Karamihan sa mga babae ay nagkakaroon ng kanilang unang regla (menarche) sa edad na 12, ngunit may ibang mas maaga o mas matagal. Ano ang dapat ninyong pag-usapan bago o sa oras na nagsimula na ang unang regla ng iyong anak?
Ang ‘Best Time’ Upang Pag-Usapan Ang Unang Regla
Kadalasang mahiyain ang pre-teen girls, kaya’t medyo mahirap humanap ng pinakamagandang pagkakataon upang kausapin siya tungkol sa regla. Bilang magulang, ang layunin ay maihanda sila sa kung kailan magsisimula ang kanilang unang regla upang hindi sila mataranta o matakot.
Ngunit kailan ang pinakamagandang pagkakataon upang pag-usapan ang regla kasama ng iyong anak na babae?
Inirerekomenda ng mga eksperto na magkaroon ng tuloy-tuloy na usapan sa halip na isang paliwanagang diskusyon. Maaaring kabahan sila kung aanyayahan silang umupo kasama ka upang pag-uusapan ang tungkol sa buwanang regla. Kaya’t subukang ipasok nang paunti-unti ang mahahalagang kaalaman tungkol dito kapag nagkaroon ng oportunidad.
Sa oras na reglahin sila, pwede mong ipaliwanag ang ilang tiyak na bagay gaya ng pagtukoy kung kailan sila magkakaroon ng regla at ang premenstrual syndrome (PMS).
Pag-Usapan Muna Ang Basic
Bago ang unang regla ng iyong anak, pwede mong ipaliwanag ang ilang pangunahing kaalaman tungkol sa regla kapag may pagkakataon.
Halimbawa, magkaroon ng kaswal na usapan tungkol sa regla kapag nakapanood kayo ng patalastas tungkol sa dysmenorrhea (menstrual cramps).
Sa pangkalahatan, kabilang sa basic information ang:
1. Paano nila malalaman kung kailan magsisimula ang kanilang regla?
Ipaalam sa kanila na maaari itong mangyari pagkalipas na sila’y magkaroon ng buhok sa kilikili at pubic hair. Dagdag pa, maaaring magsimula ang kanilang regla 2 taon matapos na magsimula ang paglaki ng kanilang suso.
2. Magiging masakit ba ito?
Pwede mong sabihin na maaaring makaranas sila ng pamumulikat ng puson. Pagkatapos, tiyakin sa kanila na mayroon namang mga paraan upang mabawasan ang pamumulikat, gaya ng paglalagay ng warm-compress o pag-inom ng gamot para sa sakit.
Bigyang diin na ang matinding pagsakit ay hindi karaniwan, kaya’t kailangan nilang ipaalam sa iyo agad-agad kung mangyari ito.
3. Gaano karaming dugo ang mawawala sa kanila?
Ipanatag sila sa pamamagitan ng pagsasabi na maaaring magmukhang marami ang dugo, ngunit karaniwan, 3 hanggang 5 ml lang ng kanilang dugo (nasa 1 kutsarita lang) ang nawawala.
4. Gaano ito katagal?
Ipaliwanag na magkakaiba ito sa bawat babae, ngunit sa pangkalahatan, tumatagal ang pagdurugo ng 3 hanggang 7 araw.
5. Ano ang kanilang gagawin kung magkaroon ng regla habang nasa labas ng bahay?
Tanggalin ang kanilang pag-aalala sa pagsasabi na pwede silang magbaon ng ekstrang pares ng panty at sanitary pads o tampons sa kanilang bag. Huwag kalimutang magbigay ng mga paalala sa kung anong dapat nilang gawin sakaling magkaroon sila ng regla.
Ang maagang pagbabahagi ng basic information ay mahalaga upang hindi mag-alala ang iyong anak na babae at malaman niya ang mga warning sign kapag nangyari na ito. Halimbawa, malalaman nila na hindi sila dapat duguin nang marami sa loob ng higit 7 araw.
Mas Detalyadong Pagpapaliwanag
Pagkatapos maipaliwanag ang basic, pwede ka nang magtungo sa mas detalyadong pagpapaliwanag ng mga tiyak na paksa.
Tandaan na pwede mo nang simulan ang pagpapaliwanag ng mga sumusunod na paksa bago pa ang unang regla ng iyong anak. Maaari niyo na ring upuan ng iyong anak ang usapan sa oras na magkaroon na siya ng unang regla.
1. Subaybayan Ang Inyong Regla
Kausapin sila tungkol sa menstrual cycle, na tumutukoy sa mga araw sa pagitan ng unang araw ng kanilang regla.
Ipaalam sa kanila na magkakaiba ang cycle ng mga babae, ngunit ang pinakakaraniwan ay 28 na araw. Sa usapang ito, pwede mo ring sabihin sa kanila ang tungkol sa regular at irregular menstruation. Sa unang dalawang taon mula ng unang regla, maaaring hindi ito maging regular.
At huli, bigyang diin na ang pagsubaybay sa kanilang regla ay mahalagang bahagi ng pagmo-monitor ng kanilang kalusugan.
2. Premenstrual Syndrome (PMS)
Upang hindi na magulat ang iyong anak na may dalang iba pang sintomas ang regla, ipaalam na sa kanya ang tungkol sa mga sumasabay na senyales (premenstrual syndrome) gaya ng bloating, pagkahilo, biglang pagdami ng acne, pamumulikat, pananakit ng suso, kapaguran, at pagbabago-bago ng mood.
3. Mga Pwedeng Gawin Kapag May Regla
Bago o kapag may unang regla na ang iyong anak, tiyakin sa kaniya na karaniwang walang bawal na gawin kapag may regla. Pwede siyang mag-ehersisyo o maglaro ng sports.
Kung nag-aalala siya sa paglangoy, ipaalam sa kanya na posible pa rin naman ito, ngunit kailangan niyang maglagay ng tampons, sa halip na sanitary pads. Ito ang pwedeng pagpilian, kung komportable siya rito.
4. Paggamit Ng Feminine Care Products
Kapag pinag-usapan ninyo ng anak mo ang tungkol sa regla, maaaring magtanong siya kung kailangan bang gumamit ng feminine wash kapag may regla. Sabihin na isang self-cleaning organ ang puki, at ang mga feminine product, lalo na ang may amoy at matapang na kemikal, ay pwedeng mas makasama kaysa makabuti. Sapat na ang paggamit ng hindi matapang na sabon at tubig sa paglilinis ng paligid ng ari.
Mga Paalala
Kapag pag-uusapan ang tungkol sa unang regla ng iyong anak na babae, tandaang maging natural.
Kapag naramdaman ng iyong anak na nahihiya o hindi ka komportable habang pinag-uusapan ito, maaaring magaya niya ito at hindi na magtanong pa. Bukod dyan, gamitin ang tamang mga pantawag sa organs kapag pinag-uusapan ang regla, gaya ng puki, obaryo, at egg cells.
Sakaling hindi mo alam ang sagot sa kanyang mga tanong, sabihin sa kanya na babalikan mo siya para sa tamang impormasyon. Pwede ka ring kumonsulta sa doktor para sa dagdag na payo.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Adolescent dito.