din upang maiwasan ang UTI ng buntis.

Mga Komplikasyon

Kung walang treatment, puwedeng lumala ang UTI sa systemic infections o sepsis. Dahil sa aktibong impeksyon, maaaring tumaas ang panganib ng pagkakaroon ng mga sumusunod na komplikasyon:

  • Panganganak nang maaga (preterm labor)
  • Mababang timbang ng sanggol
  • Acute respiratory distress syndrome
  • Bacteremia (presensya ng bacteria sa dugo)
  • Preeclampsia
  • Acute kidney injury

Ang magandang balita, kung magkakaroon ka ng tama at maagang treatment para sa UTI, maiiwasan ang posibleng pinsalang idudulot nito sa iyo at sa iyong sanggol.

[embed-health-tool-due-date]

Key Takeaways

Karaniwan na ang makaranas ng UTI ang mga buntis. Kaya’t kung napansin mo ang anumang senyales o sintomas nito, kumonsulta agad sa iyong doktor. Sa pamamagitan ng tamang antibiotic treatment, hindi makapagdudulot ng mga komplikasyon ang UTI. Upang mabawasan ang panganib na magkaroon ka ng UTI, sundin ang mga prevention tips kung saan kabilang dito ang pag-inom ng maraming tubig, pag-ihi kung nararamdamang kailangang umihi, at pagpunas ng ari mula harap papunta sa likod na bahagi.

Matuto pa tungkol sa Pagiging Buntis dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Urinary Tract Infection In Pregnancy, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK537047/, Accessed November 10, 2020

Urinary Tract Infections During Pregnancy, https://www.aafp.org/afp/2000/0201/p713.html, Accessed November 10, 2020

Antibiotic Treatments for Urinary Tract Infections Are Commonly Prescribed To Pregnant Women, https://www.cdc.gov/pregnancy/meds/treatingfortwo/features/kf-uti-antibiotic-treatments-pregnant-women.html, Accessed November 10, 2020

Urinary Tract Infections During Pregnancy, https://www.msdmanuals.com/home/women-s-health-issues/pregnancy-complicated-by-disease/urinary-tract-infections-during-pregnancy?query=Urinary%20Tract%20Infection%20in%20Pregnancy, Accessed November 10, 2020

Urinary Tract Infection During Pregnancy, https://americanpregnancy.org/pregnancy-complications/urinary-tract-infections-during-pregnancy-938, Accessed November 10, 2020

Kasalukuyang Version

05/31/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Panganganak Ng Cesarean: Mga Facts Na Dapat Mong Malaman

Sakit Ng Labor: Bakit Ito Nangyayari, At Ano Ang Maaaring Gawin Tungkol Dito?


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement