Kapag ba ihi ng ihi ang bata ay may diabetes na? Nakakabahala ang pagtaas ng kaso ng diabetes sa mga bansa sa Asya kabilang na ang Pilipinas. Ang diabetes ang ika-anim na nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino batay sa datos ng Philippine Health Statistics mula sa 2013. Idineklara rin ng Philippine Center for Diabetes Education Foundation noong 2016 na umabot sa mahigit anim na milyong Pilipino ang na-diagnose na may diabetes.
Ano ang diabetes?
Ang diabetes ay isang malalang sakit na nailalarawan sa pamamagitan ng mataas na antas ng blood sugar o hyperglycemia. Ito ay dahil sa hindi sapat na produksyon o pagkilos ng insulin, ang hormone na kumokontrol sa mga antas ng blood sugar. Ang hindi makontrol na diabetes ay humahantong sa mga malubhang komplikasyon tulad ng:
- Stroke
- Atake sa puso
- End-stage na sakit sa bato
- Diabetic retinopathy
Ang pagsusuri para sa diabetes at pagtuturo sa mga tao sa mga palatandaan, sintomas, paraan upang maiwasan ang mga komplikasyon. Ito ay may malaking papel sa pagtugon sa nakakapanghinang sakit na ito.
Posibleng dahilan kung bakit ihi ng ihi ang bata
Maaaring sintomas ng diabetes ang madalas na pag-ihi. Gayunpaman, maraming klase ng diabetes na maaaring maging sanhi ng kondisyon na ito tulad ng sumusunod:
Diabetes Mellitus
Kung mas inaantok o nauuhaw kaysa karaniwan ang bata, ito ay maaaring sintomas ng diabetes mellitus, na kilala rin bilang type 1 diabetes, type 2 diabetes o gestational diabetes.. Ang mga sanggol at maliliit na bata ay maaaring magkaroon ng mas maraming basang lampin kaysa karaniwan. Kung ang isang bata ay may diabetes nangangahulugan ito na ang kanyang pancreas — isang organ sa kanang itaas na bahagi ng tiyan — ay gumagawa ng kaunti o walang insulin. Ito ay isang autoimmune disorder, na nangyayari kapag ang sistema ng depensa ng katawan ay umaatake at sumisira sa mga cells na gumagawa ng insulin.
Kailangan ng iyong katawan ang insulin upang ma-convert ang pagkain sa enerhiya. Kapag walang insulin, sa halip na enerhiya ay ketones ang ginagawa ng iyong katawan. At kapag masyadong maraming ketones maaaring maging acidic ang iyong dugo . Susubukang alisin ito ng iyong katawan sa pamamagitan ng iyong ihi. Dahil dito, kadalasang kasama sa mga sintomas ng diabetes ang matinding pagkauhaw, pati na ang madalas na ihi ng ihi ng bata.
Diabetes insipidus
Ang diabetes insipidus ay isang bihira ngunit magagamot na kondisyon. Dahil dito, ang katawan ay gumagawa ng labis na ihi ngunit hindi naman kayang mapanatili ito. Ang diabetes insipidus ay maaaring habang buhay o pansamantala, banayad o malubha depende sa sanhi.
Ito ay kadalasang sanhi ng isyu sa hormone na tinatawag na antidiuretic hormone, na kilala rin bilang ADH o vasopressin. Maaaring ang iyong katawan ay hindi nakakakuha ng sapat na ADH o hindi ito ginagamit ng maayos ng iyong mga bato. Kapag may diabetes insipidus ay ihi ng ihi ang bata at umiinom ng maraming tubig dahil laging nauuhaw.
Ang taong may diabetes insipidus ay dapat umiinom ng sapat na likido upang palitan ang nawalang tubig dahil sa madalas na pag-ihi. Kung hindi, maaari itong maging sanhi ng dehydration na mapanganib sa kalusugan.
Ang diabetes insipidus at diabetes mellitus ay dalawang magkaibang kondisyon na may magkakaibang sanhi at paggamot. Parehong may pangalang “diabetes” dahil pareho silang nagdudulot ng labis na pagkauhaw at madalas na pag-ihi.
Mas karaniwang ang diabetes mellitus kaysa diabetes insipidus na nakakaapekto sa halos 1 sa 25,000 katao sa buong mundo.
Ihi ng ihi ang bata at iba pang sintomas
May tatlong pinaka- karaniwang sintomas ng undiagnosed diabetes:
- Madalas na pagkauhaw
- Madalas na pag-ihi
- Palaging gutom
Kapag napansin mo ang mga ito kasama ng iba pang sintomas gaya ng fatigue, malabong paningin, o hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang, kumunsulta agad sa doktor para sa agarang diagnosis at lunas.