Bilang isang magulang, kaagad kang nag-aalala kapag ang iyong anak ay nagkakasakit o may iniindang sakit. Ito ay normal lamang bilang magulang. Madalas, nagtataka ka kung bakit kahit anong pagpapakain mo sa iyong anak ay hindi siya tumataba. Kaya naman mapapatanong ka na lamang kung ano-ano ba ang mga maaaring paraan sa pampataba ng bata?
Mga Sanhi ng Kulang sa Timbang
Bago pa man natin alamin ang ilang paraan sa pampataba ng bata, mahalagang malaman ang mga maaaring sanhi ng kakulangan sa timbang ng iyong anak.
Ang pagiging kulang sa timbang ay hindi lamang sa mismong bigat ng bata nasusukat. Ito ay kasabay rin ng pagtingin sa taas ng bata. Kinakailangang wasto ang bigat at ang taas ng bata para sa kanyang edad.
Ang sumusunod ay ilan sa mga maaaring sanhi ng kakulangan sa timbang:
- Hindi sapat ang calorie
Maaaring hindi nasusukat nang wasto ang calorie na kinakailangan ng isang bata.
- Kaunti kumain
Ilan sa mga bata ay hirap pakainin ng kanilang mga magulang. Ito ay maaaring sanhi ng pagkaantala ng pag-unlad, pagiging maselan sa pagkain, o isang medikal na kondisyon tulad ng cerebral palsy o cleft palate. Maaari din na autism, na ang mga batang may ganitong kondisyon ay hindi kumakain ng mga pagkaing may texture o lasa.
- Problema sa sistema ng pagtunaw
Maaaring mapigilan ang pagtaba ng bata ng mga problema sa kanilang digestive system. Ito ay mga kondisyong tulad ng labis na pagtatae, malalang sakit sa atay, gastroesophageal reflux na nagiging dahilan upang mas lalong mahirapan makakuha ng sapat na nutrisyon at calorie ang bata.
[embed-health-tool-child-growth-chart]
Mga Paraan na Pampataba ng Bata
Isa sa mahalagang tandaan ng isang magulang tulad mo upang matulungan na tumaba ang iyong anak ay ang pagdadagdag ng calorie at protina sa kanilang diet. Ilan sa mga maaari mong gawin na paraan na pampataba ng bata ay ang sumusunod:
- Tiyakin na ang mga pagkain na ibinibigay sa bata ay mga masustansyang pagkain tulad ng mayaman sa protina. Maaaring ito ay itlog, peanut butter, full-fat na gatas, yogurt, keso at iba pa.
- Subukang dagdagan ang oras ng pagkain ng bata lalo sa mga pagkain na starchy tulad ng tinapay, kanin, pasta at patatas.
- Turuan na huwag masyadong punuin ng tubig tiyan sa oras ng pagkain upang mas maging marami ang kainin.
- Maaaring gawan ang bata ng smoothie para sa kanilang almusal. Nakatutulong ang smoothie na makakuha ng mga sustansya at calorie ang bata. Maaaring ang smoothie ay gawa sa pinagsama-samang soy milk, whole milk, peanut butter, saging at honey.
- Maging malikhain minsan sa paggawa ng kanilang paboritong meryenda.
- Subukan na pakainin ang bata ng higit sa tatlong beses.
- Iwasan ang pagpapakain kapag nagsusuka na ang bata.
- Palagiang magtabi ng pagkain upang may maibigay sa bata sa oras na siya ay nagugutom.
- Painumin palagi ng gatas ang bata.
- Idagdag ang keso sa mga putaheng maaari itong maidagdag.
- Magkaroon ng talaan ng timbang at taas ng bata upang masuri at malaman kung nagiging wasto ang pagbabago sa kanyang edad.
- Pakainin ang bata ng ilang beans, isda, itlog, karne, at iba pang mayaman sa protina. Subukan na mapakain ng dalawang beses sa isang linggo ng isda ang bata, isa nito ay ang mamantikang isda tulad ng salmon o mackerel.
Mahalagang Tandaan
- Ang paggpapataba sa bata ay nangangailangan ng mahabang panahon. Ilan sa mga bata ay kailangang dalhin sa ospital upang mas matutukan ng mga doktor.
- Mahalaga ang calorie at protina sa kinakain ng bata upang matulungang tumaba.
- Alamin ang mga maaaring sanhi sa hirap na pagtaba ng bata upang mabigyan ito ng wastong solusyon.
Huwag kalimutang maaari kayong sumangguni sa doktor ng inyong anak anumang oras na mayroon kayong pag-aalala sa kanilang kalusugan.