Ang pagbubuntis at panganganak ay nangangailangan ng pisikal, emosyonal at mental na lakas. Ngunit, ang pinakakasiya-siyang bahagi nito ay ang makita at mahawakan ang iyong anak sa unang pagkakataon. Sa ilang mga kaso, ang sanggol ay lumalabas nang medyo mas maaga kaysa sa inaasahan o kung ano ang kinikilala bilang preterm o premature birth. Nangyayari ito kapag ang sanggol ay ipinanganak bago ang buong termino o ang ika-37 linggo ng pagbubuntis. Ang mga premature na sanggol ay nangangailangan ng higit na pangangalaga at atensyon dahil sila ay madaling kapitan ng mga impeksyon at komplikasyon. Dito pumapasok ang tulong na dulot ng mga benepisyo ng kangaroo care sa bata.
Ano ang Kangaroo Care?
Ang kangaroo care ay ginagawa sa pamamagitan ng paghawak ng iyong sanggol sa iyong hubad na dibdib na nagbibigay-daan sa skin-to-skin contact. Ito ay karaniwang ginagawa pagkatapos manganak habang ikaw ay nasa ospital pa. Ang pamamaraang ito ay maaaring gawin ng parehong ina at ama.
Bagama’t hinihikayat din ang skin-to-skin contact para sa mga full-term na sanggol at kanilang mga magulang, malaki ang pakinabang nito sa mga premature na sanggol. Nakatutulong ito na patatagin ang mga sanggol na mayroong mababang timbang. Higit pa rito, isa sa benepisyo ng kangaroo care sa bata ang pagkabuo ng isang espesyal na ugnayan sa pagitan ng mga magulang at kanilang bagong silang.
Noong huling bahagi ng 1970s, ang rate ng pagkamatay ng mga premature na sanggol ay humigit-kumulang 70% na mataas dahil sa mga sakit at impeksyon, mga respiratory problems, at kawalan ng wastong pangangalaga at atensyon.
Dahil dito, ang kangaroo care ay isinimulan sa Bogota, Columbia.
Iminumungkahi ng pananaliksik na kapag ang mga sanggol ay hinahawakan mula sa katawan ng kanilang ina sa loob ng ilang oras bawat araw, ito ay makatutulong sa kanila na umunlad at lumaki ang kanilang mga katawan.
Hinihikayat ng mga ospital ang mga benepisyo ng kangaroo care para sa full-term na mga sanggol at kanyang mga magulang.
Ano ang mga Benepisyo ng Kangaroo Care sa Bata?
Ito ay magandang praktis para sa mga premature at full-term na mga sanggol. Ang mga benepisyo ng kangaroo care ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Nakakatulong ito patatagin ang heart rate ng sanggol.
- Isinusulong nito ang malusog na sleep routine.
- Nakakatulong ito sa consistency at breathing pattern ng sanggol.
- Nakakatulong ito sa pagpapabuti ng oxygen saturation o kung paano nadidistribute ang oxygen sa buong katawan ng sanggol.
- Pinapababa nito ang discomfort at pag-iyak ng bata.
- Nakatutulong ito sa matagumpay na pag-latch ng baby habang breastfeeding.
- Napapataas nito ang timbang ng sanggol.
- Nakaka-ambag ito sa mas maagang paglabas sa ospital.
Ilan pang benepisyo ng kangaroo care sa mga magulang ay ang mga sumusunod:
- Palakasin ang iyong tiwala sa iyong kakayahang pangalagaan ang iyong bagong sanggol.
- Tumutulong sa pagtaas ng iyong kontrol at kakayahan.
- Tumutulong sa pagpaparami ng suplay ng gatas ng ina.
- Patatatagin ang malakas na ugnayan sa pagitan mo at ng iyong sanggol.
- Tumutulong ito upang makaramdam ka ng kumpiyansa na nakukuha ng iyong sanggol ang tamang pangangalaga na kailangan niya.
