backup og meta

Timbang ng Sanggol: Gaano ba Dapat Kabigat si Baby?

Timbang ng Sanggol: Gaano ba Dapat Kabigat si Baby?

Ang pag-alam sa normal na timbang ng mga sanggol pagkapanganak ay mahalaga para sa bawat magulang na inaasahang magkakaroon ng anak. Palaging isang mabuting balita para sa mga magulang ang pagkakaroon ng masaya at malusog na mga sanggol. Ngunit hindi iyan ang kaso sa palagian, sapagkat may iba’t ibang mga salik na dapat isaalang-alang gaya ng timbang ng sanggol. Ang isang underweight o overweight na sanggol ay dapat na hindi maging dahilan ng pagka-alarma. Gayunpaman, mahalaga na malaman ang mga posibleng seryosong banta sa pangkalusugan na kaugnay ng mga ito. Ano nga ba ang normal na timbang ng sanggol? Alamin iyan dito. 

Ano ang Normal na Timbang ng Sanggol Pagkapanganak? 

Bago ang lahat, kailangan nating maunawaan na ang mga bagong silang na sanggol ay may iba’t ibang timbang at may antas na maituturing na normal. Sa karaniwan, ang isang malusog na bagong silang na sanggol ay maaaring tumimbang sa pagitan ng 2.5 kilo hanggang sa 4 na kilo.

Ngunit ayon sa tsart ng World Health Organization, ang median birth weight para sa isang sanggol ay nasa 3.3. kilo para sa mga lalaki at 3.2 kilo naman para sa mga babae. Ito rin ay maaaring mag-iba batay sa edad ng gestation kung kailan nanganak ang ina. 

Ang mga sanggol na ipinanganak nang mas maaga kaysa sa inaasahang petsa ng paglabas ay may tendensiyang maging mas magaan at maliit. Sa kabilang banda, kung ang sanggol ay ipinanganak sa mas matagal na petsa, may tendensiya na maging mas malaki at mabigat sila kaysa sa karaniwang timbang. 

Ang isang bagay na kadalasang tinitingnan ng mga doktor ay kung paanong nagbabago ang kanilang timbang sa mga sumunod na araw pagka panganak. Kadalasan, ang timbang ng sanggol ay bumababa sa mga ilang sumunod na araw dahil natatanggal ang mga sobrang liquid mula sa sinapupunan ng kanilang ina. Ang kanilang timbang ay dapat na patuloy na tumaas pagkatapos nito. 

Ano-ano ang mga Posibleng Panganib? 

Hindi gaanong malaking usapin kung ang sanggol ay mas mababa o mataas nang kaunti ang timbang sa karaniwang birth weight. Ngunit muli, dapat ka pa ring kumunsulta sa iyong doktor at subaybayan kung paano ito nagbabago sa paglipas ng panahon. Narito ang ilan sa mga komplikasyon na maaaring maranasan ng mga bagong silang na sanggol kung mayroon silang problema sa timbang sa pagkapanganak: 

Mababang Lebel ng Blood Sugar

Kung ang sanggol ay ipinanganak na overweight, may tyansang ang sanggol ay magkaroon ng blood sugar level na mababa kaysa sa karaniwan. Ito ay maaaring magdulot ng kalaunang komplikasyon kung hindi ito agarang masusuri. 

Madalas na Pagsusuka 

Ito ay karaniwan lalo na sa mga bagong silang na sanggol na underweight. May tyansa na sila ay sumuka o iluwa lamang ang gatas kung ang kanilang timbang at mababa sa normal na karaniwang birth weight. 

Metabolic Syndrome

Isa pang banta sa kalusugan ng iyong anak kung mayroon siyang abnormal na timbang sa pagkapanganak ay ang metabolic syndrome. Ang metabolic syndrome ay iba’t ibang mga salik ng bantang pangkalusugan na maaaring makita habang lumalaki ang bata gaya ng high blood pressure, mataas na blood sugar level, at abnormal na cholesterol levels. 

Obesity 

Kung ang timbang ng sanggol ay biglang tumaas mula sa kanyang timbang nang pagkapanganak, maaari itong magdulot ng obesity sa pagkabata, lalo na kung hindi ito naagapan kaagad. 

Tyansa na Mabuhay 

Kung ang iyong sanggol ay underweight at tila hindi tumataas ang timbang sa paglipas ng mga araw, maaaring maging isang nakababahalang kaso ito dahil maaari itong mangahulugan na hindi nakakukuha ang bata ng sapat na nutrisyon para mabuhay. Kailangan mong agarang humingi ng tulong sa iyong doktor lalo kung napansin mong hindi kumakain ang bata. 

Mga Bagay na Dapat mong Bantayan 

Muli, mahirap talagang matukoy nang maaga kung ang timbang ng sanggol ay isang problema dahil nag-iiba-iba ito sa unang ilang linggo. Ngunit may mga bagay na may kinalaman sa timbang ng iyong bagong silang na sanggol ang kailangan mong bantayan na siyang makapagsasabi sa iyo na may kailangan kang gawin.

Narito ang ilan sa mga ito: 

  • Tingnan kung gaano karaming gatas ang naiinom ng iyong anak (ang mga bagong silang na sanggol ay kadalasang umiinom ng gatas sa loob ng 10 minuto). 
  • Ang sanggol ay dapat na magkaroon ng 1-2 wet diapers isang araw bago sila umpisahan padedehin ng kanilang ina. Kapag pinadede na sila, dapat na dadami ito patungong 6-8 wet diapers sa isang araw. 
  • Subaybayan ang kalidad ng kanilang dumi sa mga unang linggo (kadalasan na kulay itim sa ilang mga unang araw). 
  • Suriin ang kanilang timbang sa paglipas ng panahon. Kadalasan na bumababa ng bahagya ang timbang ng mga sanggol sa umpisa at unti-unting tataas naman sa paglipas ng mga araw. 

Ano ang Maaari Mong Gawin? 

Bilang mga magulang, hindi natin maiiwasang mag-alala para sa ating bagong silang na mga anak, lalo na kung sila ay masyadong sensitibo. Kaya naman kung ikaw ay nag-aalala ukol sa mga potensyal na panganib para sa kanila habang nag bubuntis pa lamang o may napansin na kabaha-bahala kapag siya kapiling mo na, narito ang mga bagay na maaari mong gawin para maiwasan ang anumang iba pang komplikasyon. 

  • Magkaroon ng masustansyang paraan ng pagkain habang nagbubuntis
  • Tumingin ng ilang mga ehersisyo na maaari mong gawin habang nagbubuntis 
  • Iwasan ang pagkonsumo ng alak o tobacco habang ikaw ay nagbubuntis 
  • Padedehin sa takdang oras ang iyong bagong silang na sanggol 
  • Palaging subaybayan ang paglalabas niya ng dumi 
  • Kumunsulta sa iyong doktor nang palagian at lalo na kung kinakailangan 

Key Takeaways

Maraming mga salik na maaaring makaapekto sa timbang ng bagong silang na sanggol. Marami ring mga paraan para makatiyak na malusog ang sanggol kapag siya ay ipinanganak na, gaya ng page-ehersisyo at pagkain nang tama habang nagbubuntis pa lang. Iminumungkahi ring padedehin ng ina ng sapat ang kanyang anak sa unang mga linggo. Kumunsulta sa iyong doktor kung mayroong problema. 

Matuto ng higit pa ukol sa Labor at Panganganak dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Your Newborn’s Growth, https://kidshealth.org/en/parents/grownewborn.html Accessed March 16, 2021

Infant and Toddler Health, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/infant-and-toddler-health/expert-answers/baby-fat/faq-20058296 Accessed March 16, 2021

Fetal Macrosomia, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/fetal-macrosomia/symptoms-causes/syc-20372579 Accessed March 16, 2021

International Notes Update: Incidence of Low Birth Weight, https://www.cdc.gov/mmwr/preview/mmwrhtml/00000389.htm Accessed March 16, 2021

Gestational Age, Infant Birth Weight, and Subsequent Risk of Type 2 Diabetes in Mothers: Nurses’ Health Study II, https://www.cdc.gov/pcd/issues/2013/12_0336.htm Accessed March 16, 2021

 

 

Kasalukuyang Version

05/28/2023

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Ano ang Retained Placenta Fragment Matapos Manganak?

7 Potensyal na Komplikasyon ng Cesarean Delivery, Tuklasin Dito


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement