Ang shingles ay kadalasang nagdudulot ng masakit, makati, at hindi komportableng mga sintomas. Anong mga gamot sa shingles habang nasa bahay ang makakatulong sa iyo sa ganitong kondisyon?
Ano ang Shingles?
Ang shingles (herpes zoster) ay viral infection na nagdudulot ng makati at masakit na mga pantal. Ito ay dahil sa varicella zoster virus (VZV), ang kaparehong virus na nagdudulot ng bulutong-tubig. Kung ikaw ay nagkaroon ng bulutong-tubig noong bata, ang shingles virus ay nakatago sa katawan at maaaring muling mag-activate sa panahong ikaw ay adult na, kaya nagkakaroon ng shingles rash. Pwede nitong maapektuhan ang anumang parte ng katawan.
Ang unang sintomas nito ay karaniwang pananakit ng bahagi ng katawan, na sinusundan ng mga paltos sa balat pagkalipas ng ilang araw. Ang ilang mga taong may shingles ay maaari ring makaranas ng iba pang mga sintomas tulad ng lagnat, pagiging sensitibo sa liwanag, at fatigue.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), humigit-kumulang 1 sa 3 tao sa Estados Unidos ang magkakaroon ng shingles. Maaaring mabuhay ang shingles virus ng 2 hanggang 6 na linggo. Sa kasalukuyan ay walang lunas para sa dito, ngunit maaaring magreseta ang doktor mo ng antiviral medications para paikliin ang tagal ng impeksyon at makabawas sa mga sintomas. Bukod dito, pwede mo ring gawin ang mga sumusunod na paggamot sa shingles sa bahay upang mapabilis ang paggaling.
Gamot sa Shingles na Magagawa Mo Sa Bahay
Ang essential oils ay matagal nang ginagamit na lunas sa skin conditions. May taglay na katangian ang ilang essential oils na makakatulong na mabawasan ang pangangati at bumuti ang kundisyon ng balat. Ang mga ito ay:
Chamomile essential oil: May taglay itong anti-inflammatory at antibacterial. Kaya nitong mapabuti ang mga sugat at pressure sore sa pamamagitan ng pagsuporta sa skin cell regeneration.
Eucalyptus oil (Eucalyptus): Ito ay may mga anti-inflammatory properties at maaaring mabilis na mapagaling ang ulcers sa cancer patients.
Tea tree oil: Mayroon itong mga anti-inflammatory at antibacterial na katangian, at maaaring makatulong sa paggaling ng sugat.
Bago ka gumamit ng essential oils, komunsulta muna sa doktor. Tandaan na bilihin ang mga ito sa reputable pharmacies upang makaiwas sa mga pekeng produkto.
Gamot sa Shingles: Paglilinis
Makakabawas sa risk ng impeksyon ang paglilinis mo araw-araw sa mga paltos. Pwede kang mag shower ng malamig upang mapaginhawa ang iyong balat. Ang malamig na tubig ay makakatulong na mapawi ang sakit at mapawi ang pangangati na dulot ng mga paltos. Maaari kang magbuhos ng 1 hanggang 2 tasa ng colloidal oatmeal (oatmeal na pinong giniling at pinakuluan upang maging gel) o corn starch sa maligamgam na tubig pampaligo, at ibabad an 15 minuto hanggang 20 minuto.
Huwag gumamit ng mainit na tubig. Ito ay magpapalala sa estado ng pag hilom ng iyong shingles at lalo na sa mismong mga paltos dahil ang init ay nagpapataas ng daloy ng dugo sa apektadong bahagi ng balat. Pagkatapos maligo, tuyuin mabuti ang katawan at labahan ang tuwalya upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
[embed-health-tool-bmi]
Paggamot sa Shingles gamit ang Cool Compress
Bukod sa paliligo upang maibsan ang pananakit at pangangati dulot ng shingles, maaari kang maglagay ng malamig at damp compress sa pantal. Maaari itong gawin ng ilang beses sa isang araw upang mapawi ang hindi komportableng pakiramdam. Upang gawin ito, ibabad ang isang malinis na gauze pad sa malamig na tubig, pigain ito, at ilapat ang pad sa mga pantal at paltos. Ang gauze ay magbibigay ng cooling sensation na mapapawi ang sakit at maiibsan ang discomfort.