Mga Bagay na Hindi Mo Dapat Gawin Habang Nagsasanay ka sa Kangaroo Care
Ang pageensayo gamit ang kangaroo care ay lubhang kapaki-pakinabang para sa iyong anak. Nangangailangan ito ng pagtuon at dedikasyon para ito ay maging mabisa at matagumpay. Narito ang ilan sa mga bagay na dapat mong tandaan:
- Mahalaga na maayos at malusog ang iyong pakiramdam. Kung nakararanas ka ng karamdaman o sakit na pumipigil sa iyong makipag-ugnayan sa iyong anak, pinakamahusay na huwag gawin ang pamamaraang ito hanggang sa bumuti na ang pakiramdam mo.
- Siguraduhing malusog at malinis ang iyong balat. Iwasan ang paggamit ng mga pabango bago ang mga sesyon. Suriin ang balat kung may mga sugat, cold sores o mga pantal.
- Huwag gamitin ang iyong cell phone o iba pang mga gadget habang isinasagawa ang kangaroo care. Maaari itong maging isang distraction mula sa iyong anak at maaari ring maging isang isyu sa kaligtasan.
- Huwag manigarilyo bago ang skin-to-skin contact. Tiyaking maaari kang gumugol ng hindi bababa sa 60 minuto ng kangaroo care kasama ang iyong anak nang walang mga hindi kinakailangang pahinga.
- Kung hindi kayang gawin ng ina ang kangaroo care sa sanggol, maaaring gawin ng ama ito. May mga pagkakataon kung saan ang mga magulang ay hindi maaaring gumawa ng skin-to-skin contact sa kanilang sanggol. Maaaring ito ay dahil ang sanggol ay tumatanggap ng iba pang mga treatment o sinusubaybayan sa loob ng isang incubator.
Paano Isagawa ang Kangaroo Care
Matapos ang panganganak, ikaw ay tutulungan ng iyong nars upang tulungan masimulan ang pamamaraang ito. Narito ang ilang bagay na dapat mong gawin upang matulungan kang makapagsimula:
- Dapat magsuot ka ng mga damit na madaling bumukas sa harap. Maaari mong tanggalin ang iyong bra o mga panloob na damit.
- Ang sanggol ay dapat walang suot kundi ang isang lampin o diaper at isang bonnet upang maprotektahan ang kanyang ulo. Ilagay ang sanggol sa iyong hubad na dibdib sa isang tuwid na posisyon.
- Kapag nakaayos ka na, takpan ng kumot ang likod ng iyong sanggol. Siguraduhin na siya ay komportable habang nakayakap sa iyong dibdib.
- Subukang magrelaks habang hawak mo ang iyong sanggol. Panatilihin ang iyong pagtuon sa iyong anak habang isinasagawa ito.
- Pahintulutan ang iyong anak na makapagpahinga at makatulog habang nasa sesyon. Iwasang makipaglaro sa kanya at gamitin ang oras na ito para magpahinga at matulog nang magkasama.
- I-plano ang susunod na mga kangaroo care sessions. Isang oras sa isang araw, apat o higit pang beses sa isang linggo ay magkakaroon ng malaking epekto sa iyong anak. Makipag-usap sa iyong health care provider kung paano i-iskedyul ang iyong mga sesyon.
Key Takeaways
Ang pag-aalaga ng bagong panganak na sanggol ay hindi madaling gawain.
Kung ang sanggol ay full-term o premature, lahat sila ay sensitibo at nangangailangan ng iyong buong atensyon at pangangalaga. Higit pa rito, kailangan mo ring pangalagaan ang iyong pisikal at mental na kalusugan.
Ang unti-unting at maayos na pagrecover mula sa panganganak ay hindi madali. Ngunit ang pagiging malusog ay makatutulong sa iyong mabisang pangalagaan ang iyong bagong sanggol.
Ang pagtataguyod ng recovery para sa parehong sanggol at mga magulang ang isa sa dulot na benepisyo ng kangaroo care method. Ito rin ay nagpapaunawa sa atin na walang karamdaman o pangkalusugan kondisyon ang mas makapangyarihan kaysa sa ugnayan sa pagitan ng isang magulang at kanyang sanggol.
Alamin ang iba pa tungkol sa Pag-aalaga ng Sanggol dito.