Isang seryosong problema sa Pilipinas ang tigdas ng baby o measles. Sa katunayan, 2 taon lang ang nakalipas nang idineklara ang outbreak ng tigdas sa 5 rehiyon ng Pilipinas. Kahit nakatulong sa pagpapababa ng bilang ng may sakit ang mga hakbang na ipinatupad ng gobyerno, hindi pa rin naaalis ang tigdas sa bansa.
Ito ang dahilan kung bakit mahalagang malaman ng mga magulang ang sanhi nito, paano maiiwasan at ano ang gagawin kung magkaroon ng tigdas ang kanilang anak.
Ano ang tigdas ng baby o measles?
Tigdas o measles o rebeola ang tawag sa impeksyon na dulot ng virus na tinatawag na paramyxovirus. Seryoso ang tigdas para sa mga batang nasa edad 5 pababa. Maaaring mapanganib din ito sa mga nasa edad 20 o mas matanda pa. Bawat taon, tinatayang 100,000 na bata pa rin ang namamatay mula sa mga komplikasyon ng tigdas.
Pero dahil sa mga bakuna at programa sa bakuna, humina ang paglaganap ng tigdas sa buong mundo. Sa kabila nito, nananatili pa ring problema ang tigdas sa ilang bansa tulad ng Pilipinas, kung saan mababa ang bilang ng nagpapabakuna laban sa tigdas.
Paano nahahawa ang mga tao?
Madali itong kumalat mula sa isang tao papunta sa iba pa sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing, o pakikipag-ugnayan sa mga taong mayroon nito. Bukod pa rito, maaari ding kumalat ang virus sa mga kontaminadong bagay, at maaari silang manatiling aktibo sa hangin hanggang sa 2 oras.
Madali ring kumalat ang tigdas sa mga komunidad kung saan mababa ang bilang ng bakunado. Madali itong maging measle outbreak, na lubhang mapanganib para sa mga bata.
Mga palatandaan at sintomas
Ang mga sintomas ng tigdas ay napapansin sa loob ng 10 hanggang 14 araw pagkatapos ma-exposed sa virus.
Narito ang ilan sa mga maagang sintomas ng tigdas
- ubo
- tumutulong sipon (runny nose)
- pamamaga ng mata (conjunctivitis)
Pagkatapos ng incubation period, magsisimula na ring magpakita ng ilang sintomas gaya ng:
- Mataas na lagnat na tumatagal ng mga 4-7 na araw.
- Koplik Spots. Maliliit na puting spot sa loob ng bibig na mapapansin isang araw bago magsimula ang measles rash (pantal)
- Measles rash. Pulang pantal na nagsisimula sa ulo at kumakalat hanggang buong katawan
Makakatulong ang paliligo ng maligamgam para guminhawa ang pakiramdam dulot ng tigdas at manatiling malis para maiwasan ang pangalawahing impeksyon
Tigdas ng baby: Mga komplikasyon
Maaaring makaapekto ang tigdas kahit kanino, anuman ang edad. Gayunpaman, madaling kapitan ng mga seryosong komplikasyon ang mga batang wala pang 5 taong gulang, mga nasa hustong gulang na higit pa sa edad na 20, mga babaeng nagbubuntis, at mga taong may mahina o compromised immune system.
Kabilang ang mga sumusunod sa mga seryosong komplikasyon:
- Pneumonia
- Encephalitis o pamamaga ng utak
- Mga komplikasyon sa pagbubuntis
- Kamatayan
Dahil sa mga komplikasyong ito, mahalagang mabakunahan ang mga tao, at mapabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak laban sa tigdas. Pagbabakuna ang unang linya ng depensa para maiwasan ang tigdas ng baby.
Ano ang treatment para sa tigdas?
Sa ngayon, wala pang gamot para sa measles o tigdas ng baby. Ang paglaban sa mga sintomas nito ang pinakamainam na paraan para harapin ito. Kabilang sa mga paraan ng paglaban sa mga sintomas ang pag-inom ng gamot sa lagnat. Nakatutulong din ang pag-inom ng maraming tubig para manatiling hydrated.
Maaaring mawala nang kusa ang tigdas pagkatapos ng isang linggo. Ngunit kung may impeksyon ang isang bata o baby, o patuloy na lumalala ang mga sintomas nila, komunsulta na sa doktor.
Pag-iwas sa tigdas
Sa ngayon, ang pagpapabakuna ng MMR vaccine ang pinakamabuting paraan para makaiwas sa tigdas. Binibigay ng bakunang ito ang proteksyon mula sa tigdas, beke at rubella.
Para maiwasan ang tigdas ng baby, karaniwang binibigay ang unang dose kapag nasa 13 buwan na ang bata. Binibigay naman ang pangalawang dose kapag nasa edad 3 taon at 4 na buwan na sila. Maaaring magpabakuna ang mga mas matandang bata at mga matanda sa kahit anong edad, kung hindi pa nababakunahan.
Para sa mga batang wala pang 13 buwan, o sa mga hindi makakuha ng bakuna, herd immunity ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang pagkakasakit. Gayunpaman, mangyayari lang ang herd immunity kung nabakunahan na ang malaking porsyento ng populasyon. Sa kaso ng tigdas, dapat na mabakunahan ang 95% ng populasyon para makamit ang herd immunity.
Sa Pilipinas, para protektahan sa tigdas ng baby, may mga programa ang gobyerno kung saan maaaring makakuha ng MMR vaccine nang libre. Dapat samantalahin ng mga magulang ang programang ito upang maprotektahan ang kanilang mga anak, ang kanilang mga sarili, pati na rin ang kanilang komunidad mula sa anumang posibleng paglaganap ng tigdas sa hinaharap.