Mahalaga ang eye exam para sa bata dahil ang ilang problema sa paningin na maagang lumalabas ay pwedeng magpatuloy habambuhay. Kailan ang pinakamainam na panahon upang gawin ang pediatric eye exam, at paano ito paghahandaan ng mga magulang?
Eye Exam Para Sa Bata: Vision Screening Vs. Comprehensive Eye Exam
Bukod sa vision screening, na tutukuyin din natin bilang pediatric eye exam, maaari ding narinig mo na ang comprehensive eye exam. Ano ang pinagkaiba ng dalawang ito?
Ang vision screening ay isang uri ng eye exam kung saan ang bata ay sinusuri upang malaman kung may mga problema siya sa paningin. Kapag bumagsak sa vision screening ang isang bata, ibig sabihin nito na may napansin ang healthcare practitioner na problema o nakakita siya ng isang bagay na kailangan ng mas malalim pang pagsusuri. Ito ngayon ang panahong kailangan na ng iyong anak ng comprehensive eye exam, na may layuning matukoy ang mga sakit sa mata.
Sa isang comprehensive eye exam, gagamit ang optalmologo (doktor sa mata) ng eye drops upang lumuwag ang balintataw (pupil) ng bata. Ito ang magbibigay sa doktor ng pagkakataong makita nang lubos ang mga mata, at magiging mas madali nang makita ang mga senyales ng mga sakit sa mata.
Ang bottom line ay ito: maaaring hindi kailangan palagi ng iyong anak ang comprehensive eye exam maliban kung inirekomenda na ng doktor. Gayunpaman, kailangan ng maliit mong anak ang napapanahon at regular na pediatric eye exam.
Ang Inirerekomendang Iskedyul Para Sa Vision Screening
Hinihikayat ng American Association for Pediatric Ophthalmology and Strabismus at ng American Academy of Ophthalmology ang mga magulang na gamitin ang iskedyul para sa vision screening:
- Bagong panganak: Pagkaraang ipanganak ang iyong baby, titingnan ang fundamental indicators ng kalusugan ng mata.
- Bago ang kanilang unang kaarawan: Ang pangalawang eye exam para sa bata ay kailangang mangyari sa pagitan ng 6 at 12 buwan. Pwede nang tingnan ng doktor ang galaw at healthy alignment ng mga mata.
- Sa pagitan ng 12 at 36 na buwan: Sa kanilang pangatlong pediatric eye exam, maaaring sumailalim ang iyong anak sa photo screening. Gumagamit ng espesyal na kamera upang tingnan ang ilang factors na nagpapataas ng panganib ng problema sa paningin, tulad ng refractive errors.
- Sa pagitan ng 3 at 5 taon: Sa panahong ito, maaaring gumamit na ng chart ang doktor upang suriin ang talas ng paningin ng iyong anak. Titingnan din niya kung may mga sintomas ng lazy eye at farsightedness.
- 5 taon pataas: Titingnan ng doktor kung may mga senyales ng misalignment at nearsightedness — mga pinakakaraniwang problema sa paningin sa age group na ito.
Sakaling walang makitang problema ang doktor, malamang na susundin mo ang iskedyul na nabanggit sa itaas. Gayunpaman, maaaring i-require ng doktor na kailangang sumailalim sa mas madalas na screening o sa comprehensive eye exam ang iyong anak kapag may napansin silang problema.