Ngayong mas marami nang paaralan ang nagsasagawa ng Distance Education o Blended Learning, maraming magulang ang hindi alam ang gagawin. Paano tayo gagawa ng workplace para sa ating mga anak? Kailangan bang bantayan sila habang nag-aaral? Alamin ang mga sagot dito at iba pa hinggil sa Distance Learning tips para sa magulang dito.
Paano tuturuan ang bata sa bahay: Tips para sa mga magulang
Distance Learning sa Pilipinas
Ang Distance Learning ay isang uri ng remote education kung saan hindi na kailangang magpunta sa silid-aralan ang mga mag-aaral upang matuto. Magaganap ang edukasyon sa pamamagitan ng online platforms gaya ng virtual classrooms, emails, at video-conferencing services.
Maraming mga bansa sa buong mundo ang nakapag-adjust nang mabuti sa distance learning, ngunit dito sa Pilipinas, kasalukuyan pa rin itong pinagtatalunan. May mga nagsasabing dapat nating gamitin ang mga resources na mayroon tayo upang matiyak na maipagpapatuloy ang pag-aaral. May mga nagbigay diin naman sa pagsasabing maraming mga bata ang mapag-iiwanan dahil hindi lahat ay kayang magkaroon ng internet connections sa kanilang mga tahanan.
Upang sagutin ang mga problemang ito, in-adopt ng DepEd ang “Blended Learning.” Sa Blended Learning, puwedeng gumamit ang mga guro at mag-aaral ng parehong online at offline resources. Ibig sabihin, hindi nila kailangang mag-online sa lahat ng oras. Maaari silang gumamit ng mga libro, printed modules, at matuto sa panonood sa DepEd TV Channel.
Ngunit maging online man ito o offline, marami pa ring pamilya ang frustrated sa ganitong bagong sitwasyon. Upang matulungan kang mag-adjust, narito ang ilang kapaki-pakinabang na Distance Learning tips para sa mga magulang.
Distance Learning Tips para sa Magulang
Kumuha ng mas maraming impormasyon tungkol sa School’s Learning Platform
Upang magsimula, hinihikayat ang mga magulang na magsaliksik at aralin ang iba pang bagay tungkol sa kung paano isasagawa ng paaralan ang distance or blended learning.
Mahalaga ito dahil may mga paaralan na online approach lang ang gagawin, habang ang iba naman ay mas gagamit ng printed modules.
Tanungin ang mga guro ng iyong anak tungkol sa kung paano isasagawa ng paaralan ang online teaching o module delivery. Sa mismong oryentasyon o iskedyul ng pagpupulong, tanungin ang mga sumusunod:
- Anong online resources ang kakailanganin ng aking anak?
- Kukunin ba namin ang kanilang modules o may itinalaga kayong lugar kung saan ihahatid ang modules?
- Paano mamarkahan ang mga bata? Ano ang grading system?
- May susundin ba silang schedule araw-araw?
- Sino ang kailangan naming kontakin sakaling may mga tanong kami?
Huwag mag-alinlangang magtanong tungkol sa maliliit na bagay. Lahat ng mga detalyeng ito ay makatutulong sa iyo at sa iyong mga anak na makapag-adjust sa bagong sistema ng pag-aaral.
Maglagay ng Study Area at Bawasan ang Distractions
Ang susunod na hakbang ay tulungan ang iyong anak na gumawa ng study area. Hindi naman kailangang malaki ito. Kung sapat na ang espasyo nito upang makapag-concentrate sila at magawa ang mga dapat gawin, okay na ito.
Narito ang ilang tips upang matulungan kang mag-set up ng workspace ng iyong anak:
- Pumili ng lugar na kaunti ang distraction. Halimbawa, kung maingay madalas sa inyong kusina, humanap ng lugar na malayo dito, o at least, maglagay ng portable screen upang maging harang sa distractions.
- Hayaan ang iyong mga anak na magdisenyo ng kanilang workspace. Hayaan silang magdisenyo sa paraang gaganahan silang matuto at manatili sa kanilang lugar. Ngunit tiyaking susuod sila sa ilang alituntunin, gaya ng bawal ang mga laruan at gadgets.
- Tiyaking madali nilang makukuha ang mga kagamitang kailangan sa pag-aaral. Ngunit hangga’t maaari, tanggalin ang mga bagay na makaaabala sa kanila (laruan, mga gamit sa kinahihiligang gawin, at iba pa)
- Gamitin lamang ang gadget sa pag-aaral at mag-set up ng parental control kung kaya mo. Bago pa magsimula ang klase, kailangang ipaalam sa mga bata na hindi puwedeng gamitin ang gadget sa mga walang kinalaman sa pag-aaral. Makatutulong ito upang matiyak mong wala silang distractions o anumang nabubuksang masama online.
Isa sa mga pinakamagandang distance learning tips para sa mga magulang ang “i-tailor” o idisenyo ang workspace ng inyong anak batay sa pangangailangan niya sa pag-aaral at sa kanyang personalidad.
Gumawa ng Iskedyul para sa Iyo at sa Iyong Anak
Oras-oras, tingnan kung nasusunod ba ng iyong anak ang itinakdang iskedyul ng paaralan kung mayroon sila, at gumawa kung wala. Gumawa kayo ng bulletin board nang magkasama at maglagay ng iskedyul para sa buong linggo upang maunawaan nila ang kanilang daily routine.
Dagdag pa, kung nagsisimula ang school nang 8am, hikayatin ang iyong anak na gumising nang 6 o 6:30, para may oras pa silang mag-inat, mag-almusal, at maligo. Subukang magtakda ng subject o goal sa bawat isa o dalawang oras. Bukod sa tanghalian, huwag kalimutang magtakda ng oras para sa snacks o oras para umihi.
Syempre, maglaan ng oras para sa paglalaro. Tandaan, sa paaralan, mayroon silang mga kaibigan na nakakausap nila at nakakalaro. Ngunit dahil hindi ito posible sa digital learning, tiyaking nagagawa nilang magsaya mula sa iba pang play activities.
Bukod dyan, bilang magulang, huwag kalimutang gumawa ng iskedyul para sa kanila. Mahalaga ito lalo na kung marami kang anak, sapagkat bawat isa ay nangangailangan ng atensyon at paggabay sa kanilang pang-araw-araw na school activities. Kailan mo dapat tingnan ang ginagawa ng iyong anak? Anong oras m dapat tulungan ang iyong anak sa kanyang mga gawain?
Ang paggawa ng iskedyul para sa iyo at sa iyong anak ay magbibigay sa kanila ng normal na pakiramdam. Nagbibigay ito ng mensahe sa mga bata na bagaman nasa bahay sila, oras pa rin ito para sa pag-aaral.
Alamin ang mga learning objectives at subaybayan ang kanilang pag-aaral
Dalawa sa pinakamahalagang distance learning tips para sa magulang ang pagtukoy sa objectives at i-monitor kung natatamo ba nila ito.
Ayon sa mga eksperto, isa sa pinakaepektibong mga paraan upang mataya ang pagkatuto ng isang bata ay sa pamamagitan ng pag-cross-check nito sa goals o objectives. Kaya mahalagang sa simula pa lang ng linggo o araw, alam mo na at ng iyong anak kung ano ang dapat na magawa o matapos.
Halimbawa, ano ang mga dapat nilang ipasa sa bawat subject sa pagtatapos ng araw? Anong kaalaman ang dapat nilang matutuhan? Kung hindi sila nagpasa ng isang partikular na gawain, kailangan mong alamin kung ano ang problema. Mahirap ba ang araling ito para pag-aralan sa isang oras? Sila ba ay distracted?
Kung walang learning objectives, magiging napakahirap para sa iyong ma-monitor ang ginagawa ng iyong anak.
Sa kung paano mo susubaybayan ang iyong mga anak, nakadepende iyan sa ilang mga salik. Maaaring kailangan mong palaging bantayan ang iyong anak, habang ang mas nakatatanda ay puwedeng subaybayan isa o dalawang beses sa isang araw. Depende rin ito sa mga aralin. May ilang mga araw na hindi na nila kailangan ng tulong. Mayroon namang mga araw na kailangan nila ng tulong para sa ilang learning objectives. Kaya naman, kailangan mo itong pag-isipan at humahanap ng pinakamainam na option na epektibo.
Palaging Makipag-ugnayan sa Kanilang mga Guro
At panghuli, isa sa pinakamahalagang distance learning tips para sa magulang ay ang regular na pakikipag-usap sa mga guro ng iyong anak.
I-save ang contact details na ibinigay ng paaralan upang makausap mo ang mga pinuno o mga guro sakaling mayroon kang mga tanong. Bukod dyan, huwag mag-alinlangang humingi ng updates tungkol sa academic standing ng iyong anak.
Ibigay mo rin ang iyong contact details sa adviser ng iyong anak upang makontak ka nila kung mayroon silang mga tanong o updates tungkol sa distance learning.
Key Takeaways
Panghuli, huwag kalimutang alagaan ang kanilang emotional at physical health habang nag-aaral sila sa bahay. Hikayatin silang maglaro araw-araw at tiyaking masustansya ang kanilang kinakain. Pagbigyan silang patuloy na makipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan kahit sa online lang.
Matuto pa tungkol sa Child Health dito.
[embed-health-tool-vaccination-tool]