backup og meta

Ano Ang Pinakamainam Na Unang Pagkain Ni Baby?

Ano Ang Pinakamainam Na Unang Pagkain Ni Baby?

Ang gatas ng ina ang nagbibigay ng kinakailangan na nutrisyon ng iyong anak simula pa noong una mo siyang nakita at mahawakan. Ngayon na ang iyong anak ay anim na buwan na, panahon na ito sa bagong paraan ng pagpapakain. At ang unang hakbang ay matukoy kung ano ang mainam na unang pagkain ni baby. 

Ang mga sanggol na 6 na buwan ay kailangan pa rin ng gatas mula sa kanilang mga ina bilang pangunahing pagkukunan ng nutrisyon. Gayunpaman, sa kanilang edad, kailangan na ng higit pa sa gatas ng kanilang ina na makatutulong sa kanilang paglaki.

Maaari mong simulang pakainin ng pagkain ang iyong anak kung sila ay tumuntong na ng anim na buwan. Ngunit kailangan mong siguraduhing handa na ang iyong anak para dito. 

Handa Na Ba Ang Aking Anak? 

Bago magsimula sa mga matitigas na pagkain, kailangan mo munang malaman ang mga sumusunod na senyales na nakapagpapaktia kung ang iyong anak ay handa na sa matitigas na pagkain o hindi pa. Panahon na para sa unang pagkain ni baby kung: 

  • Nakatungtong na ng 6 na buwan si baby
  • Kayang umupo nang tuwid na may kaunting pag-alalay at may maayos na pagkontrol sa kanilang ulo at leeg
  • May pagtataka na sa kung anong pagkain ang nasa plato
  • Binubuksan ang kanilang bibig kung inaalok ng pagkain
  • Nagiging magana; madalas na pagsuso
  • Madalas na nilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig

Kung nakita mo na ang mga senyales na ito sa inyong anak, tiyak nang handa na sila sa pagkain. Maaari mo ring tanungin ang iyong Pediatrician upang matukoy kung ang iyong sanggol ay handa na sa transisyon o hindi pa. 

Mga Unang Pagkain Ni Baby Mula 6 Na Buwan 

Bilang magulang, ikaw ay nagiging mapanuri sa kung ano ang mainam na pagkain para sa mga sanggol ngayong ang iyong anak ay handa na para kumain. 

Nirerekomendang ang mga sanggol sa ganitong edad ay kakain ng mga tinunaw o durog na pagkain upang sila ay unti-unting masanay sa pagnguya. 

Habang unti-unting pinapakain, maaari mong bigyan ang iyong anak ng mga dinurog o malalambot na maliliit na piraso ng pagkain upang maipakilala mo sa kanila ang iba’t ibang tekstura ng pagkain. Ang pagbibigay ng mga pagkaing may iba’t ibang tekstura ay makatutulong sa inyong anak upang mapabuti ang kanilang pagnguya at maging ang paglunok sa mga maliliit na piraso ng pagkain. 

Narito ang ilan sa mga maiinam na unang pagkain ni baby: 

Unang Pagkain Ni Baby: Mga Pagkaing Mayaman Sa Iron 

Ang mga pagkaing mayaman sa Iron ay maganda para sa pag-unlad ng utak at maging sa produksyon ng malusog na red blood cells 

Ang mga pagkaing mayaman sa iron ay ang mga sumusunod

  • Karne tulad ng baboy, manok, baka, at tupa
  • Itlog (iwasan ang pagpapakain sa sanggol ng hilaw o malasadong itlog)
  • Tokwa
  • Mga legumes tulad ng bean, at munggo
  • Mga cereal na mayaman sa iron 

Matapos mabigyan ang inyong anak ng mga pagkaing mayayaman sa iron, maaari mo nang dagdagan ng iba pang mga pagpipiliang pagkaing masustansya para sa inyong anak. 

Unang Pagkain Ni Baby: Prutas At Gulay 

Ang mga prutas at gulay ang pinakamainam na unang pagkain ng iyong anak. 

Bukod sa masarap na lasa ng prutas at ibang mga gulay, ang iyong anak ay makakakuha rin ng mga benepisyong nutrisyunal na mula sa mga pagkaing ito na makatutulong sa kanila upang lumaking malakas at malusog.

Maaari mong bigyan ang iyong anak ng malambot, hinog, sariwa, at nilutong prutas tulad ng:

  • Saging
  • Avocado
  • Peach
  • Mansanas at peras (Maaari mong pakuluin ang mansanas at peras upang mas maging malambot ito sa iyong anak)

Para sa gulay, maaari mong pakainin ang iyong anak ng mga malalambot na:

  • Patatas
  • Kamote
  • Broccoli
  • Kalabasa
  • Carrot
  • Peas 

Huwag kalimutan na durugin o gilingin ang mga gulay sa pamamagitan ng tinidor o isang food processor

Unang Pagkain Ni Baby: Mga Whole Grain

Mga grain tulad ng mga whole grain ay punong-puno ng fiber, carbohydrates, at protein na kailangan ng inyong mga anak.

Ang mga cereal na mayaman sa iron na may kasamang gatas ng ina o formula milk ang isa sa mga unang pagkaing grain na kakainin ng inyong anak. 

Habang tumatagal, maaari mong dagdagan ng iba’t ibang grain sa cereal upang makaangkop ang iyong anak sa iba’t ibang tesktura ng pagkain. 

Narito ang ilan sa mga maaaring kainin ng iyong anak:

  • Kanin (subukang gumamit ng brown o wild rice)
  • Mga oats (pakuluan hanggang lumambot at haluan ng breast milk o formula)
  • Pasta (lutuin nang matagal upang ito ay maging malambot kaysa sa al-dente; durugin ito kasama ng sauce)
  • Mga tinapay at pancake (subukang hiwain ito nang maliliit)

Unang Pagkain Ni Baby: Mga Dairy 

Ang mga milk product katulad ng keso at yogurt ay maaaring ipakain sa inyong mga anak sa maliliit na piraso lamang hangga’t wala itong kasaysayan ng allergy sa gatas sa pamilya.

Kinakailangan pa rin ng gatas ng ina sa edad na anim na buwan kasama ng pagpapakain. 

Sa Pilipinas, ang Executive order no. 51 na kilala sa tawag na “Milk Code” ay itinatag upang itaguyod ang breastfeeding. Ang ilan sa mga prinsipyong kasama sa Milk Code ay ang mga sumusunod: (1) eksklusibong pagpapasuso sa mga sanggol na may edad 0 hanggang 6 na buwan, (2) walang anumang makapapalit sa gatas ng ina, (3) at ang angkop na komplementaryong pagpapakain ay maaaring ibigay sa edad na 6 na buwan karagdagan sa pagpapasuso, at (4) ang pagpapasuso ay patuloy pa ring inirerekomenda sa mga bata hanggang dalawang taon pataas.

Habang nagbibigay ng pagkain sa iyong anak, siguraduhin na mabigyan din ng ilang sipsip ng tubig pagkatapos. Ang paghahalo ng pagkain ay magandang paraan upang ipakilala sa inyong anak ang iba’t ibang lasa at tekstura ng pagkain.

Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagkain, matutukoy mo kung gaano karaming pagkain ang kailangan ng iyong anak.

Kailan Ko Maaaring Pakainin Ang Sanggol?

Nirerekomenda ng World Health Organization (WHO) na ang mga sanggol na nasa edad 6 hanggang 8 buwan ay kinakailangang makatanggap ng komplementaryong pagkain 2 hanggang 3 beses sa isang araw. Ngayon na nagkakaroon ng transisyon patungong matitigas na pagkain, narito ang halimbawang iskedyul para sa pagpapakain ng iyong anak:

  • Almusal – (7am): breastmilk o formula, (8am): 2 hanggang 4 na kutsarang infant cereal
  • Tanghalian- (10am): breastmilk o formula, (tanghali): breastmilk o formula at dalawa hanggang tatlong kutsara dinurog na prutas o gulay.
  • Hapunan- (2pm): breastmilk o formula. (4pm): breastmilk o formula at dalawa hanggang apat na kutsara ng infant cereal
  • Dalawa o apat na beses na pagpapasuso bago matulog at tuwing gabi
  • Maaari mo ring bigyan ang anim na buwan mong anak ng hindi hihigit sa tatlong ounce ng malamig, at napakuluang tubig kada araw. 

Bigyan ang iyong anak ng isang matigas na pagkain kada araw kung ikaw ay nagsisimula pa lamang sa transisyon patungong pagkain ng 2 hanggang 3 beses sa isang araw. Kailangan mo ring sundin ang mga hakbang upang makaangkop ang iyong anak mula sa pagkonsumo ng gatas patungong pagkain ng matitigas na pagkain. 

Mga Dapat Tandaan 

Anu-Anong Pagkain Ang Dapat Iwasan? 

Narito ang ilan sa mga pagkain na hindi mo dapat mapakain sa iyong anim na buwan? 

  • Ang honey ay hindi dapat ibigay sa mga sanggol na nasa edad na 12 buwan pababa. Ito ay maaaring maging sanhi ng infant botulism.
  • Ang mga hindi nasalang gatas at keso (unpasteurized) ay bawal dahil ang mga produktong ito ay maaaring magkaroon ng mikrobyo o bacteria tulad ng E. coli at salmonella na delikado sa mga bata.
  • Maaaring nagkaroon ng salmonella, isang bacteria na sanhi ng pagkalason, ang mga hilaw na itlog..
  • Ang mga mani at iba pang mga sobrang tigas na pagkain ay maaaring mabulunan ang iyong anak sakaling makain ito  sapagkat sinasanay pa lamang nila ang kanilang sarili na ngumuya.
  • Ang kahit na anong uri ng gatas maliban sa breast milk at formula ay hindi iminumungkahi na painumin sa bata
  • Hindi rin maganda para sa bata ang mga fruit juices dahil ang mga ito ay may taglay na maraming asukal. Ang mga sariwang prutas lamang ang pinakamainam na mapagkukunan ng asukal ng mga sanggol. 

Safety Tips Sa Oras Ng Pagkain

Sundan ang mga sumusunod na hakbang upang masiguro na ligtas ang pagpapakain:

  • Ilagay ang iyong anak sa mataas na upuan o sikaping komportableng nakakandong ang iyong anak.
  • Siguraduhing nakaupo nang maayos ang iyong anak habang kumakain.
  • Gumamit ng maliit na kutsara at bigyan ang iyong anak ng kapirasong bahagi ng pagkain sa bawat pagsubo nito.
  • Mabagal na pakainin ang iyong anak. Bigyan ng oras ang iyong anak na manguya ang pagkain.
  • Palaging bantayan ang iyong anak habang kunakain upang maiwasan ang mga aksidente.
  • Aralin kung paano magbigay ng paunang lunas o CPR upang alam mo ang gagawin kung sakaling maaksidente katulad ng kapag nabulunan ang iyong anak.

Isa sa mga masayang yugto ang pagpapakain ng matigas na pagkain sa iyong anak. Ang pagpili ng pinakamainam na pagkain sa mga sanggol ay isa sa mga matrabahong gawain ngunit kasiya-siya dahil ikaw ang pipili kung ano ang angkop sa iyong anak.

Parating piliin ang masustansyang pagkain upang lumaking malakas, malusog, at masaya ang iyong anak. Huwag kalimutan na sundan ang mga pamantayan o guidelines para sa maayos na transisyon patungong matitigas na pagkain. 

Matuto ng higit pa ukol sa Nutrisyon ng Sanggol dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Feeding Your Baby 6-12 Months, https://www.unicef.org/parenting/food-nutrition/feeding-your-baby-6-12-months, Accessed June 11, 2020

Do’s and Don’ts for Baby’s First Foods, https://www.eatright.org/food/nutrition/eating-as-a-family/dos-and-donts-for-babys-first-foods, Accessed June 11, 2020

Introducing Solids: Why, When, What, and How, https://raisingchildren.net.au/babies/breastfeeding-bottle-feeding-solids/solids-drinks/introducing-solids, Accessed June 11, 2020

Solid Foods: How to Get Your Baby Started, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/infant-and-toddler-health/in-depth/healthy-baby/art-20046200, Accessed June 11, 2020

Feeding Your Baby the First Year, https://my.clevelandclinic.org/health/articles/9693-feeding-your-baby-the-first-year, Accessed June 11, 2020

Revised Implementing Rules and Regulations of Executive Order 51, http://mbfp.doh.gov.ph/policies-and-laws, Accessed June 11, 2020

Complimentary Feeding, https://www.who.int/health-topics/complementary-feeding#tab=tab_2, Accessed June 11, 2020

Feeding your Baby 6 Months to 1 Year, https://www.gov.mb.ca/healthychild/healthybaby/hb_solidfoods.pdf, Accessed June 11, 2020

Infant and Toddler Health, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/infant-and-toddler-health/expert-answers/infant-botulism/faq-20058477, Accessed June 11, 2020

Starting Solid Foods, https://www.healthychildren.org/English/ages-stages/baby/feeding-nutrition/Pages/Starting-Solid-Foods.aspx, Accessed June 11, 2020

Introducing Solid Food to Your Baby: Safety Tips, https://www.unlockfood.ca/en/Articles/Infant-feeding/Introducing-Solid-Food-to-Your-Baby-Safety-Tips.aspx, Accessed June 11, 2020

Food Safety Tips for Young Children, https://www.eatright.org/homefoodsafety/safety-tips/food-poisoning/food-safety-tips-for-young-children, Accessed June 11, 2020

Kasalukuyang Version

07/19/2023

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Kahalagahan Ng Breastfeeding: Bakit Ang Breast Milk Ay "Best" Sa Mga Baby

Magandang Gatas Sa Baby: Alin Ba Ang Mabuti Para Sa Kalusugan?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement