backup og meta

Screentime Ng Toddler, Paano Ba Dapat Kontrolin?

Screentime Ng Toddler, Paano Ba Dapat Kontrolin?

Sa panahon ngayon, nakadikit na ang mga bata sa kanilang gadgets, mapa-cellphone man, tablet, o mobile gaming device. Karamihan sa mga device na ito ay nagbibigay ng oportunidad upang matuto, makapag-aral, at magkaroon ng interactive play. Ngunit meron ding nagsasabi na nakasasama sa development ang screentime ng toddler.

Dahil nakatuon na ang TV at tablet sa games at entertainment, maaaring maging unhealthy na sa mga bata ang sobrang pagbababad dito.

Bago pa maging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang screentime ng toddler, natututo sila sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa ibang mga tao sa kanilang paligid.

Mahalagang mga elemento ng pagkatuto ang physical activity at paglalaro sapagkat ang pagtakbo, pag-akyat, at iba pang pakikipagsapalaran ay nakatutulong sa pag-develop ng brain function, locomotor skills, at socialization.

Ang mga digital at mobile device gaya ng laptops, tablets, at smartphones ay dapat na nagsusulong ng edukasyon. Gayunpaman, napag-alamang ang sobrang pagbababad sa mga kagamitang ito ay may mapaminsalang side effects.

Sa murang edad, maaaring makaapekto sa maagang physical at mental progress ang sobrang screentime ng toddler.

Rekomendasyon Sa Screentime Ng Toddler: Kailan Masasabing Sobra Na?

Napag-alaman ng ilang mga pag-aaral na ang pagbibigay sa mga batang edad 2 hanggang 5 taong gulang ng screentime ay nagreresulta ng delayed development.

Kabilang sa screentime ng toddler ang panonood ng telebisyon, paglalaro ng video games, o paggamit ng smartphone, computer o tablet.

Sa average, ang screentime ng mga bata ay nasa hanggang tatlong oras bawat araw. Inirerekomenda ng The American Academy of Pediatrics ang hindi hihigit sa isang oras ng quality programming para sa mga bata.

Bagaman hindi napatunayan ng pag-aaral ang ugnayan sa pagitan ng sanhi at epekto, ang pag-aaral tungkol sa screen time sa bawat edad ay nagpapakita ng negatibong development. Kabilang dito ang nasayang na oportunidad upang matuto. Ang mga halimbawa nito ay ang paghasa sa kabuuang motor skills, gaya ng pagbibisikleta o pagtakbo.

Ang maliwanag na ilaw na nagmumula sa gadgets ay maaari ding makakompromiso sa development ng utak.

Sinasabi rin ng mga siyentipiko na marami pang ibang salik na nakaaapekto sa child’s development gaya ng kanilang kinakain.

Payo Ng Mga Eksperto Sa Mga Magulang

Bagaman nagsisimula pa lang ang mga pananaliksik tungkol sa screen time at ang epekto nito sa mga bata, ipinapayo sa mga magulang na sundin ang mga gabay sa screen time ng mga bata ayon sa kanilang edad.

Bilang tugon sa lumalawak na usapin hinggil sa paggamit ng mga bata sa digital devices, bumuo ang lupon ng mga eksperto mula sa World Health Organization (WHO) ng bagong guidelines para sa physical activity, sedentary behavior, at pagtulog para sa mga bata na nasa edad 5 pababa.

Nakabatay ang kanilang rekomendasyon sa mga epekto ng kakulangan sa tulog, screentime, at pagiging hindi aktibo ng maliliit na bata. Sinuri din ng mga eksperto ang mga benepisyo ng pagdaragdag ng gawain bilang pagkukumpara.

Nakagawa ng mga sumusunod na rekomendasyon ang WHO. Binigyang diin ang screentime para sa mga bata ayon sa edad:

Infants (wala pang isang taon):

  • Dapat na maging physically active ang mga bata sa iba’t ibang paraan sa buong araw, kabilang ang interactive floor-based play.
  • Kung hindi pa gaanong nakakakilos, maaaring manatili sa prone o tummy position (nakadapa) ang infants habang gising ito sa loob ng 30 minuto, na hinati-hati sa buong araw.
  • Hindi dapat hinahayaang manatili ang mga bata sa crib, upuan, higaan, o stroller nang higit sa isang oras sa bawat pagkakataon.
  • Lubos na hinihikayat ang pagsasagawa ng storytelling.
  • Dapat na magkaroon ng magandang kalidad ng pagtulog ang mga bata sa loob ng 12 – 17 oras.
  • Walang inirerekomendang screentime sa kanilang edad.

Toddlers (1–2 taong gulang):

  • Ang mga toddler ay dapat na magkaroon 180 minuto ng magkakaibang uri ng physical activity na may magkakaibang intensidad o tindi sa buong araw.
  • Hindi dapat sila ipirmi nang higit sa isang oras sa bawat pagkakataon.
  • Mayroon dapat silang magandang kalidad ng pagtulog sa loob ng 11-14 na oras.
  • Lubos na hinihikayat ang pagbabasa at storytelling
  • Walang inirerekomendang screentime ng toddler sa mga edad isang taon.
  • Hindi dapat hihigit sa isang oras ang screentime ng toddler na nasa edad 2 taon.

Preschoolers (3-5 taong gulang):

  • Ang mga preschooler ay dapat na magkaroon 180 minuto ng magkakaibang uri ng physical activity na may magkakaibang intensidad. Ang 60 na minuto rito ay moderate to vigorous, na hinati-hati sa buong araw.
  • Hindi dapat sila ipirmi nang higit sa isang oras sa bawat pagkakataon.
  • Mayroon dapat silang magandang kalidad ng pagtulog sa loob ng 10-13 na oras.
  • Lubos na hinihikayat ang pagbabasa at storytelling.
  • Hindi dapat lumagpas sa isang oras ang screen time.

Sa unang limang taon ng buhay, inaasahang makaaambag sa motor at cognitive development ng mga bata at lifelong health ang pagsunod sa WHO guidelines.

Binigyang diin ni Dr. Juana Willumsen, ang focal point ng WHO para sa childhood obesity at physical activity ang pangangailangang ibalik ang paglalaro sa routine bata. Nangangahulugan ito ng pagbabago mula sa pagiging sedentary (hindi aktibo) patungo sa pagkakaroon ng aktibong pamumuhay. Kasama na rin dito ang mapayapang pagtulog.

Maaaring maging mahirap na ilayo ang mga bata sa kanilang devices, ngunit inirerekomenda ng mga eksperto na sundin ng mga magulang ang guidelines sa screentime para sa mga bata ayon sa kanilang edad.

Recommendation Para Sa Screen Time Ng Toddler: Paano Babawasan Ang Screentime?

1. Bumuo ng family media plan.

Iminungkahi ni Madigan na bumuo ang mga pamilya ng media plan. “Magdesisyon kayo kung paano gagamitin ang mga device, saan gagamitin, at gaano kadalas itong gagamitin. Gusto mo talagang bumuo ng healthy habits sa paggamit ng mga device,” wika niya.

2. Limitahan din ang screen time maging sa mga matatanda.

Maaaring maging mabuting halimbawa at media mentors ang mga magulang sa pamamagitan ng pagpapakita na gaya ng kanilang mga anak, kaya rin nilang limitahan ang kanilang screen time.

3. Gawing pang-pamilya ang screen time.

Maaari ding mag-screen time ang buong pamilya nang magkakasama kaysa gamitin ang mga device bilang babysitter upang mapatahimik ang mga bata.

4. Tiyaking lahat ng laman ng gadget ay educational at kapaki-pakinabang.

Dapat ding alam ng mga magulang ang mga laro at apps na ginagamit ng kanilang mga anak. Ilan sa mga ito ay maaaring educational at kapaki-pakinabang. Madalas na pinag-aaralan ng mga educator at doktor ang mga laro at apps, kaya’t maaaring i-download ng mga magulang ang mapagkakatiwalaan at educational programs para sa kanilang mga anak.

5. Gawing bahagi ng routine ng bata ang non-screen time play.

Tiyaking kasama ang non-screen time sa laro ng mga bata, at hangga’t maaari, gamitin ninyo ang oras na ito kasama ng inyong mga anak.

6. Itago ang mga gadget kapag oras ng pagkain.

Tiyaking nakatago ang mga gadget kapag oras na ng pagkain upang mahikayat ang mga batang makipag-interaksyon sa isa’t isa.

Key Takeaways

Ang kamalayan sa screentime recommendations ng toddler ay mahalaga upang matiyak ang early child development. Ngunit kung magagamit nang tama, kasabay ng wastong mga programa, hindi palaging magiging mapaminsala ang screen time ng toddler.

Magbigay ng lahat ng anyo ng oportunidad at gawain upang matuto at makapaglaro. Kung nasa moderation ang screentime, makaambag din ang paggamit ng gadget sa pag-unlad ng mga bata.

Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

American Heart Association. (2019). With summer vacation here, how much screen time is too much? https://www.heart.org/en/news/2019/06/03/with-summer-vacation-here-how-much-screen-time-is-too-much, Accessed March 5, 2020

Brooks, Mike Brooks. (2018). How Much Screen Time Is Too Much? https://www.psychologytoday.com/us/blog/tech-happy-life/201812/how-much-screen-time-is-too-much, Accessed March 5, 2020

Cleveland Clinic. (2019). Too Much Screen Time Harmful for Kids’ Development (Especially Those Under Age 5), https://health.clevelandclinic.org/too-much-screen-time-harmful-for-kids-development-especially-those-under-age-5/, Accessed March 5, 2020

Kid’s Health. (n.d.). Screen Time Guidelines for Preschoolers, https://kidshealth.org/en/parents/screentime-preschool.html, Accessed March 5, 2020

Madigan S, Browne D, Racine N, Mori C, Tough S. Association Between Screen Time and Children’s Performance on a Developmental Screening Test. JAMA Pediatr. 2019;173(3):244–250. doi:10.1001/jamapediatrics.2018.5056

Park, Alice. (2019). Too Much Screen Time Can Have Lasting Consequences for Young Children’s Brains, https://time.com/5514539/screen-time-children-brain/, Accessed March 5, 2020

Thompson, Dennis. (2019). Can Too Much Screen Time Hinder Child Development? https://www.webmd.com/parenting/news/20190128/can-too-much-screen-time-hinder-child-development#1, Accessed March 5, 2020

World Health Organization. (2019). To grow up healthy, children need to sit less and play more: New WHO guidelines on physical activity, sedentary behaviour and sleep for children under 5 years of age, https://www.who.int/news-room/detail/24-04-2019-to-grow-up-healthy-children-need-to-sit-less-and-play-more, Accessed March 5, 2020

Kasalukuyang Version

03/22/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Pihikan Sa Pagkain Ang Iyong Preschooler? Heto Ang Dapat Gawin

Safety tips sa bahay para sa mga preschoolers


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement