backup og meta

Ano Ang Dapat Gawin Sa Bukol Ng Baby? Tandaan Ang Mga Tips Na Ito

Ano Ang Dapat Gawin Sa Bukol Ng Baby? Tandaan Ang Mga Tips Na Ito

Isa sa karaniwang mga aksidenteng nararanasan ng mga toddler ang mauntog. Malapit sa aksidente ang mga maliliit na batang edad isa hanggang tatlo dahil nagsasanay pa silang magbalanse ng katawan kapag nakatayo. Dapat na maging aware ka sa mga warning sign ng pagkakauntog ng ulo toddler upang malaman kung seryoso ba o hindi ang naidulot nitong injury sa kanya. Ano ang dapat gawin sa bukol ng baby?

Kailan Bibisita Sa Doktor

Karamihan sa mga minor head injury dulot ng simpleng pagkakauntog ay hindi naman nauuwi sa malubhang kondisyon. Mas madalas, tanging minor contact injury lang gaya ng pasa sa anit at sugat ang resulta nito. Ayon sa pag-aaral, sa 2 – 3% ng pagkahulog, simpleng linear skull fracture lang ang nangyayari. Karamihan sa mga linear skull fracture ay hindi nagdudulot ng seryosong neurological issues. 1% lamang ng fractures ang nauuwi sa epidural o subdural hemorrhage.

Bagaman hindi nauuwi sa malalang head injury ang simpleng pagkakauntog ng ulo, inirerekomenda pa ring maging alerto sa mga senyales na maaaring lumitaw ilang oras pagkatapos ng aksidente.

Ano ang dapat gawin sa bukol ng baby? Kung kasalukuyang nararanasan ng iyong anak ang mga warning sign na ito na sanhi ng pagkakauntog ng ulo ng toddler, tumawag na agad sa pinakamalapit na ospital upang humingi ng atensyong medikal.

Kabilang sa mga senyales na ito ang:

  • Nawalan ng malay sa loob ng ilang minuto o mas matagal pa
  • Patuloy na paghagulgol dahil sa sakit at discomfort
  • Patuloy na pananakit ng ulo, lalo na kung tumitindi ito
  • Pagiging sobrang iritable, nalilito, o nagpapakita ng iba pang hindi karaniwang pagkilos
  • Fuzziness o pagrereklamo dahil sa paulit-ulit na pananakit ng ulo at leeg
  • Mga problema sa pandama gaya ng panlalabo ng paningin, persistent ringing sa pandinig, o walang marinig 
  • Nahihirapang makilala ang mga pamilyar na mukha
  • Nahihirapang magsalita nang maayos
  • Paulit-ulit na pagsusuka
  • Pagiging makakalimutin o pagkawala ng alaala (amnesia)
  • Pamamanhid o panghihina ng mga braso at binti
  • Hindi makabalanse o nahihirapang maglakad at natitisod
  • Pagdurugo ng ulo o may dugong lumalabas sa mga tainga at mata
  • Kinokumbulsyon
  • Nahihirapang manatiling gising o matinding pagtulog 
  • Hindi karaniwang pamumutla na tumatagal ng higit isang oras
  • Pamamanhid sa isang side ng katawan
  • Patuloy o paulit-ulit na pagkahilo

Ito ang mga senyales ng mga mas seryosong trauma sa ulo, at maaari itong mangyari sa loob ng ilang minuto o oras. Bagaman bihira lang, pwede rin itong maramdaman makalipas ang ilang araw, kaya naman mahalagang mabantayan palagi ang inyong mga anak.

Ano Ang Dapat Gawin Sa Bukol Ng Toddler? Paano Gagamutin

Ano ang dapat gawin sa bukol ng toddler? Pinakamainam na malaman ang mga basic na paraan pagdating sa panggagamot ng nauntog na ulo ng iyong toddler. Nakatutulong ang kaalaman sa first aid para sa ganitong sitwasyon upang matiyak na ligtas ang iyong anak at makapagbigay ng tamang pag-aalaga bago dumating ang mga first responder. 

Narito ang ilang tips kung ano ang dapat gawin sa bukol ng toddler:

Huwag Mag-Panic

Normal lang na mag-alala at matakot kapag nasasaktan ang iyong anak. Gayunpaman, hindi magandang makita ng iyong anak na nag-pa-panic ka lalo na sa ganitong mga sitwasyon. 

Subukang maging kalmado at pag-aralan ang sitwasyon. Nakatutulong ang pagiging kalmado ng magulang upang kumalma rin ang bata.

Alamin Kung Paano Nangyari Ang Aksidente

Kung hindi mo kasama ang anak mo nang mangyari ang aksidente, pinakamabuting alamin mo kung paano siya nasaktan. Dahil ba nahulog siya, nadulas, o aksidente lang na natamaan sa ulo habang naglalaro?

Sa pag-alam kung paano nakuha ng iyong anak ang kanyang injury, natutulungan ka nitong malaman kung nasaktan ba siya sa iba pang bahagi ng katawan. Makatutulong din ang hakbang na ito upang malaman mo kung gaano siya nasaktan sa pangyayari.

Maglagay Ng Pack Ng Yelo Sa Bahaging May Injury

Maglagay ng cold compress sa bahaging may injury dahil nakatutulong itong mapabagal ang daloy ng dugo na nakababawas ng pamamaga at pamamasa. May lilitaw pa ring “goose egg” matapos ang aksidente ng inyong toddler, ngunit makatutulong ang paglalagay ng yelo upang mabawasan ang pananakit nito. 

Magbigay Ng Pain Medication

Pwede mong bigyan ang iyong toddler ng paracetamol upang mawala ang sakit. Tanungin ang inyong doktor kung gaano katagal ang pagitan ng bawat pag-inom ng gamot. Iwasang bigyan ang iyong toddler ng ibuprofen o aspirin dahil pwede itong maging sanhi ng pagdurugo. Huwag magbibigay kailanman ng aspirin sa mga bata, lalo na kung may lagnat sila o posibleng nakahahawang impeksyon dahil pwede itong magdulot ng Reye’s syndrome.

Dalhin Sa Ospital Ang Iyong Toddler Kung Malala Ang Pagkakauntog Ng Kanyang Ulo

Matapos maglapat ng first aid sa bahay, dalhin agad ang anak mo sa emergency kung sa tingin mo’y lumalala ang kanyang kondisyon. 

Sa oras na nasa ospital na siya, magsasagawa ng ilang tests ang mga doktor at nars sa bata upang matukoy ang tindi ng kanyang injury.

Tiyaking mananatili ka kasama ng iyong anak (kung maaari) sa lahat ng oras upang maramdaman nilang ligtas sila at secure, at upang matulungan din silang kumalma habang nagsasagawa ang hospital personnel ng mga test.

Bantayan Ang Iyong Anak Isa Hanggang Dalawang Araw Matapos Ang Injury

Sa oras na nakauwi na kayo mula sa ospital, simulan na agad ang pagbabantay sa mga ikinikilos ng iyong anak, mood, at pattern ng pagtulog. Obserbahan ang iyong anak sa loob ng 24-48 oras upang malaman kung may warning signs pa ng pagkakauntog ng ulo ang iyong anak na maaaring mauwi sa seryosong trauma sa ulo.

Iwasan Ang Mga Stressful Na Sitwasyon

Bigyan ang iyong anak ng sapat na panahon upang magpahinga at magpagaling. Huwag siyang bibigyan ng mabibigat na gawain hangga’t hindi pa sinasabi ng doktor na magaling na magaling na siya.

Palaging Maging Present

Habang nagpapagaling pa ang iyong anak, tiyaking manatili kasama ng iyong toddler dahil maaaring maging mapaghanap sila habang nasa ganitong sitwasyon. Mas madali silang gumagaling kapag palaging nandyan ang magulang sa kanilang tabi.

