backup og meta

Tips para sa Tantrum: Heto ang Dapat Tandaan ng mga Magulang

Tips para sa Tantrum: Heto ang Dapat Tandaan ng mga Magulang

Pagdating sa tips para sa ng mga bata, nakadepende itong lahat sa yugto ng kanilang development. Pagdating ng preschool, mas naipapahayag na ng mga bata ang kanilang mga damdamin. Ngunit maaari pa rin silang dumaing, sumigaw, umiyak, manipa, at mamalo tulad noong mas bata pa sila. Ano ang tips para sa tantrum ng bata?

Paano Harapin ang Tantrums ng mga Bata sa Preschool Stage?

Talagang nakaka-stress ang pagwawala ng mga bata, ngunit bahagi ang tantrum sa natural nilang paglaki at development. Karaniwang paraan ng mga bata ang tantrum upang maiproseso at mailabas ang mga malalaki at matitindi nilang emosyon.

Dahil nasa yugto sila kung saan natututo pa lang harapin ang kanilang mga emosyon, ang pag-tantrum ang pinakamadaling paraan upang mailabas ang kanilang pagkainis.

Maaaring ma-stress ang mga bata dahil sa pagod, gutom, o hindi magandang pakiramdam.

Habang lumalaki at tumatanda ang mga bata, malalaman nila kung paano mas mabuting harapin ang kanilang mga emosyon. Samantala, kailangang alamin ng mga magulang kung paano harapin ang tantrums ng kanilang anak.

Preschooler tantrums bilang paraan ng komunikasyon

Madalas mag-tantrum ang mga bata dahil hindi pa nila na-de-develop ang language skill na kinakailangan upang maipahayag nila ang kanilang sarili.

Nalulungkot ang mga bata kapag nalalaman nilang hindi nila palagi magagawa ang kanilang mga kagustuhan, o maibibigay sa kanila ang mga gusto nilang makuha. Kaya kapag nagagalit sila, tanging pagsigaw lamang ang pinakamainam na alam nilang paraan para masabi ito sa kanilang mga magulang.

Nababawasan ang tantrums habang mas epektibong natututo ang mga batang gumamit ng wika at iba pang paraan ng komunikasyon.

Tips para sa Tantrum ng Bata

Upang malaman paano harapin ang tantrum ng mga bata sa preschool stage, marahil ang pagpigil nito bago pa ito magsimula ang pinakamainam na gawin.

Narito ang ilan sa mga tips para sa tantrum para sa magulang upang mapigilan ito bago pa ito magsimula.

1. Tugunan ang mga pisikal na pangangailangan

Nagugutom ba ang bata? Nauuhaw? Inaantok? Kailangan ba nitong pumunta sa banyo? Maaaring ang mga pisikal na pangangailangan ang pinakamadaling maisagawa, at dapat matugunan kaagad.

2. Palakasin ang kanilang communication skill

Paghusayin ang kakayahan sa komunikasyon ng bata. Dagdagan ang kanilang bokabularyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga bagong salita araw-araw.

3. Positive Reinforcement

Magbigay ng maraming positive reinforcement. Purihin ang bata para sa mabuti nitong asal. Huwag ipagdamot ang positibong atensyon at papuri.

4. Itago ang mga off-limit na bagay

Kung itinuturing na off-limit ang ilang bagay sa mga bata, ilayo ito sa lugar na maaari nilang makita. Binabawasan nito ang pagkakataong magkaroon ng problema ang magulang at anak.

5. Magbigay ng mga distraction

Kung malapit na mag-tantrum ang bata, magbigay ng aagaw ng kanyang atensyon. Samantalahin ang maikli nilang attention span. Kung gusto nila ang isang bagay na hindi nila maaaring makuha, magbigay ng kapalit nito. Mag-alok ng iba pang laruan. Maglaro ng bagong laro. Maglabas ng ibang libro, at magturo ng isang bagay na kawili-wili.

6. Ibahin ang kanilang kapaligiran

Maaari ding baguhin ng mga magulang ang paligid. Lumipat sa ibang lugar ng bahay, o pumunta sa lumabas. Upang ma-handle ang tantrum ng bata, bigyan siya ng mga pagpipilian.  

7. Turuan sila ng mga bagong skill o hobby

Tulungan ang mga bata na matuto ng mga bagong bagay at makakuha ng iba’t ibang skill. Marahil gusto nilang mag-sketch, gumuhit, o magpinta? Madaling makuha at mura ang mga kagamitan para dito. Bigyan lang sila ng lugar kung saan puwede silang medyo magkalat.

Ilang beses na bang sinabi ng bata ang “gusto kong subukan” tuwing nagluluto ka? Bigyan ng pagkakataon ang bata na maghalo ng batter, o magmasa ng pagkain. Purihin sila sa paggawa ng mga craft o mga gawaing-bahay.

Kapag natutunan na nila ang partikular na skill o hobby, lumipat sa mas mahirap na gawain. Tungkol din sa pag-unawa na gusto ng mga bata na matuto ng mga bagong bagay, o magkaroon ng ilang responsibilidad ang pag-ha-handle ng tantrum ng mga bata.

8. Timbangin ang mga pagpipilian

Huwag sabihin ang “hindi” kaagad. Ano ang hinihiling ng bata? Isang bagay ba ito na hindi kayang gawin? Ilan sa mga magulang ang nagsasabi agad ng “hindi” dahil pagod, abala, o nagmamadaling tapusin ang isang bagay.

Isaalang-alang ang kahilingan ng bata. Marahil hindi naman ito mapanganib. Tungkol din sa pagpili ng iyong laban ang pag-alam kung paano harapin ang tantrum ng bata. Hindi kailangang labanan ang lahat ng bagay.

Maging malay sa mga limitasyon ng mga bata, maglaan ng iskedyul para sa mga bagay sa kanilang paligid. Alamin ang mga nagdudulot ng tantrum sa bata. Maaaring umuwi kung pagod sila, kaysa isama sila sa pamilihan o iba pang lakaran.

Paano harapin ang tantrum ng bata kapag nagsimula na ito

Isa nang dapat tingnan ang mga senyales ng paparating na tantrum, ngunit ano ang tips para sa tantrum ng bata kung nagsimula na silang sumipa at sumigaw?

Manatiling cool at kalmado

Hindi makabubuti sa sinuman kung sasabayan ang pagsisigaw ng bata. Kailangan rin maging kalmado kung nais pakalmahin ang bata. Subukang huwag bumigay sa sariling pagkainis at galit.

Tugunan ang dahilan ng tantrum

Subukang alamin ang dahilan ng tantrum, at tumugon nang naaangkop dito. Minsan, nangangailangan lamang ng yakap at kaunting comfort ang bata.

Kumuha ng meryenda kung nagugutom ang bata. Baka oras na para umidlip? Sa ibang pagkakataon, maaaring pinakamahusay na gawin ang hindi pagpansin sa matinding emosyon ng bata at magbigay ng bagay na maaaring makaaliw sa bata. Nakatutulong sa mga magulang ang pag-alam sa kung anong nakapagpapagalit sa bata upang matutunan paano harapin ang tantrum ng nila.

Kung magalit ang isang bata dahil hindi naibigay ang kanyang gusto, magbigay ng maikling paliwanag at saka magpatuloy sa ibang gawain. Gumawa ng ibang bagay at panatilihin na nasa iba ang atensyon ng bata.

Minsan ang hindi pagbibigay pansin sa matinding emosyon ng bata ang pinakamainam na gawin kung kilala na nang husto ang sariling anak. Ipaliwanag na maaari ka lamang makipag-usap sa bata matapos nitong kumalma.

Tiyakin ang kanilang kaligtasan

Kung matindi ang tantrums ng isang bata, tiyaking malayo ang bata sa panganib, o hindi siya dapat makapinsala sa iba. Dalhin ang bata sa tahimik na lugar upang makapagpahinga at huminahon. Mahalaga ito kung nangyari ang tantrum sa mga pampublikong lugar.

Maging matatag kung kinakailangan

Kapag naging problema na ang safety ng bata, at patuloy siya sa paggawa ng hindi dapat, kailangan nang maging extra firm. Magbigay ng time-out, o hawakan nang mabuti ang bata at ipaliwanag kung bakit hindi maaaring magpatuloy ang ganitong ugali. Palaging gawin ito kung kaligtasan na ang pinag-uusapan. 

Huwag sumuko

Kapag hinayaan ng mga magulang ang tantrum ng mga bata, malalaman lamang ng mga bata na gumagana ang ganitong pag-uugali. Upang matutunan kung paano harapin ang tantrums ng isang bata, kailangang malaman ng mga magulang kung paano tutugunan ang pagsabog ng emosyon ng mga bata sa murang edad. Nagpapakita lamang na epektibo ang tantrum sa tuwing bumibigay ang magulang sa mga kahilingan ng bata.

Patuloy na paalalahanan ang mga bata na hindi katanggap-tanggap na ugali ang pag-angal at pagsigaw. Kung kailangan nila ang isang bagay, kailangan nilang maging magalang at maayos sa pakikipag-usap.

Matuto rin tumanggap ng pagkakamali at humingi ng tawad kung may kasalanan. Maaaring magkamali at maging insensitive din ang mga magulang sa mga bata.

Maging role model ng iyong anak

Maging isang role model. Kailangan ding pigilan ng mga magulang ang kanilang mga emosyon kung ayaw nito sa anumang pag-iyak at pagsigaw sa tahanan.

Hindi dito nagtatapos ang pag-aaral sa tips para sa tantrum ng bata. Kailangang bantayan ng mga magulang ang ugali ng mga bata matapos ang matinding emosyon. Puriin ang bata matapos makontrol at mapakalma. Maaaring makaramdam ng panghihina ang isang bata matapos ang pagtatalo o hindi pagkakasundo sa magulang. Pahupain ang kanilang anxiety sa pamamagitan ng isang mahigpit na yakap, at maging mapagbigay sa pagsasabi ng “mahal kita” upang mapaalalahanan sila.

Mahalaga rin ang pagtulog, at siguraduhing nakapahinga nang maayos ang bata. Kapag kulang sa tulog ang mga bata, maaari silang maging hyper, agitated, at mahirap pakisamahan. Siguraduhin na nakakakuha ng sapat na tulog at pahinga ang mga bata upang mabawasan ang magdudulot ng tantrum.

Paano harapin ang tantrum ng bata: Kailangang magpatingin sa doktor

Kabilang sa pag-aaral kung paano harapin ang tantrum ng bata ang pag-alam kung kailan ang tamang oras na magpatingin sa doktor.

  • Makipag-ugnayan sa doktor kung magpatuloy ang tantrum sa edad na 4 at higit pa. Kung hindi gumana ang lahat ng uri ng paraan, maaaring kailangan na ng medikal na atensyon.
  • Bagamat hindi karaniwan, maaaring dahilan ng tantrum ang mga problema sa pandinig o paningin, iba pang karamdaman, language delays, o isang learning disability. Bantayan ang mga senyales na tulad nito upang mapabilis ang interbensyon at mapigilan ang mga behavioral problem sa hinaharap.
  • Maaaring humingi ng tulong sa iba kung lalong nagagalit o nadidismaya at nakararamdam ng kawalan ng kontrol ang magulang, o tumitindi at nagiging mas madalas ang tantrum, o wala nang anumang pagtutulungan sa pagitan ng magulang at anak.

Key Takeaways

Kailangang kilalanin nang mabuti ng magulang ang anak upang malaman paano harapin ang tantrum ng bata. Espesyal ang bawat bata at may sari-sariling paraan ng pagproseso ng kanilang mga emosyon.
Panatilihing busog at nakapagpahinga ang bata, at alamin ang mga posibleng magdulot ng tantrum. Panghuli, ipaalala sa iyong anak na mahal at pinangangalagaan mo sila.
Sa paglipas ng panahon, malalaman din ng mga magulang kung aling mga paraan ang epektibo para sa kanilang anak.

Matuto pa tungkol sa Parenting dito

[embed-health-tool-vaccination-tool]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Kid’s Health. (2018). Temper Tantrums. Accessed from https://kidshealth.org/en/parents/tantrums.html on 6 March 2020.

Mayo Clinic. (2018). Temper tantrums in toddlers: How to keep the peace. Accessed from https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/infant-and-toddler-health/in-depth/tantrum/art-20047845 on 6 March 2020.

Cleveland Clinic. (n.d.). Temper Tantrums. Accessed from https://my.clevelandclinic.org/health/articles/14406-temper-tantrums on 6 March 2020.

Family Doctor. (2017). Managing and Preventing Temper Tantrums. Accessed from https://familydoctor.org/managing-and-preventing-temper-tantrums/ on 6 March 2020.

Medline Plus. (2019). Temper tantrums. Accessed from https://medlineplus.gov/ency/article/001922.htm on 6 March 2020.

Sisterhen LL, Wy PAW. Temper Tantrums. [Updated 2019 Dec 6]. In: StatPearls [Internet]. Treasure Island (FL): StatPearls Publishing; 2020 Jan-. Accessed https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK544286/ on 6 March 2020.

Kasalukuyang Version

03/13/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Mga Hindi Dapat Gawin Sa Harap Ng Bata Bilang Magulang?

5 Sakit Na Maaari Makuha Ng Iyong Anak Kapag Naulanan Sila!


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement