Bilang isang magulang, palagi kang nag-aalala tungkol sa kalusugan ng iyong anak. At isa sa mga seryosong kondisyong medikal na maaaring madebelop sa sinumang bata ay ang pagiging overweight. Marahil marami kang katanungan tungkol dito. Overweight ba ang iyong anak? Bakit nagiging overweight ang bata? Mayroon bang benchmark ng timbang sa mga bata ayon sa kasarian? Ano ang maaari mong gawin upang makatulong na makontrol ang timbang ng iyong anak?
Alamin sa artikulong ito ang mga kasagutan sa mga tanong na ito.
Ano Ang Childhood Obesity?
Itinuturing mang obese o overweight ang iyong anak, ito ay depende sa maraming mga salik. Gayunpaman, ang mga pinakakaraniwang salik ay ang edad, taas, at taba ng katawan ng iyong anak. Kung ang taba ng katawan ay labis na kaugnay ng edad at taas ng iyong anak, maituturing na siya ay isang overweight na bata. Kung ang taba ng katawan ay lumamgpas sa kategorya ng overweight, kung gayon ang iyong anak ay kabilang sa kategoryang obese.
Ginagamit ng mga doktor ang body mass index (BMI) upang matukoy ang ideal range ng timbang ng isang tao na may kaugnayan sa taas o tangkad. May mga limitasyon ang formula na ito dahil hindi kasama ang mga salik tulad ng laki ng frame, istruktura ng buto, o edad. Ang ilang mga bata ay may mga frame ng katawan na mas malaki kaysa sa karaniwan para sa kanilang edad. Ang ilang mga bata ay may taba sa katawan na normal para sa yugto ng kanilang pagdebelop. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang makipag-ugnayan sa pediatrician ng iyong anak.
[embed-health-tool-bmi]
Gayunpaman, malawakan pa ring ginagamit ang BMI dahil mayroon itong magkaibang charts para sa mga batang babae at lalaki. Makikita sa isang longitudinal analysis sa US na ang parehong lalaki at babae ay may pantay na tyansang maging obese o overweight. Gayunpaman, sa mga batang 6 hanggang 11 taong gulang, ang mga lalaki ay may bahagyang mas mataas na tyansang maging obese.
Kung gusto mong magsagawa ng paunang pananaliksik, maraming online BMI calculators na magagamit mo upang matukoy ang measurements ng iyong anak. Ang US Centers for Disease Control and Prevention ay may chart na makatutulong upang mas magabayan ang mga magulang:
Category | Percentile |
Underweight | >5th percentile |
Normal or “healthy” weight | 5th to 85th percentile |
Overweight | 85th to 95th percentile |
Obese | 95th percentile or greater |
Maaari ibahagi ang mga resulta sa doktor ng iyong anak. Ang mga doktor naman ay gagamit ng iba pang charts at magsasagawa ng iba pang kinakailangang pagsusuri upang malaman kung ang timbang ng iyong anak ay maaaring nasa panganib ng iba pang mga problema sa kalusugan.
Bakit Nagiging Overweight Ang Bata?
Maraming mga dahilan kung bakit nagiging overweight ang bata. Isaalang-alang ang mga posibleng salik na ito:
- Paraan ng Pamumuhay. Ang paraan ng pamumuhay na laging nakaupo ay isa sa mga nangungunang sanhi ng obesity sa mga bata at nakatatanda. Nakaupo o nakahiga lang ba ang iyong anak sa isang lugar sa loob ng mahabang oras, nanonood ng TV o naglalaro ng video games? Hindi ba talaga nag-eehersisyo ang iyong anak? Kung gayon ang iyong anak ay hindi nagbe-burn ng calories mula sa pagkain, na humahantong sa pamumuo ng taba sa katawan.
- Diet. Hindi lahat ng mataas sa calorie na pagkain ay dapat iwasan. Ang pagpili ng mga hindi malulusog na pagkain ang nakapagdaragdag ng timbang sa iyong anak. Ito ay ang mga pagkain at inuming mataas sa asin, asukal, at hindi malusog na fats. Kabilang dito ang French fries, burger, candies, at pinong butil. Kasama naman sa mga hindi malulusog na inumin ay ang mga matatamis tulad ng colas at maging mga artipisyal (instant o powdered) na katas ng prutas.
- Pamilya. Overweight ba ang iyong buong pamilya? Tandaan, gagayahin ng iyong anak ang mga nakatatanda. Kaya kung ang mga mas matanda ay may kaugaliang overeating o laging nakaupo, maaaring gayahin lamang ito ng iyong anak.
- Sikolohikal. Bakit nagiging overweight ang bata? Maging sila ay maaaring mag-stress-eat. Kung mayroon silang mga problema tulad ng bullying o kung naiinip sila o kung mayroon silang iba pang emosyonal na iproblema, maaari silang kumain bilang isang paraan upang makayanan ang anomang pinagdaraanan nila.
- Socioeconomic. Isang malungkot na katotohanan ng buhay na ang mga nasa ibabang bahagi ng hanay ng lipunan ay may posibilidad na bumili ng mga pagkaing madaling ihanda o kainan, na sa pangkalahatan ay hindi malusog. Mayroon din silang limitadong access sa mga lugar upang mag-ehersisyo.
Ano Ang Maaaring Mangyari Kung Overweight Ang Bata?
Cute ang isang matabang bata. Ngunit ang sobrang pounds ay maaaring humantong sa mga problema sa kalusugan tulad ng:
Dagdag pa, isinaad ng mga pag-aaral na ang mga obese na bata ay mas may tyansang maging obese sila ay tumanda na. Ang ilan sa kanila ay maaari ding magkaroon ng:
- Hika
- Mga problema sa pagtulog tulad ng sleep apnea (pagtigil at pagsisimula sa paghinga habang natutulog)
- Matabang atay
- Mga bali sa buto
Habang sila ay tumatanda, ang mga batang overweight ay nahaharap sa mga problemang emosyonal at sosyal tulad ng bullying, mababang pagpapahalaga sa sarili, pagkabalisa, at depresyon.
Ano Ang Maaaring Gawin Upang Makontrol Ang Timbang Ng Bata?
Overweight ba ang iyong anak? Kung oo, maaari kang gumawa ng mga diskarte upang mapanatiling normal ang timbang ng iyong anak.
1. Maging Malusog
Gaya ng nabanggit kanina, ginagaya ng mga bata ang mga nakatatanda. Kaya, gumawa ng matalinong desisyon na manguna sa isang mas aktibong pamumuhay at lumipat sa isang mas malusog, mas balanseng diet. Malamang na tutularan ng iyong anak ang iyong halimbawa.
2. Gawin Ang Mga Bagay-Bagay Bilang Isang Pamilya
Sa halip na mag-surf sa net ng ilang oras, bakit hindi subukang maglakad o mag-jog kasama ang iyong anak? Maaari kang magsimula sa pamamagitan lamang ng paglibot sa iyong block. Pagkatapos ay maaari mong dahan-dahang tagalan at bilisan ng iyong pag-eehersisyo.
Kung hindi ito nakaeengganyo sa iyo, maaari mong tuklasin ang iba pang masasayang pisikal na aktibidad na pwede mong gawin kasama ng iyong anak tulad ng paglalangoy, pagsasayaw, o pagbibisikleta. Hikayatin silang maging aktibo nang hindi bababa sa 60 minuto bawat araw. Siyempre, mas mabuti ang pag-eehersisyo nang higit sa isang oras.
Ang ehersisyo ay hindi kailangang gawin sa loob ng isang oras kung ang iyong anak ay madaling mapagod. Maaari kang gumawa ng mga maikling aktibidad bawat oras. Ang pangunahing layunin ay para ang iyong anak ay gumalaw nang madalas at mag-burn ng calories.
Kung tungkol sa isang paglipat ng diet, ang iyong anak ay maaaring mas pumayag na kumain ng mga prutas at gulay sa halip na fast food kung ang iyong buong pamilya ay gagawa ng pagbabago.
3. Maghain Ng Masustansyang Pagkain
Subukang hainan ang iyong anak ng hindi bababa sa limang portions ng prutas at gulay bawat araw.
Dahan-dahang alisin sa iyong anak ang mga pagkaing mataas sa calorie, mataas sa fat, at mababa ang nutrisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga alternatibo na katulad ng sarap. Halimbawa, bumili ng whole-grain cereals sa halip na mga matamis na cereal, o maghanda ng trail mix bilang meryenda sa halip na potato chips, o bigyan sila ng yogurt-based na ice cream sa halip na full cream-based.
Tungkol sa portions, kung ang restaurants ay may kiddie meals, maaari din itong gawin sa inyong bahay. Limitahan ang dami ng pagkaing kinakain ng iyong anak tuwing kumakain. Maaari mong gamitin ang iyong judgement pagdating sa kung gaano kadami ang iyong ihahain, o maaari kang kumonsulta sa isang dietitian o food nutritionist
4. Limitahan Ang Screen-Time
Habang naghahanap ng mga paraan para maging mas aktibo ang iyong anak, magpatupad ng mga panuntunan sa panonood ng TV, paglalaro, o pag-surf sa internet. Gayundin, hikayatin silang huwag itago ang kanilang gadgets sa kanilang mga kwarto upang hindi sila matuksong maglaro o mag-surf. Gawing panuntunan na ang kanilang mga kwarto sa gabi ay para sa pagtulog at hindi para sa paglalaro.
5. Kumonsulta Sa Doktor
Kung nagpatupad ka ng mas malusog na pagbabago para sa iyong pamilya ngunit tila nananatili pa rin ang hindi malusog ang timbang ng iyong anak, marahil ay ito na ang oras upang muling kumonsulta sa iyong pediatrician. Maaaring may iba pang kondisyon ang iyong anak na kailangang suriin.
Key Takeaways
Overweight ba ang iyong anak? Kung oo, maraming opsyon kung paano kontrolin ang timbang ng iyong anak. Ngunit gaya ng kasabihan, ang pag-iwas ay mas mainam kaysa sa lunas. Ang pagpigil sa iyong anak na magkaroon ng hindi malusog na timbang sa pamamagitan ng pagbibigay ng masustansyang pagkain at paghikayat sa isang malusog na pamumuhay ay malaking tulong sa iyong anak upang maging mas malusog at mas kumpiyansa.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Bata dito.