backup og meta

Dehydration Sa Baby Na Bagong Panganak, Paano Nalalaman?

Dehydration Sa Baby Na Bagong Panganak, Paano Nalalaman?

Kung ang isang bagong panganak na sanggol ay dehydrated, nangangahulugan ito na masyadong maraming fluid ang nawala sa kanya. Ano-ano ang mga palatandaan ng dehydration sa baby, at paano ito lulutasin ng mga magulang?

Ano ang nagiging sanhi ng dehydration sa baby? 

Ang dehydration sa baby ay nangyayari dahil sa iba’t ibang mga kadahilanan. Samakatuwid, ang mga sanggol ay masyado pang mahina para labanan ang mga sakit sa pagtatae (diarrheal diseases) na humahantong sa dehydration. Ang panganib na dulot nito ay higit na tumataas sa nakararanas ng pagtatae na may mainit na temperatura ng katawan, pagpapawis, at pagsusuka.

Ang isa pang karagdagang kadahilanan ay ang hindi kapansin-pansin o hindi masukat na pagkaubos ng fluid sa katawan ng bagong silang na sanggol mula sa kanyang balat, respiratory system, at pagdumi. Ang hindi pagkuha ng sapat na gatas ay maaaring humantong sa dehydration sa baby.

Kung mas maaga mong mapansin ang mga palatandaan ng dehydration sa baby, mas mabilis mo rin na mapapalitan ang mga nawalang fluids at ibalik ang normal na antas ng tubig sa katawan ng iyong bagong panganak na sanggol..

Mga palatandaan ng Mild Dehydration sa Baby

Upang suriin ang dehydration sa baby, maaari mong gawin ang mga sumusunod:

Suriin ang kanilang pagkilos

Ang mga dehydrated newborns ay madalas na lumitaw na mahina. Upang makatulong na masuri ang kanilang kahinaan, tingnan ang antas ng kanilang pagkilos. Kung madalang silang maglaro gaya ng karaniwan o mukhang inaantok, ang sanggol ay maaaring nakararanas ng dehydration.

Obserbahan kung sila ay nauuhaw 

Ang mga dehydrated newborns ay karaniwang nagpapakita ng mga palatandaan ng pagkauhaw at kasabikan na uminom.

Pakiramdaman ang kanilang bumbunan

Kung sa palagay mo ang dehydrated ang iyong sanggol, kapain ang malambot na spot sa kanilang bumbunan ( fontanelle). Ang nakalubog na bumbunan ay karaniwang tanda ng dehydration.

Bilangin ang kanilang mga basang diapers 

Ang mga bagong silang na sanggol ay karaniwang gumagamit ng 8 hanggang 10 diapers bawat araw; Gayunpaman, hindi madalas ang pag-ihi nila kapag sila ay dehydrated. Kapag ang isang sanggol ay mas kaunti sa 6 na basang diaper ang nagamit sa loob ng 24 na oras, ito ay karaniwang indikasyon na sila ay nakararanas ng dehydration. 

Suriin ang kanilang luha at mucus membranes 

Ang karamdaman ay nagdudulot sa mga sanggol na maging maselan at magagalitin. Kung umiiyak sila at wala kang napapansing mga luha, maaaring sila ay dehydrated. Gayundin, obserbahan ang dehydration sa kanilang bibig, ito ay madalas na nanunuyo.

Suriin ang kanilang dumi 

Suriin ang tae ng iyong sanggol. Kung ang iyong sanggol ay nakararanas ng hirap dahil sa pagtatae, mapapansin na mayroon silang maluwag at matubig na dumi. Gayunpaman, kung ang dehydration ay dahil sa iba pang mga salik, makikita mong sila ay nababawasan ng dalas ng kanilang pagdumi.

Mga palatandaan ng malubhang dehydration

Bilang karagdagan sa mga nabanggit na palatandaan kanina, ang malubhang dehydration ng isang bagong panganak ay maaari ding ipakita sa mga sumusunod na sintomas: 

  •  Higit na maselan o iritable 
  •  Nakalubog na mga mata
  •  Sobrang pagkaantok 
  •  kulubot na balat o poor skin turgor. Maaari mong suriin ang skin turgor sa pamamagitan ng pagpisil sa balat. Ang balat na may normal turgor ay kaagad na bumabalik sa lugar nito pagkatapos ng pagpisil.
  •  maputla o malamig na mga kamay at paa 
  • Madalang na pag-ihi (isang beses lamang o dalawang beses sa loob ng 24 na oras)

Kailan ko dapat dalhin ang aking sanggol sa doktor? 

