Hindi maiiwasan na mag-alala at malungkot ang isang magulang kapag ang kanilang anak ay nagiging makakalimutin. Sapagkat ang pagkalimot ay pwedeng maging tanda ng iba’t ibang isyu na maaaring makaapekto sa pag-unlad at kapakanan ng kanilang anak.
Halimbawa, ang pagkalimot ay pwedeng sintomas ng learning disorder, attention deficit hyperactivity disorder (ADHD), pagkabalisa, depression, o iba pang kondisyon sa kalusugan na maaaring ikinababahala ng mga magulang. Bukod pa rito, ang pagiging makakalimutin ng bata ay maaaring makaapekto sa akademikong pagganap nila, mga relasyon sa lipunan, at pagpapahalaga sa sarili na sanhi para mabalisa ang mga magulang ng isang bata.
Karaniwang dahilan rin ng pag-aalala ng mga magulang ang seguridad ng kanilang anak. Dahil ang pagiging makakalimutan ng anak ay maaaring humantong sa mga alalahanin sa kaligtasan, lalo na kung nakakalimutan ng isang bata ang mahahalagang impormasyon, tulad ng address o numero ng telepono na maaari sana na makatulong sa isang bata sa oras na siya’y aksidente na mawala — o mapahamak.
Kaya naman napakahalaga para sa magulang na malaman ang mga posibleng dahilan bakit nagiging makakalimutin ang bata. Sapagkat ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa mga sanhi ng pagiging makalimutan ng anak ay makakabuti para malaman kung paano pwedeng tulungan ang anak.
Para malaman ang mga sumusunod na dahilan ng pagiging makalimutan ng anak, patuloy na basahin ang article na ito.
5 Dahilan Bakit Ng Pagiging Makakalimutin Ng Bata
Narito ang mga posibleng sanhi kung bakit nagiging makakalimutin ang ilang mga bata:
- Yugto ng pag-unlad o Developmental Stage
Huwag mong kakalimutan na ang utak ng mga bata ay hindi pa rin “fully developed” na nangangahuluhan na patuloy pa rin ang pag-unlad nito habang sila ay lumalaki. Kaugnay nito, malaki ang posibilidad na maaaring hindi pa kaya ng mga bata — o hindi pa nila ganap na napapaunlad ang mga kasanayan sa memorya na kailangan upang matandaan ang mga bagay nang tuluy-tuloy. Gayunpaman, habang lumalaki at umuunlad ang mga bata, bumubuti ang kanilang kapasidad sa memorya at kakayahang matandaan ang mga bagay.
- Kakulangan ng pokus o atensyon
Ang mga batang may problema sa pagbibigay pansin at madaling magambala o distract ay maaaring nahihirapang maalala ang mga bagay-bagay. Ito ay maaaring dahil sa iba’t ibang factor, gaya ng pagkakaroon ng ADHD o mga isyu sa pagpoproseso ng pandama (sensory processing issues).
- Stress o pagkabalisa
Isa sa mga sanhi ng pagiging makakalimutin ng mga bata ay pagkakaroon nila ng stress at pagkabalisa. Maaaring mahirapan sila na makapagpokus, at tandaan ang maraming bagay dahil sa mga negatibong emosyon na kanilang nararamdaman.
- Kulang sa tulog
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga batang hindi nakakakuha ng sapat na tulog ay maaaring nahihirapan sa pagmemorya at pager-recall. Ito ay dahil ang pagtulog ay gumaganap ng isang kritikal na papel sa memory consolidation. Nangangahulugan ito na kung ang isang bata ay hindi nakakakuha ng sapat na tulog, ang kanyang utak ay maaaring walang sapat na oras upang pagsamahin ang mga alaala nang maayos, na maaaring humantong sa kanilang pagkalimot.
Ang kakulangan rin tulog ng mga bata ay maaari ring makaapekto sa iba pang mga proseso ng pag-iisip, tulad ng kakayahan sa konsentrasyon, at paggawa ng desisyon. Pwede ring maging sanhi ng pagkapagod ang kakulangan ng tulog, kaya mahalaga para sa mga bata na regular na makakuha ng sapat na tulog upang suportahan ang malusog na paggana ng utak.
- Hindi magandang nutrisyon
Ang diyeta na kulang sa mga pangunahing sustansya, gaya ng mga omega-3 fatty acid o bitamina B12, ay maaaring makaapekto sa memorya at pag-andar ng pag-iisip ng bata. Ito’y dahil ang malusog na diet mahalaga para sa pagpapanatili ng paggana ng utak at mga kakayahan sa pag-iisip.
Kapag ang isang bata ay may poor diet hindi nila nakukuha ang mga kinakailangang sustansya na kailangan ng kanilang utak para gumana ito ng maayos. Halimbawa, ang isang diyeta na kulang sa omega-3 fatty acid, na matatagpuan sa isda, mani, at buto ay maaaring humantong sa pagbaba ng cognitive at pagkawala ng memorya.
Mahalagang hikayatin ang mga bata na kumain ng mga masustansyang pagkain na kinabibilangan ng iba’t ibang prutas, gulay, whole grain, lean proteins, at healthy fats. Dahil makakatulong ito upang suportahan ang kalusugan ng kanilang utak at paggana ng pag-iisip, at mabawasan ang panganib ng pagkalimot at iba pang mga problema sa pag-iisip.
Paalala ng mga doktor
Kung nag-aalala ka tungkol sa pagiging makalilimutin ng anak, maaaring makatulong sa iyo na makipag-usap sa pediatrician o isang espesyalista sa pagpapaunlad ng bata. Pwede silang makatulong sa pagtukoy kung mayroong anumang underlying condition ang iyong anak na maaaring nag-aambag sa pagiging makakalimutin nila, at magrekomenda ng mga naaangkop na interbensyon na angkop sa iyong anak.
[embed-health-tool-vaccination-tool]