Ang unang taon ni baby ay isa sa pinakamahalagang panahon para sa kaniyang growth and development. Bukod sa tamang pag-aalaga at pagkain, mahalaga rin na maibigay ang mga bitamina na kinakailangan ng kaniyang katawan para sa tamang paglaki. Heto ang mga bitamina para sa baby na 6-12 buwang gulang.
Paano nakakatulong sa paglaki ang wastong nutrisyon?
Ang wastong nutrisyon ay nakakatulong upang maabot ng mga sanggol ang kanilang developmental milestones. Kapag sila ay nasa sinapupunan pa lamang, nakukuha nila ang nutrisyon mula sa kanilang mga ina. Matapos silang ipanganak, nakukuha naman nila ito sa breast milk, na galing pa rin sa kanilang mga ina.
Pero kapag marunong na silang kumain ng solid foods, dito na manggagaling ang nutrisyon na kailangan ng kanilang katawan.
Ang mga mahalagang bitamina at nutrisyon ay nagmumula sa iba’t-ibang uri ng mga pagkain. Kaya mahalagang gumawa ng healthy food choices ang mga magulang upang makuha ng kanilang mga sanggol ang benepisyo ng mga ito.
Vitamins para sa baby
Ang pinakamainam na mga bitamina para sasanggol na 6-12 buwang gulang ay nagmumula sa kanilang mga kinakain. Upang makatulong sa pagpili ng wastong pagkain, narito ang mga bitamin na kailangan nila:
Vitamins
Vitamin A
Mahalaga ang vitamin A para sa kalusugan ng ngipin, mata, buhok, at balat, pati na rin upang palakasin ang immune system.
B Vitamins
Ang B vitamins ay mainam rin na vitamins para sa baby na 6-12 months. Mayroong 8 uri ng B vitamins:
- Thiamine (vitamin B1)
- Riboflavin (vitamin B2)
- Niacin (vitamin B3)
- Pantothenic acid (vitamin B5)
- Pyridoxine (vitamin B6)
- Biotin (vitamin B7)
- Folate (vitamin B9)
- Cyanocobalamin (vitamin B12)
Nakakatulong ang mga ito sa mga tungkulin ng katawan, kasama na ang pananatili ng malusog na cells at metabolismo. Nakakatulong rin ito sa tungkulin at pag-unlad ng utak.
Vitamin C
Ang ascorbic acid o vitamin C ay nakakatulong upang panatilihing malakas ang immune system ng katawan. Kapag malakas ang immune system ng mga sanggol ay mas nalalabanan ng kanilang katawan ang mga impeksyon.
Ang vitamin C ay isa sa mga mahahalagang vitamins para sa sanggol na 6-12 buwang gulang dahil nakakatulong ito sa pagbuo ng collagen. Ang collagen ay nagbibigay ng hubog at elasticity sa balat, muscles, tendons, ligaments, connective tissues, at blood vessels. Nakakatulong rin itong palakasin ang mga buto at ng tissue growth para sa mabilis na paggaling ng mga sugat.
Vitamin D
Kailangan ng mga sanggol ang vitamin D upang maka-absorb ng calcium, na nakakatulong sa pagbuo ng matibay na ngipin at mga buto. Nakakatulong rin ito sa pag-absorb ng phosphorus, na mahalaga sa paglago, pagpapanatili, at pagkumpuni ng mga tissues at cells.
Minerals
Calcium
Bukod sa mga vitamins para sa baby, mahalaga rin ang mga minerals. At isa sa pinakamahalaga dito ay ang calcium. Ang calcium ay nakakatulong upang magkaroon ng matibay ng ngipin at buto ang mga baby. Nakakatulong rin ito sa blood clotting pati na rin sa pagpapanatili ng mga nerves at muscles.
Nakakatulong rin hanggang pagtanda ang pagkakaroon ng mataas na lebel ng calcium sa katawan habang bata. Ito ay dahil mas nagiging matibay ang mga buto, at nakakaiwas sa bone loss kapag bata pa lang ay maraming calcium ang katawan.
Iron
Mahalaga ang iron sa pagbuo ng mga cells, lalong-lalo na ng mga red blood cells. Nakakatulong rin ito upang makaiwas sa iron deficiency anemia.
Zinc
Ang zinc naman ay nakakatulong sa pagbuo at pagkumpuni ng mga body tissues, muscles, at balat. Pinapalakas rin nito ang immune system, na mahalaga upang malabanan ang mga sakit at infection.
Sodium
Ang sodium ay nakakatulong upang balansehin ang tubig sa katawan pati na rin ang blood volume. Bukod dito, nakakatulong ito sa pagpapanatili ng cell membrane at iba pang tissues sa katawan.
Hindi rin kinakailangan na bigyan ng extra na sodium ang diet ng mga sanggol. Ito ay dahil nakukuha na nila ito mula sa breast milk o kaya sa infant formula.
Iba pang nutrients
Carbohydrates
Ang carbohydrates naman ay mahalaga para sa growth and development. Nakakatulong rin ito upang magamit ng tama ang proteins at fats sa katawan.
Fat
Ang fat naman ay nakakatulong sa brain development ng mga sanggol. Ang mga sanggol na 6-12 buwang gulang ay may nakukuha ring benepisyo sa fat, kabilang na ang pag-absorb ng fat-soluble vitamins, A, D, E, at K, at pagbibigay ng enerhiya sa katawan.
Protein
Bukod sa proteins at fats, mahalaga rin ang protein sa paglago, pagpapanatili, at pagkumpuni ng mga tissues ng balat, mata, muscles, heart, lungs, brain, at iba pang organs.
Ginagamit rin ng katawan ang protein sa pagbuo ng mga enzymes, hormones, antibodies, at iba pang kailangan para sa growth at development ng mga sanggol. Bukod dito, ang protein ay nagsisilbing building blocks ng buto, muscles, cartilage, balat, at dugo.
Tubig
Nakukuha ng mga sanggol ang tubig mula sa breastmilk. Ngunit kapag nagsimula na silang kumain ng mga solid food ay kinakailangan na silang bigyan ng tubig.
Mahalaga ang tubig para ma-regulate ang temperature ng katawan pati na rin ang cell metabolism. Nakakatulong rin ito sa pag-transport ng nutrients sa katawan, pati na rin ang pag-maintain ng function ng mga kidneys.
Key Takeaways
Mahalagang alamin ng mga magulang ang essential nutrients, minerals, at vitamins para sa sanggol na 6-12 buwang gulang. Nakakatulong ito upang mapili ng mga magulang kung ano ang pinakamasustansyang mga pagkain na maaari nilang ibigay sa kanilang mga baby.
Ang isa pang dapat tandaan ay kung hindi nutrient-, vitamin-, o mineral-deficient ang iyong baby, hindi naman kinakailangan magbigay pa ng mga vitamins.
Huwag rin mag-atubiling magpakonsulta sa pediatrician kung sakaling may mga tanong ka tungkol sa nutrisyon pati growth at development ng iyong anak.
Key-takeaways
Alamin ang tungkol sa Parenting and Baby dito.