Dapat mong dalhin ang iyong bagong panganak na sanggol sa doktor kung pinaghihinalaan mo na siya ay dehydrated. Bukod dito, humingi kaagad ng medikal na lunas kung ang iyong sanggol ay:

  •  Naghihirap dahil sa pagtatae (higit sa 5 beses sa loob ng 24 na oras) 
  •  Tuloy-tuloy na pagsusuka
  •  May mataas na temperatura 
  •  Hindi pa umiihi sa loob ng 8 oras 
  •  Mahina at walang ganang kumain
  •  Walang gaanong aktibidad o kilos

Ang lunas ay depende sa dahilan at kalubhaan ng kalagayan ng iyong sanggol. Susuriing mabuti ng doktor ang iyong sanggol upang matukoy ang sanhi ng dehydration. Maaari din nilang hilingin sa iyo na i-breastfeed mo ang iyong bagong panganak na sanggol upang makita kung sila ay maayos na nakakasipsip. Kung mapapansin nila na ang iyong sanggol ay hindi nakatatanggap ng sapat na breastmilk, maaaring ipayo sa iyo ng doktor na mag-pump at mag-imbak ng breastmilk. Bilang huling opsyon, at kung irekomenda lamang ng doktor, maaari mo ring dagdagan ng formula milk ang iyong sanggol.

Mga remedyo sa bahay 

 Kung ang iyong sanggol ay nakararanas lamang mild dehydration, at hindi naman kailangang maospital, ang doktor ay magbibigay sa iyo ng mga tagubilin at payo upang gamutin ang iyong bagong panganak sa bahay.

Sa bahay ay kakailanganin mong:

  •  Pakainin ang iyong sanggol nang mas madalas 
  •  Subaybayan ang kanilang pagkain
  •  Subaybayan ang basang diapers ng iyong sanggol at ang iba pang mga palatandaan ng dehydration 
  •  Tiyakin na ang iyong bagong panganak o sanggol ay komportable. Alisin ang mga sobrang damit o lampin na nakasuot sa kanila, at, kung maaari, ilipat sila sa isang mas malamig na lugar.

Bukod pa rito, kailangan mong bigyan ang iyong sanggol ng anumang gamot o oral rehydration solution (ORS)) na inireseta ng doktor.

Paano maiiwasan ang dehydration ng baby? 

Ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang dehydration sa iyong bagong panganak na sanggol ay tiyaking na nakakakuha sila ng sapat na gatas. Ang mga bagong panganak ay kadalasang pinapakain sa bawat 2 hanggang 3 oras; Kahit na sila ay natutulog, gisingin sila upang makakain.

Karagdagan, panatilihing malamig ang klima ng iyong sanggol sa mainit na panahon. Kung sa palagay mo ay kailangan ng iyong bagong panganak ang mga karagdagang fluids, tigilan ang pagbibigay sa kanila ng tubig; Sa halip, bigyan sila ng dagdag na bote ng breastmilk o formula milk. Maaari ka ring magdagdag ng isa pang sesyon ng pagpapasuso.

Panghuli, maiiwasan na ang mga sakit na maaaring humantong sa dehydration sa pamamagitan ng pagpapatigil sa pagkalat ng mga organismo na nagiging sanhi ng sakit. Hugasan ang iyong mga kamay bago igawa o itimpla ng gatas ang iyong bagong panganak at hilingin sa iba na huwag hawakan ang iyong sanggol kung hindi mabuti ang pakiramdam nito.

Matuto nang higit pa tungkol sa pangangalaga ng sanggol, dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Pediatric Dehydration
https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK436022/
Accessed November 25, 2020

Signs of Dehydration in Infants & Children
https://www.healthychildren.org/English/health-issues/injuries-emergencies/Pages/dehydration.aspx
Accessed November 25, 2020

Dehydration
https://kidshealth.org/en/parents/dehydration.html
Accessed November 25, 2020

What is dehydration?
https://myhealth.alberta.ca/Health/aftercareinformation/pages/conditions.aspx?hwid=abo3889
Accessed November 25, 2020

Dehydration
https://www.rch.org.au/kidsinfo/fact_sheets/Dehydration/
Accessed November 25, 2020

Dehydration (Infant/Toddler)
https://www.fairview.org/patient-education/115948EN
Accessed November 25, 2020

Kasalukuyang Version

03/16/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Ruben Macapinlac, MD, DPPS

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Hindi Mapatahan Si Baby? Narito Ang 5 Tips!

Anong Marapat Gawin Kung May Singaw Si Baby?


Narebyung medikal ni

Ruben Macapinlac, MD, DPPS

Pediatrics · Philippine Pediatric Society


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement