Sa oras na malaman mo na buntis ka, maaaring iisipin mo, Ano kaya ang mangyayari sa aking katawan ngayon? Bukod sa paglaki ng tiyan, ano pang mga pagbabago ang dapat kong asahan? Halimbawa, maaaring ang tanong mo ay kung makakaapekto ba ang pagbubuntis sa vaginal discharge mo. Normal ba ang brown na discharge ng buntis, o dapat ba akong mag-alala? Sinasabi ng mga eksperto na ang brown discharge sa pagbubuntis ay hindi palaging nangangahulugan na may mali. Narito ang kailangan mong malaman tungkol sa brown vaginal discharge sa panahon ng pagbubuntis.
Senyales ba ng Pagdurugo ang Brown na Discharge ng Buntis?
Ang normal vaginal discharge ay kadalasang malinaw at milky white– tulad ng manipis na sipon. Kapag buntis ka, ang ganitong uri ng discharge ay maaaring magdulot ng pag-aalala. Ngunit tandaan na hindi ito senyales ng impeksyon, STD, o cancer. Ito ay karaniwang secretions mula sa cervix ( ang ibabang bahagi ng matris) at vagina na tumutulong panatilihing malinis ang reproductive organs mo.
Kung ang vaginal discharge mo ay may bahid ng kulay brown, ibig sabihin na ito ay naglalaman ng dugo na na-oxidized na (may halong oxygen, hindi na bago). Bagamat maaaring tumukoy ito sa pagdurugo, ang ilang uri ng pagdurugo ay hindi dapat alalahanin. Tulad ito ng implantation bleeding at mild irritation sa cervix.
Implantation Bleeding
Nabanggit ng isang pag-aaral na ang bahagyang pagdurugo ay karaniwan sa maagang yugto ng pagbubuntis. Posible na ang spotting ay dahil sa implantation bleeding.
Ang implantation bleeding ay nangyayari kapag ang embryo ay nagtanim sa uterine lining. Ito ay maaaring magmukhang mapusyaw na kulay-rosas o brown spotting sa underwear at tumatagal ng ilang araw. Karaniwang nangyayari ang implantation bleeding mga 2 linggo pagkatapos ng conception.
Kung sa tingin mo ay implantation bleeding ang nararanasan mo, pinakamainam na kumunsulta agad sa iyong doktor. Ito ay para matulungan ka na matahimik ang isip at masagot ang anumang mga tanong.
Bahagyang Iritasyon sa Cervix
Ang cervix ay ang dulong bahagi ng matris o sinapupunan. Ito ang nai-stretch at nagdi-dilate sa oras ng labor, na sinusukat ng mga healthcare practitioner sa pamamagitan ng sentimetro. Ang cervix ay highly vascular, ibig sabihin ay marami itong daluyan ng dugo. Nangangahulugan din ito na madaling dumugo kapag naiirita.
Ang bahagyang iritasyon ay pwedeng mangyari sa oras ng pakikipagtalik at medical examination. Maaari rin itong magresulta mula sa isang impeksyon. Dahil dito, pinakamainam na kontakin ang iyong doktor kung nakakaranas ng brown na discharge ng buntis. Ito ay kahit na sa tingin mo ay walang dapat ipag-alala.
Mga Dahilan ng Brown na Vaginal Discharge ng Buntis
Ang implantation bleeding at mild irritation sa cervix ay kadalasang hindi dahilan para alalahanin. Ngunit tandaan na ang ilang posibleng dahilan ng brown vaginal discharge ay nagbabanta sa kalusugan ng ina at anak.
Halimbawa: Maaaring mangyari ang brown na discharge ng buntis dahil sa ectopic pregnancy. Ito ay nangyayari kapag ang fertilized egg ay na-implant kahit saan sa labas ng matris, karaniwang sa fallopian tube. Ang ectopic pregnancy ay maaaring magdulot ng matinding pananakit at pagdurugo at ito ay isang medical emergency.
Makipag-usap sa Iyong Doktor kung May Anumang Mga Alalahanin
Kung nakakaranas ka ng alinman sa mga sumusunod na sintomas, huwag mag-self-diagnose. Makipag-ugnayan kaagad sa iyong doktor o health care provider kung mayroon kang:
- Anumang uri ng vaginal discharge maliban sa normal, manipis na malinaw hanggang mapuputing mucus. Kaya naman, kung mayroon kang bahagyang pagdurugo o brown na discharge ng buntis, makipag-ugnayan sa iyong doktor sa lalong madaling panahon.
- Mabigat na pakiramdam sa iyong tiyan o pananakit ng tiyan.
- Patuloy na pangangati o pangingilig sa paligid ng iyong ari o pananakit habang umiihi.
- Vaginal discharge na may matapang o mabahong amoy.
Key Takeaways
Kung nakakaranas ka ng brown na vaginal discharge ng buntis, makipag-ugnayan agad sa iyong doktor. May ilang mga dahilan kung bakit ito nangyayari at mahalagang alisin ang anumang seryoso o mapanganib na mga dahilan. Maaaring magsagawa ng exam ang doktor at siguraduhing walang anumang nakababahalang senyales tulad ng lagnat o pananakit sa bahagi ng tiyan.
Matuto nang higit pa tungkol sa Labor at Delivery dito.
[embed-health-tool-bmi]