Hindi kailanman naging madaling gawain ang pagiging magulang. Nais ng bawat magulang ang maging superhero ng kanilang anak at maibigay sa kanila ang lahat ng kasiyahan. Ngunit ayaw rin naman nilang magpalaki ng spoiled na bata. Subalit minsan, hindi nila sinasadyang gawin ito. Para maiwasan maging spoiled na bata ang iyong anak, may ilang mga pangunahing kaalamang kailangan mong sundin bilang magulang. Marami kang kailangan maunawaan — mula sa pag-uugali ng iyong anak hanggang sa kanilang mga pangangailangan. Ito ang tutulong sa iyong mapangasiwaan nang mas mabuti ang isang spoiled na bata.
Unawain natin ang iba’t ibang aspekto ng mga spoiled na bata — mula sa kanilang mga katangian hanggang sa mga paraan ng pagharap sa kanila.
[embed-health-tool-child-growth-chart]
Sino ang Spoiled na Bata?
Naobserbahan mo na bang nag-aalboroto ang iyong anak, nagpapakita ng katigasan ng ulo at ng hindi magandang pag-uugali kapag hindi nangyayari ang kagustuhan nila? Kapag may hinihingi ang isang bata at umiiyak hanggang sa matupad ito, isa ito sa mga senyales ng spoiled na bata.
May iba’t ibang katangian ng spoiled na bata, tulad ng pagiging manipulative, pagiging sobrang sunod sa layaw, pagsagot-sagot, pagpapakita ng hindi magandang ugali, pagiging hindi matulungin, hindi nakukuntento sa halos lahat ng pagkakataon, at madaling magalit kapag hindi naibibigay agad ang kanilang hiling.
Ano ang Nagiging Dahilan ng Pagiging Spoiled na bata?
1. Masyadong Pag-aalaga at Proteksyon
Minsan, may posibilidad ding hindi makita ng mga magulang ang manipis na linya sa pagitan ng pampering at spoiling sa anak nila. Mabilis na nagreresulta sa pagiging spoiled na bata ang pagsuko sa bawat kapritso at kahilingan ng iyong anak. Protektahan sila, ngunit sa parehong oras, kung labis itong ginagawa, pinipigilan mo silang magkamali at matuto nang mag-isa.
2. Mga Kaibigan ng Iyong Anak
Lubos na naiimpluwensyahan ng kanilang mga kaibigan at ng malalapit na tao sa kanila, ang iyong anak. Kung spoiled brat ang kanilang mga kaibigan, may posibilidad na tahakin din ng iyong anak ang parehong landas. Minsan, may direkta ding paghahambing sa paraan ng pamumuhay. Hindi magtatagal at iisipin din nila na “kung mayroon nito ang mga kaibigan ko, bakit hindi rin ako?”
3. Pisikal na Karahasan
Lubos na ipinagbabawal ang pananakit sa iyong anak dahil sa maliliit o kahit na malalaking pagkakamali. Hindi lamang nagreresulta ng pagiging spoiled na bata ang ganitong uri ng feedback at reaksyon, kundi pati na rin ng isang suwail at agresibong bata. Umupo, huminga, at magkaroon ng mapayapa at mature na pakikipag-usap sa iyong anak.
4. Maaari Silang Maging Spoiled na Bata dahil sa Pagiging Sobrang Materialistic
Para sa mga magulang na palaging abala sa trabaho buong araw at nahihirapang gumugol ng ilang oras kasama ang kanilang mga anak, binibigyan nila ng mamahaling regalo ang kanilang mga anak bilang kapalit. Isa ito sa paraan ng pagpapalaki ng spoiled na bata. Kapag nasanay na ang bata sa mga materyal na bagay, ganoon din ang gugustuhin at aasahan nila sa buong buhay nila. At kapag hindi nila ito nakuha, nagsisimula silang mag-tantrums.
Mga Paraan para Harapin ang Hindi Mabuti at Spoiled na Bata
1. Ituro sa kanila ang Responsibilidad
Hindi matututo ng responsibilidad ang mga bata nang mag-isa. Kailangan silang turuan at hikayatin. Dapat ituro sa kanilang hindi tama ang paggamit ng mga dahilan o pagtakas sa mga kahihinatnan ng kanilang aksyon, para harapin ang mga sitwasyon.
2. Tulungan Silang Alamin ang Halaga ng Sarili
Turuan ang iyong mga anak na itatag ang pagpapahalaga nila sa sarili batay sa kanilang mga nagawa, talento, mabuting pag-uugali at kabaitan sa halip na ipagmalaki ang mga pag-aari nilang gamit. Kahit may makita kang mga senyales ng pagiging spoiled sa iyong anak, huwag mag-alala. Maaari mo pa ring bawiin ang mga bagay, at mapasailalim ng iyong kontrol. Hikayatin sila na unahin ang pag-uugali kaysa sa pera at mga bagay.
3. Hayaan Silang Pagtrabahuhan ang mga Gamit Nila
Mas pahahalagahan ng iyong mga anak ang kanilang mga laruan, laro, at iba pang pagmamay-ari kung sila mismo ang naghirap dito. Bigyan sila ng pagkakataong makilahok sa maliliit at malalaking gawain. Gumawa ng scoreboard ng mga gawain. Gantimpalaan sila kapag nagpakita sila ng mabuting pag-uugali at kapag pinagpatuloy nila ito.
4. Mga Tuntuning Dapat Sundin
Huwag ibigay kaagad ang kanilang mga kahilingan. Kung nagbigay ng ilang mga patakaran, manindigan dito at ipagpatuloy ito.
Pansinin ang Mabuting Nilang Pag-uugali
Ayaw ng mga bata na patuloy silang kinukulit o pinapagalitan ng kanilang mga magulang. Pahalagahan ang mga oras na nagpapakita sila ng mabuting asal at hindi masyadong spoiled na pag-uugali. Makatutulong din ang ilang mabubuti at nagbibigay-suportang mga salita na palakasin ang kanilang moral.
Ang pagtuturo sa kanila tungkol sa kahalagahan ng mga patakaran at limitasyon, na hindi dapat ito pakiusapan o mabali, ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan maging spoiled na bata ang iyong anak. Bigyan ang iyong anak ng karapatang pumili at gumawa ng mga desisyon para sa sarili niya. Ngunit sa mga unang taon ng kanilang buhay, dapat limitado ito sa mga tulad ng– kung anong mga damit ang gusto nilang isuot, kung aling mga prutas ang kakainin, o kung aling libro ang babasahin. Pagdating sa mas mahahalagang alituntunin, gaya ng pagtulog o oras ng paglalar–ikaw, bilang magulang ang kailangan masunod.
Mahirap maging mahigpit sa mga taong mahal mo, lalo na sa mga anak. Ngunit minsan, ito ang hinihingi ng oras. Makatutulong sa buong buhay ng iyong anak ang pagiging mahigpit na may balanse ng pagmamahal.
Matuto pa tungkol sa Toddler at Preschool Growth at Development dito.