Natuklasan ng mga mananaliksik mula sa Australia ang sanhi ng SIDS o sudden infant death syndrome. Ito ay buhat ng mababang antas ng enzyme sa kanilang dugo. Ang naturang pag-aaral ay nailathala sa journal na eBioMedicine noong Mayo 6. Ito ay maaaring magbigay daan para sa newborn screening at iba pang mga interbensyon. Ito ay kung ang mga resulta ay makumpirma ng karagdagang pananaliksik.
Ano ang SIDS?
Ang sudden infant death syndrome (SIDS) ay tumutukoy sa biglaang, hindi inaasahan at hindi maipaliwanag na pagkamatay ng tila isang malusog na sanggol na wala pang isang taong gulang. Ito ay kilala rin sa katawagang cot death o crib death.
Bagama’t hindi pa lubusang natutukoy kung ano ang mismong sanhi ng SIDS, pinaniniwalaan na ito ay mayroong ugnayan sa mga depekto sa bahagi ng utak ng isang sanggol na kumokontrol sa paghinga at pagpukaw (arousal) mula sa pagtulog.
Naniniwala ang mga eksperto na ang SIDS ay nangyayari sa isang partikular na yugto ng paglaki ng isang sanggol at naaapektuhan din nito ang mga sanggol na madaling maapektuhan ng ilang mga stress sa kapaligiran.
Ang kahinaan na ito ay maaaring sanhi ng premature birth o pagkakaroon ng mababang timbang. Ito ay maaari ring dahil sa iba pang mga dahilan na hindi pa natukoy.
Kabilang ang mga sumusunod sa listahan ng mga stress sa kapaligiran:
- Usok ng tabako
- Pagkakabuhol-buhol sa bedding ng kama,
- Minor na karamdaman
- Breathing obstruction
Maaari raw matugunan ang mga problema sa pamamagitan ng pagtugon sa mga stress na ito at kung paano nila kinokontrol ang kanilang tibok ng puso, paghinga, at temperatura.
Ang Pag-aaral mula sa Australia na Nakatukoy sa Sanhi ng SIDS
Sinuri ng mga mananaliksik ang mga pinatuyong sample ng dugo ng 722 na sanggol na kung saan 67 sa kanila ang namatay mula sa SIDS at 10 sample ng dugo ng mga sanggol na may parehong petsa ng kapanganakan at kasarian bilang isa sa mga sanggol na may SIDS na nakalista bilang kanilang sanhi ng kamatayan. Kinolekta ang mga sample bilang bahagi ng newborn screening program.
Natuklasan nila na ang sanhi ng SIDS sa mga bata ay ang mababang antas ng partikular na enzyme na tinatawag na Butyrylcholinesterase (BChE) kumpara sa mga namatay mula sa iba pang mga panganib at sanhi.
Ikinagulat ni Dr. Carmel Harrington, ang pangunahing mananaliksik mula sa Children’s Hospital sa Westmead ng Syndey, Australia ang resulta. Ito ay dahil madalas sinisisi ng mga magulang ang kanilang mga sarili dahil namatay ang kanilang anak sa kanilang pagbabantay. Ngunit, hindi ito kasalanan ng mga magulang marahil may kakaiba na sa mga sanggol mula pa lang sa pagkapanganak.
Iminungkahi rin ng pediatric palliative care specialist mula sa Boston Children’s Hospital na si Dr. Richard Goldstein na ang bagong pananaliliksik na ito karagdagang suporta sa hypothesis ng mga mananaliksik na ang mga sanggol na namamatay mula sa SIDS ay may mga problema sa paggising.
Ang BChE ay gumaganap ng isang papel sa pagkakaroon ng mahahalagang neurotransmitters sa brain stem. Ang mababang antas ng enzyme ay maaaring magpahiwatig na ang utak ay hindi makapagpadala ng mga signal. Ito ang responsableng magsabi sa isang sanggol na gumising at iikot ang kanyang ulo o kumuha ng hangin at huminga.
Ano ang Dapat Malaman ng mga Magulang sa Bagong Tuklas na Sanhi ng SIDS?
Bagama’t natukoy ng pag-aaral ang isang mahalagang chemical marker sa isang maliit na grupo ng mga sanggol, masyado pang maaga para sabihin kung makatutulong ang malawakang pagsusuri sa BChE.
Habang hindi pa nakukumpirma ang mababang antas ng BChE bilang sanhi ng SIDS, inirerekomenda pa rin ng American Academy of Pediatrics ang pag-iwas sa usok, alak at ipinagbabawal na gamot sa panahon ng pagbubuntis. Nakatutulong din ang pagpapasuso, regular na pagbabakuna, at paggamit ng pacifier upang mabawasan ang panganib ng SIDS.
Alamin ang iba pa tungkol sa Sanggol dito.