Para sa unang mga buwan sa buhay ng isang sanggol, ang gatas ng ina o ang formula milk ang pangunahing pinagkukunan ng nutrisyon. Ngunit sa kanyang paglaki at pag-unlad, kailangan niya rin ng dagdag na pagkukunan ng mga bitamina at iba pang sustansya. Ano ang magandang recipe ng pagkain ng baby para sa lumalaki mong anak?
Taglay ng gatas ng ina at ng formula milk ang lahat ng sustansya na kailangan ng iyong sanggol. Ngunit ang maagang pagbibigay ng pagkain ng baby ay makatutulong sa pagkakaroon ng maganda at masustansyang eating habits. Sa edad na anim na buwan, handa na ang iyong anak para sa dagdag na pagkain.
Mga Senyales Na Ready Na Si Baby Para Sa Solid Food
Bago mo simulan ang pagbibigay ng baby food sa iyong anak, kailangan mo munang tingnan ang ilang mga senyales na handa na siyang subukan ang mga pagkain maliban pa sa gatas ng ina o formula milk. Kabilang sa mga senyales na handa na ang iyong anak na kumain ng solid foods ang:
- Kaya na niyang umupo nang diretso nang hindi na masyadong inaalalayan
- Kaya na niyang buhatin ang ulo nang matagal
- Isinusubo niya ang kanyang mga kamay at laruan, at inilalagay ang anumang bagay malapit o sa loob ng kanyang bibig
- Pagpapakita ng mga senyales na interesado siya sa mga pagkain (gaya ng paglapit o pagbukas ng bibig kapag nakakakita ng pagkain)
Sa klinikal na pananaw, nagsisimula ang complementary feeding (pagpapakain ng solid food) kapag nasa ikaanim na buwan na ang sanggol. Ang batayan nito ay ang dagdag na pangangailangan ng bata sa caloric requirement sa panahong ito.
Anong Recipe Ng Pagkain Ng Baby Ang Una Kong Dapat Ihanda?
Ang paghahanda ng recipe ng pagkain ng baby ay hindi nangangahulugang ititigil na ang pagpapasuso ng ina o ang pagpapadede ng formula milk. Aasa pa rin ang iyong baby sa gatas upang makakuha ng mga sustansya.
Pinakamainam pa rin at dapat na maging priyoridad ang gatas ng ina (breast milk). Hindi mahalaga kung kaunti lang o marami ang kinaing solid food ng bata, basta’t patuloy pa rin ito sa pag-inom ng gatas. Hindi ito magiging problema. Kaya nga rin ito tinatawag na “complementary feeding.”
Dapat ka ring magtanong sa doktor ng iyong baby kung pwede mo nang simulan ang pagdadagdag ng solid food sa pagkain ng iyong anak at ano ang tamang baby food recipes. Kung pumayag ang doktor, narito ang ilang dapat ikonsidera bago bigyan ang iyong anak ng una niyang baby food.
Tips At Recipe Ng Pagkain Ng Baby
Puro o Nilamas Na Pagkain
Ito ang pinakamainam na unahin. Saka palitan ang klase ng pagkain tuwing ikatlong araw.
Single-Ingredient Meal
Sa unang pagkain ng iyong baby, ang single-ingredient food na walang dagdag na asin o asukal ay nakabubuti. Makatutulong din ito upang maging pamilyar siya sa lasa at texture ng pagkain. Madali mo rin ditong malalaman kung may allergy sa isang pagkain ang iyong anak. Pwede mong unti-untiin ang pagdaragdag ng sangkap at kombinasyon ng pagkain upang masubukan niya ang iba pang lasa.
Maghanda Ng Pagkaing Mayaman Sa Iron At Zinc
Ang mga sustansyang ito na matatagpuan sa single grain foods at purong atay ay mahalaga para sa unang taon ng iyong baby. Kadalasang madali lang ihanda ang baby food recipes na ito.
Maghanda Ng Mga Prutas At Gulay
Madaling ihanda ang mga prutas at gulay, at mahalaga rin ito sa diet ng lumalaki mong baby. Ang maagang pagpapakain nito, lalo na ng gulay ay makapagpapababa ng tsansa na maging mapili sa pagkain ang iyong anak. Mayaman din ito sa fiber at madaling matunaw sa tiyan.
Oats At Cereal Para Sa Baby
Ang pagbibigay ng oats at cereal sa baby na nabili sa tindahan ay isang debatable option para sa unang pagkain ng sanggol. Ngunit lumalabas sa mga pag-aaral na maaari namang magbigay ng cereal bilang unang pagkain ng iyong anak basta’t hindi lang ito ang tanging pagkaing ibibigay, at dapat na may kasamang karne, prutas, at gulay.
Madaling ihanda ang rice cereals ng baby at karaniwan sa mga brands nito ay nagtataglay ng iron at zinc na mahalaga sa kanyang paglaki at pag-unlad. Pwede mo itong haluan ng gatas ng ina o formula milk sa halip na tubig upang mas maging masustansya.
Maghanda Ng Kaunting Dami Ng Maayos Na Hiwa Ng Finger Foods
Habang nasasanay na ang iyong anak sa iba’t ibang pagkain at nakabuo na ng meal routine, pwede mo nang simulan ang pagbibigay ng finger foods sa edad niyang 8 hanggang 10 buwan, at maayos na hiwang pagkain sa edad 10 hanggang 12 buwan.
Normal lang na ayawan nila ang unang inihandang solid food dahil naninibago pa sila.
Subukan ang iba’t ibang klase ng pagkain at huwag pilitin ang batang kumain. Kumonsulta sa doktor ng iyong baby para sa iba pang pagpipilian.
Recipe Ng Pagkain Ng Baby: Paano Maghanda Ng Pagkain
Maaaring nakabibigla ang paghahanda ng pagkain para sa inyong anak. Ang susi dito ay ang pagkakaroon ng mahabang pasensya at maagang paghahanda. Ito ang mga dapat mong isaalang-alang sa paghahanda ng unang pagkain ng iyong baby:
Maghanap Ng Komportableng Lugar Upang Pakainin Ang Iyong Baby
Ang pag-aalaga sa bata ay tungkol lahat sa routine at pamilyaridad. Pumili ng upuan at lugar sa inyong hapag-kainan na komportable at ligtas ang iyong anak. Gawin itong permanenteng lugar na pinagkakainin niya upang palagi niyang maisip na kapag dadalhin siya doon ay alam niyang kakain na siya.
Bukod pa dyan, mahalaga ring ipakita ang iyong pagmamahal at pag-aalaga habang pinapakain ang iyong baby. Gawin ito sa pamamagitan ng eye contact at pagpaparanas sa kanya na kasiya-siya ang kumain. Pakiusap, walang manggagambala (ipad/telebisyon)!
Hikayatin Ang Iyong Anak Na Mag-Explore
Asahan mo nang magiging magulo ang kanyang pagkain. Hayaan siyang damputin ang pagkain gamit ang kanyang mga kamay. Lagyan siya ng baby bib upang protektahan ang kanyang damit at maghanda ng basahan upang mapadali ang paglilinis ng mga kalat.
Simulan Na Ang Pagpapagamit Ng Utensils Sa Iyong Anak
Ang pagpapagamit ng kutsara sa iyong anak ay makahihikayat sa kanyang kumain nang mag-isa.
Simulan Na Ang Pagpapagamit Ng Baso Sa Pagpapainom Ng Tubig
Pwede mo na ring simulan ang pagpapainom sa iyong anak ng gatas gamit ang baso. Magiging maganda itong pagsasanay upang maawat siya sa pagdede sa bote at matutong uminom ng tubig mula sa baso nang mag-isa.
Durugin Ang Unang Pagkain Ng Iyong Baby Upang Hindi Siya Mabulunan
Nasanay ang iyong baby sa gatas at basta na lamang lulunukin ang kahit na anong ilagay sa kanyang bibig gaya ng ginagawa niya sa pag-inom ng gatas. Maaaring wala pang ngipin ang iyong anak at hindi pa marunong ngumuya. Makatutulong ang pagdurog ng prutas at gulay upang madali niyang malunok ang pagkain. Pwede mong unti-untiin ang pagdaragdag ng texture at chopped finger foods habang lumalaki siya.
Magsimula Sa Kaunting Serving Ng Pagkain
Normal lang na maglaga at magdurog ng sobrang pagkain ng baby na hindi niya mauubos. Isang paraan upang itago ang pagkain ni baby ay ang paglalagay nito sa malinis na lalagyan. Huwag pakainin ang iyong anak diretso sa lalagyan. Mabilis makapanis ng pagkain ang laway na naiwan sa kutsara. Sa halip, lagyan lang siya sa maliit na mangkok o pinggan.
Huwag Pilitin Ang Iyong Anak Na Kumain
Kapag inayawan o iniluwa ng bata ang pagkain, senyales ito na busog na siya. Huwag siyang piliting kumain at subukan na lang ulit kinabukasan. Ang araw-araw na pagpapakain sa kanya ay makatutulong upang kumain siya nang mas marami kalaunan.
Mga Recipe Ng Pagakain Ng Baby Na Akma Sa Edad Ng Sanggol
Ang mga sumusunod ay mga pagkaing ligtas para sa iyong baby, depende sa kanyang edadm na pwede mong isama sa recipe ng pagkain ng iyong anak:
Baby Food Recipes Para Sa 6 Na Buwang Gulang:
- Cooked at ground, single-grained cereal para sa baby na hinaluan ng gatas ng ina o formula milk
- Niluto nang husto at dinurog na mga gulay
- Niluto nang husto at dinurog/hinimay na karne, poultry at beans
- Dinurog na saging o avocado
Baby Food Recipes Para Sa 9 Na Buwang Gulang:
- Iba’t ibang klase ng gulay na pinira-piraso. Iwasan ang malalaki at matitigas na gulay na pwede siyang mabulunan
- Niluto nang husto at maayos na pagkakapiraso ng karne (poultry meat) at beans
- Hiniwa at hinating piraso ng malalambot na prutas gaya ng saging at papaya
- Maliliit na piraso ng keso, pasta, dry cereals, at baby crackers
Baby Food Recipes Para Sa 1 Taong Gulang:
- Maliit at bite-size na piraso ng nilutong gulay
- Niluto nang husto, malambot at hinimay na karne, poultry at isda
- Bite-size na piraso ng madaling nguyaing prutas
- Maliliit na bahagi ng pagkaing inihain para sa iba pang miyembro ng pamilya
Mga Pagkaing Hindi Mo Pwedeng Ihanda
Pinapayuhan ang mga magulang na huwag munang bigyan ang mga bata ng mga maaaring allergenic food gaya ng:
- Itlog
- Mani o ibang nuts
- Isda o shellfish
- Soya
- Mga produktong gawa sa gatas ng baka
- Wheat
- Juice (huwag bibigyan ang bata hanggang sa mag-isang taon siya)
Narito ang mga pagkaing hindi akma sa babies. Kabilang ang:
- Gatas ng baka. Hindi ito magandang pagkunan ng iron at maaaring mauwi pa sa iron deficiency. Hindi nito naibibigay ang kinakailangang nutrisyon ng baby.
- Honey. Maaaring may taglay na mapaminsalang spores na nagdudulot ng botulism, isang seryosong sakit.
- Malalaking hiwa ng pagkain. Hangga’t maaari, iwasang magbigay sa bata ng malalaking hiwa ng pagkain dahil mahirap itong nguyain at maaaring mabulunan ang iyong anak.
Key Takeaways
Ang kalahating taong milestone ng iyong anak ay magandang panahon upang matuto at mag-explore. Ito ang panahon upang turuan ang iyong baby na mayroong iba’t ibang klase o paraan upang kumain at ma-enjoy ito nang kasama ang buong pamilya.
Kapag nakikita mong nakukuha ng iyong baby ang nutrisyon na kanyang kailangan, nakakaramdam tayo ng fulfillment. Nakababawas din ito sa trabaho mo dahil unti-unti nang natututo ang iyong anak kung paano kumain nang mag-isa.
Gawing masaya at kaiga-igaya ang bawat pagkain. Subukang aralin ang iba pang recipe ng pagkain ng baby. Ang larawan ng baby na madungis ang mukha at damit ay pruweba ng masayang pagkabata na magsisilbing pundasyon sa pagkakaroon ng healthy choices sa hinaharap.
Matuto pa tungkol sa Nutrisyon ng Sanggol dito.