Ang paracetamol ay karaniwang gamot na antipyretic o analgesic na ginagamit ng mga nagbubuntis. Ang mga produktong paracetamol ay mabibili nang walang reseta, kaya’t madaling mabili para sa sariling gamutan. Ayon sa pinakabagong pananaliksik, nasa 50% hanggang 60% ng mga kababaihan sa United States ang gumagamit ng gamot na ito habang nagbubuntis. Maaaring itanong ng mga babaeng unang beses na nagbubuntis, “Ligtas ba ang paracetamol para sa buntis?” Alamin sa artikulong ito ang kasagutan.
Ano Ang Paracetamol?
Ang paracetamol (N-acetyl-p-aminophenol (APAP)) ay aktibong sangkap sa higit 600 na mga gamot. Ginagamit ito ng mga tao upang maibsan ang pananakit at makontrol ang lagnat. Itinuturing ito ng mga ahensya ng pamahalaan na angkop gamitin ng mga nagbubuntis kung iinumin nang wasto.
Gayunpaman, maraming pag-aaral na eksperimental at epidemiological ang nagsabing ang pagkakalantad sa paracetamol habang nasa sinapupunan pa lamang ay maaaring makapagpabago sa pagdebelop ng fetus. Natuklasan ng ilang mga pag-aaral na ito ay maaaring makapagpataas sa tyansa ng pagkakaroon ng sakit na neurodevelopmental, reproductive, at urogenital.
Mga Panganib Sa Pagbubuntis Na Kaugnay Ng Pag-Inom Ng Paracetamol
Mga Debelopmental Na Problema Sa Mga Sanggol
Ang paracetamol ay isang gamot na mabibili nang walang reseta mula sa iba’t ibang brands, kabilang na ang puro o may kombinasyon ng bitamina C at caffeine. Ito ay sinasabing ligtas sa therapeutic doses nito at hindi isang opioid o anticoagulant. Gayunpaman, ang paracetamol ay maaaring dumaan sa placenta at may direktang epekto sa fetus. Sinagot ng maraming pag-aaral kung ligtas ba ang paracetamol para sa buntis at sa kalusugan ng mga bata.
Iminungkahi ng ilang mga pag-aaral na ang pag-inom ng paracetamol araw-araw o nang madalas habang nasa huling yugto ng pagbubuntis ay maaaring bahagyang makapagpataas sa pagkakaroon ng asthma sa mga bata. Gayunpaman, ang ibang mga salik ay maaaring responsable sa pagkakaroon ng asthma ng isang bata. Ang sakit na taglay ng ina at kung bakit uminom ng paracetamol habang nagbubuntis ay maaaring maging sanhi, sa halip na ang mismong gamot.
Gayunpaman, maraming mga pag-aaral ang nagmumungkahi ng kaugnayan sa pagitan ng pagkakalantad ng APAP habang nasa sinapupunan pa lamang at sa resulta ng neuro-development. Iminumungkahi ng mga pag-aaral na ito na ang pag-inom ng paracetamol habang nagbubuntis ay maaaring makapagpataas ng tyansa ng pagkakarooon ng mababang IQ, ADHD, at autism spectrum disorder sa mga bata.
Mga Iba Pang Pag-Aaral
Ang Yale School of Public Health ay kamakailan lamang naglathala ng pananaliksik na nagbigay ng mga katanungan kaugnay sa kaligtasan ng gamot na ito. Isa sa kanilang mga pag–aaral ang nag-uugnay sa pag-inom ng paracetamol habang nagbubuntis sa mataas na tyansa ng pagkakaroon ng attention deficit hyperactivity disorder (ADHD), mahinang cognitive at executive na paggana.
May ilan ding mga pag-aaral na nagmumungkahi ng posibleng kaugnayan ng hindi gaanong malubhang developmental retardation (kabilang na ang pagkakaantala sa pagsasalita) at hyperactivity. Ang kaugnayang ito ay naging mas matibay matapos uminom ng paracetamol sa loob ng higit 28 araw habang nagbubuntis. Hindi malinaw kung ang findings na ito ay kaugnay ng paracetamol o iba pang mga salik.
Preeclampsia
Ang pag-inom ng paracetamol habang nagbubuntis ay may kaugnayan sa mataas na tyansa ng pagkakaroon ng mga sakit, tulad ng preeclampsia. Isang pag-aaral na nailathala sa Journal of Maternal-Fetal and Neonatal Medicine ang nagpakita na ang mga kababaihang uminom ng paracetamol sa huling yugto ng pagbubuntis ay may mataas na tyansa ng pagkakaroon ng preeclampsia.
Ang preeclampsia ay isang syndrome na nailalarawan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng altapresyon at proteinuria, pagkakaroon ng target organ dysfunction, o pareho, 20 linggo matapos manganak ng isang babae na nakaranas ng normotensive. Ang mga kababaihang mayroon ng (malubhang) altapresyon noon pa, mas malubhang altapresyon at proteinuria, o organ dysfunction ay natuklasang nagkakaroon ng preeclampsia makalipas ang 20 linggo. Nakapagpapataas din ng tyansa ng pagkakaroon ng cardiovascular at metabolic na sakit ang preeclampsia sa huling yugto ng buhay ng isang babae.
Ang preeeclampsia ay nangyayari sa 3-8% ng pagbubuntis sa buong mundo at maaaring madebelop sa nakamamatay na multiple organ syndrome.
Ligtas Ba Ang Paracetamol Para Sa Buntis?
Ligtas ba ang paracetamol para sa buntis? Iniuri ng FDA ang paracetamol bilang Category B na gamot habang nagbubuntis. Nangangahulugan itong ang mga pag-aaral sa hayop ay kinakitaan na ang gamot na ito ay hindi nagiging sanhi ng masamang epekto sa fetus. Kaya ito ay ligtas inumin habang nagbubuntis.
Ito pa rin ang pinakaligtas na gamot bilang analgesic para sa masakit na impeksyon at bilang isang antipyretic sa pagbubuntis. Walang medikal na alternatibo sa paracetamol. Ang mga bata at buntis ay maaari pa ring uminom ng paracetamol nang walang pangamba kaugnay ng side effects. Inirerekomenda ng mga doktor ang pag-inom ng paracetamol sa posibleng pinakamabilis na oras nang may kaunting epektibong dami.
Upang maiwasan ang mga posibleng malubhang komplikasyon, dapat lamang uminom ng paracetamol habang nagbubuntis kung walang mas ligtas na opsyon upang maibsan ang pananakit at lagnat.
Kung isinasaalang-alang ang paggamit ng paracetamol sa pagkontrol ng pananakit at iba pa, laging kumonsulta sa iyong doktor.
Matuto pa tungkol sa Mother Care dito.