Isa sa mga unang itinanong ng mga ina sa kanilang doktor ay ang posibilidad ng pagdurugo pagkatapos manganak. Sa lalong madaling panahon, malalaman nila na normal na mangyari ang isang partikular na antas ng vaginal bleeding pagkatapos ng isang normal na kusang panganganak. Ang pagdurugo na ito, na kung minsan ay tinutukoy bilang postpartum lochia (o simpleng lochia), ay madalas na sumusunod sa isang tiyak na pattern ng kulay, dami, at pagkakapare-pareho. Matuto pa tungkol sa kung ano ang postpartum lochia sa artikulong ito.
Ano Ang Postpartum Lochia: Ang Karaniwang Pattern
Kaagad pagkatapos ng panganganak, ang isang malaking halaga ng dugo ay dumadaloy mula sa matres hanggang sa ito ay mag-contract. Pagkatapos nito, ang dami ng dugo ay makabuluhang bumababa. Ang kulay at consistency ng discharge ay nagbabago rin sa paglipas ng mga linggo. Ito ay dahil ang lochia ay hindi lamang binubuo ng dugo; nagtataglay din ito ng mucus at iba pang mga tissue mula sa matres.
Kadalasang tinatanong ng mga nagbubuntis o bagong panganak kung ano ang postpartum lochia upang malaman kung gaano katagal ito nararanasan. Ang kabuuang tagal ng postpartum bleeding ay nag-iiba-iba kada babae, ngunit ang average, ayon sa isang ulat, ay 24 hanggang 36 na araw. Mukhang mayroon ding “pattern” sa dami, kulay, at consistency ng vaginal discharge.
Sa una, ang postpartum lochia ay binubuo ng isang malaking halaga ng pulang discharge na kilala bilang lochia rubra. Ang discharge na ito ay nagiging reddish-brown, brown-pink, hanggang tuluyan itong maging kayumanggi at nagkakaroon ng mas matubig na consistency. Ito ay tinatawag na lochia serosa. Pagkatapos ng serosa, darating ang lochia alba, na mayroong madilaw-dilaw hanggang maputi-puti na kulay.
Siyempre, huwag nating kalimutan na karaniwang may progresibong pagbaba sa dami ng vaginal discharge.
Ano Ang Postpartum Lochia At Paano Kung Nalihis Ka Sa Karaniwang Pattern?
Ang nailarawan sa nakaraang seksyon ng artikulo ay ang maaaring karaniwang pattern. Gayunpaman, ang isang babae ay maaaring makaranas ng iba’t ibang mga pattern ng consistency at kulay na maaaring hindi karaniwan, ngunit normal pa rin.
Halimbawa: ang ilang kababaihan ay nakararanas ng matagal na rubra phase at mas maiikling serosa at alba phases. Samantala, mayroon namang ilan na nakararanas ng dalawang rubra phases.
Ipinahiwatig din ng isa pang ulat na ang ilang mga kababaihan ay nagkaroon ng malakas na pagdurugo sa 7 hanggang 14 na araw. Dahil dito, pinaalalahanan din ng mga eksperto ang mga kababaihan na ang pagpapasuso at pisikal na aktibidad ay maaaring magresulta sa pagtaas ng postpartum lochia.
Dahil ang “normal” na lochia ay maraming mga variable na dapat isaalang-alang, lubos na pinapayuhan ng mga doktor ang mga ina at kanilang mga mahal sa buhay na sa halip ay obserbahan ang mga senyales na may mali.
Kailan Dapat Humingi Ng Medikal Na Tulong?
Ang postpartum lochia ay hindi nangangailangan ng paggamot dahil ito ay isang normal na bahagi ng pagpapagaling. Gayunpaman, mangyaring tandaan na dapat kang gumamit ng mga sanitary pad. Huwag gumamit ng mga tampon dahil hindi dapat magpasok ng kahit ano sa vagina sa loob ng anim na linggo pagkatapos manganak.
Gayundin, kung naobserbahan mo ang sumusunod, makipag-ugnayan kaagad sa iyong healthcare provider:
- Mabahong vaginal discharge; ang lochia ay karaniwang amoy musky, tulad ng regla
- Lagnat at panginginig, lalo na kapag ang temperatura ay mas mataas sa 38°C
- Matingkad na pulang pagdurugo na nagpapatuloy lampas sa ika-3 araw
- Malaking namuong dugo (mas malaki kaysa sa plum)
- Pagtaas ng dami ng postpartum lochia na nangangailangan ng higit sa isang sanitary pad kada oras
- Pagtaas ng pamamaga o pagkapasa sa perineum o sa incision site (cesarean section)
- Matinding pananakit ng tiyan o cramping na hindi gumagaling sa pain medicine
- Pananakit o burning sensation habang umiihi
- Paghihiwalay ng mga tahi
- Matinding sakit ng ulo
- Pakiramdam ng panghihina o pagkahimatay (fainting)
- Malabong paningin
- Matinding pananakit, pamamaga, o pamumula sa isang extremity
- Pakiramdam ng pananakit o init o pamumula sa mga bahagi ng dibdib
- Hirap sa paghinga
- Anumang mga sintomas ng postpartum depression
Ang Mga Ina Ba Na Sumailalim Sa Cesarean Section Ay Nakararanas Din Ng Postpartum Lochia?
Sinasabi ng mga ulat na mayroon din sila, at maaaring mas kaunti ang kanilang pagdurugo pagkatapos ng 24 na oras kaysa sa mga ina na normal ang panganganak.
Key Takeaway
Ang postpartum lochia ay normal vaginal discharge na nangyayari pagkatapos manganak. Sa karamihan ng mga kaso, ang lochia ay sumusunod sa isang pattern: mula sa rubra, sa serosa, at sa wakas, sa alba. Gayunpaman, ang tagal, kulay, at consistency ng vaginal discharge pagkatapos manganak ay iba-iba sa bawat babae. Kaya naman, dapat mag-ingat ang mga ina sa mga senyales ng postpartum hemorrhage at impeksyon.
Alamin ang iba pa tungkol sa Panahon Pagkatapos Manganak dito.