Hindi mo dapat gamutin ang shingles sa pamamagitan ng paglalagay ng ice pack direkta sa pantal. Maaaring mapataas ng yelo ang skin sensitivity at magdulot ng karagdagang pananakit.
Paggamot sa Shingles gamit ang Cornstarch Mixture
Isa pang paraan na gamot sa shingles ay maaari kang gumamit ng cornstarch o baking soda at tubig upang makatulong na mapawi ang pangangati na dulot ng pantal. Magbuhos ng dalawang bahagi ng cornstarch o baking soda sa isang tasa, pagkatapos ay magdagdag ng isang bahagi ng tubig para makuha ang nais na consistency at maging paste. Pagkatapos ay ilapat ang mixture sa pantal at hugasan ito pagkatapos ng 10 hanggang 15 minuto. Maaari mong ulitin ito nang maraming beses sa isang araw kung kinakailangan.
Paggamot sa Shingles gamit ang Lotion
Ang hindi sinasadyang pagkamot sa mga pantal ng shingles ay maaaring magdulot ng peklat at magpatagal sa mga paltos. Hindi nagpapabilis ng paggaling ang mga lotion, pero maaring mapabuti ang pakiramdam mo. Iwasan ang paggamit ng mabangong lotion dahil pwede itong makairita sa pantal. Ang pinakamainam ay gumamit ng unscented, mild lotion.
Iwasan ang paglalagay ng maraming cream. Kung masyadong marami, maaaring matagalan na matuyo ang pantal at matagalan din ang pangkabuuan na treatment ng shingles. Iwasan din ang paggamit ng mga antibiotic ointment sa mga sugat.
Pumili ng cream na may natural na sangkap na capsaicin at gamitin ito hanggang 3-4 beses sa isang araw para sa mas magandang resulta. Ang Capsaicin ay ang active ingredient sa sili na may mga anti-inflammatory effect na nakakatulong na mabawasan ang pananakit.
Maaaring maging bahagyang mas masakit matapos lagyan ng cream, ngunit dahan-dahan itong mawawala. Mahusay ang cream na ito sa pagbabawas ng pain signals na ipinadadala sa utak. Bilang kahalili, maaari kang mag-apply ng calamine lotion pagkatapos maligo upang paginhawahin ang irritated skin at makatulong na matuyo ang blisters.
Paggamot sa Shingles: Diet
Maaaring magpalala ng shingles ang mahinang immune system. Ang pagbabago ng iyong diet ay maaaring makatulong sa iyo na palakasin ang iyong immune system. At maiwasan ang pagkalat ng mga shingles sa ibang bahagi ng iyong katawan.
Ang isang paraan ng gamot sa shingles ay ang pagkain ng mga food items na may vitamins A, B12, C, at E, at ang amino acid lysine. Kasama sa pangkat ng pagkain na ito ang:
- Itlog
- Gatas
- Berdeng dahon
- Grains
- Baka, baboy, manok, isda
- Mga prutas na kulay orange at dilaw
Kasabay nito, dapat mo ring iwasan ang ilan sa mga sumusunod na pagkain sa panahon ng paggamot:
- Pagkaing mayaman sa saturated fat
- Pagkaing naglalaman ng refined carbohydrates
- Juice at snacks na mataas sa asukal
Kung kumain ka ng sobra sa mga pagkaing ito, maaari nitong pahinain ang iyong immune system at mas lumala pa ang iyong sakit.
Key Takeaways
Ano pa ang gamot sa shingles? Bukod sa nutrisyon, kailangan mo ring iwasan ang bad habits tulad ng paninigarilyo o nakakapagod na trabaho. Ang mga ito ay maaaring magpatagal sa proseso ng paggamot. Ang mga home remedy para sa gamot sa shingles ay makakatulong sa iyo na mapabuti ang mga sintomas. Gayunpaman, dapat ka pa ring kumunsulta sa iyong doktor upang maiwasan ang mga hindi magandang epekto.
Matuto pa tungkol sa Mga Nakakahawang Sakit sa Mga Bata dito.
[embed-health-tool-bmi]