Ano Ang Dapat Gawin Sa Bukol At Paano Iwasan

Narito ang ilang tips upang maiwasan ng iyong anak na mauntog sa loob ng bahay:

  • Maglagay ng corner guards sa matatalas na gilid o kanto ng mga furniture. Pwede kang gumamit ng foam o malambot na kutson upang hindi ka mag-alala kahit mag-rough play ang iyong anak.
  • Maglagay ng safety gates sa pataas at pababa ng hagdan upang hindi siya mahulog.
  • Tanggalin ang mga basahan o carpet sa lugar na pwedeng madulas ang bata habang siya ay tumatakbo o naglalakad.
  • Maglagay ng malambot na play mats sa lugar kung saan naglalaro ang iyong anak upang hindi masaktan ang kanyang ulo sakaling aksidenteng mahulog o madapa.
  • Pagsuotin siya ng safety gear tuwing sasakay ng bisikleta o scooter.
  • Huwag iiwanan ang iyong anak lalo na kung nasa changing table sila o nasa mataas na lugar. Kung iiwanan mo saglit ang iyong anak, ilagay siya sa playpen, sa sahig, o sa kahit saang bahagi ng inyong bahay na hindi siya maaaksidente.
  • Tiyakin palaging hindi madulas ang inyong sahig.
  • Alam mo dapat ang nangyayari sa iyong paligid. May pagkaaktibo talaga ang mga bata at malalambing na minsan, bigla na lang lilitaw sa likod mo habang may ginagawa ka. Kailangan mong maging maingat sa lahat ng oras upang maiwasan mong aksidenteng masaktan o masagi ang iyong anak.

Key Takeaways

Madalas na mauntog ang mga toddler dahil sinusubukan pa lang nilang maging independent. Ano ang dapat gawin sa bukol? Makatutulong ang pagiging sanay sa paglalapat ng first aid upang magamot ang iyong anak sakaling may mangyaring aksidente.  

Kung mas matindi ang mga warning sign ng pagkakauntog ng iyong anak, tumawag agad sa ospital o sa inyong local emergency hotline. 

Okay lang na maging protective sa inyong anak, dahil mahirap na makita silang nasasaktan. Gayunpaman, kung hindi nila mararanasang mahulog o masaktan minsan, hindi nila matututuhan kung paano maging mas malakas.

Bilang magulang, ang kailangan mong gawin ay tiyaking ligtas ang kapaligiran ng iyong anak sapat upang makagalaw siya nang malaya.  Ang pagiging present sa lahat ng oras (kung maaari), at pagbibigay sa kanilang ng sapat na pagmamahal, suporta, at proteksyon ay makatutulong upang maging masaya at malakas silang indibidwal sa hinaharap.

Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Accidental Traumatic Head Injury in Infants and Young Children, https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/18782170/, Accessed June 22, 2020

Head Injuries and Children: When to Take your Child to the Doctor? https://www.sutterhealth.org/health/childrens-health/head-injuries-and-children-when-to-take-your-child-to-the-doctor, Accessed June 22, 2020

Head Injury, Age 3 and Younger, https://www.mottchildren.org/health-library/head3, Accessed June 22, 2020

Head Injury in Children, https://www.health.harvard.edu/a_to_z/head-injury-in-children-a-to-z, Accessed June 22, 2020

Minor Head Injury, https://www.nhsinform.scot/illnesses-and-conditions/injuries/head-and-neck-injuries/minor-head-injury, Accessed June 22, 2020

Head Injuries, https://kidshealth.org/en/parents/head-injury.html, Accessed June 22, 2020

Bump on the Head: When is it a Serious Head Injury? https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/intracranial-hematoma/expert-answers/head-injury/faq-20058442, Accessed June 22, 2020

Kasalukuyang Version

07/17/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Lorraine Bunag, R.N.


Mga Kaugnay na Post

Karaniwang Sakit Ng Bata Sa Preschool, Anu-ano Nga Ba?

Development At Paglaki Ng Toddler: Alamin Dito Ang Wastong Development


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement