backup og meta

Paano Malampasan Ang Mom Guilt? Mahahalagang Tips At Paalala

Paano Malampasan Ang Mom Guilt? Mahahalagang Tips At Paalala

Ang terminong ito ay maaaring laganap na sa maraming websites at parenting magazine na tungkol sa pagbubuntis, ngunit, ano nga ba talaga ang mom guilt? At paano ito malalampasan? Basahin ang artikulong ito upang malaman kung paano malalampasan ang mom guilt.

Ano Ang Mom Guilt?

Bago malaman ang sagot sa tanong na “Paano malalampasan ang mom guilt?” alamin muna natin kung ano ang mom guilt.

Ang mom guilt ay ang guilt na nararanasan ng mga ina sa tuwing nararamdaman nilang nagkukulang sila kaysa sa inaasahan. Ang mga inaasahang ito ay maaaring dulot ng impluwensya ng lipunan o pansarili. At ang ating lipunan sa kasalukuyan ay nagtatakda ng kung ano dapat ang isang perpektong ina. Kasabay nito ay ang mga nauna ng ideya kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng mga ina, kung paano sila dapat kumilos, kung ano ang inaasahan sa kanila, at kung paano nila dapat alagaan ang kanilang anak. Sa tuwing naramdaman ng mga ina na nagkukulang sila sa mga ito, nararanasan nila ang mom guilt.

May iba’t ibang anyo ang mom guilt. Halimbawa, ang isang ina ay maaaring makaramdam ng guilt kung hindi sapat ang kanilang ginagawa para sa kanilang anak. Ang pag-aakalang hindi nila naibibigay ang sapat na oras, pera, o pangangailangan sa kanilang anak ay maaaring makapagpalubha sa mga pakiramdam na ito.

Para sa iba, ito ay ang kahirapan sa pagkakilala ng sarili. Maraming ginagampanan ang isang babae bukod sa pagiging ina. Ang pagpapalaki ng bata ay isang gawaing isinasagawa sa loob ng 24 na oras.

Ang inaasahang pagsabay-sabayin ang lahat ng responsibilidad kasabay ng pagiging isang ina ay masyadong mahirap. Minsan, ang pagnanais na gampanan ang kanilang iba pang mga tungkulin — isang career woman, isang kaibigan, isang miyembro ng pamilya, isang asawa halimbawa — ay maaari ring humantong sa mom guilt.

Isa pa sa pinagmumulan ng mom guilt ay maaaring sa takot ng maling pagpapalaki sa kanilang anak. Maaaring ikatuwiran ng mga ina na ang hindi magandang pag-uugali at pagpapalaki ng isang bata ay repleksyon ng kanilang kawalan ng kakayahan bilang ina. Ang lahat ng ito at higit pa ay maaaring maging mga halimbawa ng tinatawag na mom guilt.

Bagama’t ang sinumang ina ay maaaring makaranas ng mom guilt, mahalagang tandaan na ang mga bagong ina ay mas madaling makaranas ng mga damdaming ito. Ang postpartum depression ay maaaring humantong upang hindi lamang kalungkutan, at galit ang kanilang maranasan kundi pati na rin ang guilt.

Ano Ang Mom Guilt? At Paano Ito Malalampasan?

Narito ang ilang tips upang malampasan ang mom guilt.

1. Bigyan ang sarili ng espasyo upang huminga

Kailangan mong mapagtanto na kailangan mong bigyan ang iyong sarili ng espasyo upang huminga. Alagaan mo muna ang iyong pisikal at mental na pangangailangan. Kung hindi mo kayang alagaan ang iyong sarili at hayaang huminga, magiging mahirap para sa iyon na alagaan ang iba.

2. Humingi ng tulong

It takes a village to raise a child. Ang inaasahang palakihin nang mag-isa ang iyong anak ay nakaaapekto sa iyong sarili at sa iyong anak. Mahalagang mapagtantong maaari kang humingi ng tulong sa mga tao sa iyong paligid. Kung may karelasyon ka, kausapin siya tungkol sa pagbabahagi ng mga responsibilidad. Ang ibang mga magulang o ang iyong sariling mga magulang ay mainam na maging suporta. Hindi lamang dahil sila may karanasan, kundi mas handa silang tumulong sa pagpapalaki ng iyong anak, lalo na sa kaso ng mga lolo’t lola.

3. Tandaan na ang iyong takot at standard ay hindi makatuwiran

Mahalagang alamin kung nagnanais ka ng pagiging perpekto. Ang ideya na kailangan mong maging perpekto ay maaaring magdulot ng mas maraming problema kaysa makabuti. Alamin ang iyong mga limitasyon at unawain na natural sa isang tao ang magkaroon ng mga problema.

4. Huwag magkumpara

Sa panahon ngayon, nabago na ng social media ang ating pananaw kung paano tayo dapat mabuhay. Madaling mahulog sa bitag na ihambing ang iyong sarili sa iba. Ito ay hindi mabuti. Tandaang lahat tayo ay may pinagdaraanan. Hindi lamang ito angkop para sa mga ina kundi pati na rin sa iyong mga anak. Tandaang ang nilalaman ng social media ay filtered at na-eedit. Ang mga post na ito ay kadalasang hindi nagpapakita ng tunay na larawan ng pagiging ina.

5. Huwag kalimutang panatilihin ang iba pang mga relasyon

Kadalasan sa tuwing inaalagaan mo ang iyong anak, ang iba pang mga relasyon sa iyong buhay ay hindi na nabibigyang-pansin. Ang mga kaibigang madalas nating makasalamuha noon ay nakikita na lamang natin nang isang beses sa isang buwan para sa catch-ups (kung mapalad).

Panatilihin pa rin ang pakikipag-usap sa iyong mga kaibigan kung maaari. Makatutulong ito upang maiwasan ang pakiramdam ng pag-iisa.

6. Makipag-usap

Mahalagang ipahayag natin ang ating nararamdaman. Kung nakaramdam ng guilt, maaaring makabuting makipag-usap sa mga taong malapit sa iyo o sa mga taong iyong pinagkakatiwalaan. Ang pagkikimkim ng damdamin ay hindi mainam sa katagalan.

7. Humingi ng propesyonal na tulong

Ito ang huling payo kung paano malalampasan ang mom guilt. Kung minsan, ang damdamin ng guilt ay maaaring sumobra. Kung ganito, maaaring kailanganin ang propesyonal na tulong. Walang masama sa paghingi ng propesyonal na tulong. Kung ito ay talagang napakahirap at hindi epektibo ang iba pang mga paraan, marahil ay oras na upang maghanap ng taong may kadalubhasaan upang tumulong sa pagkontrol ng sitwasyon.

Maraming dahilan ang stress sa pagiging magulang, marami ding paraan kung paano malampasan ang mom guilt

Matuto pa tungkol sa Pagiging Ina dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Mom Guilt; Why it Plagues Us and How to Fight It? https://www.funlovingfamilies.com/mom-guilt/, Accessed July 29, 2021

What Exactly Is Mom Guilt Anyway? A Clinical Psychotherapist Explains, https://www.mindfulreturn.com/mom-guilt/, Accessed July 29, 2021

Managing Mom Guilt, https://www.whattoexpect.com/family/7-ways-to-deal-with-mom-guilt, Accessed July 29, 2021

Mom Guilt is Real. Here’s How to Beat It.https://www.activekids.com/parenting-and-family/articles/mom-guilt-is-real-here-s-how-to-beat-it/slide-4, Accessed July 29, 2021

Letting Go of the Guilt, https://postpartumprogress.com/letting-go-guilt, Accessed July 29, 2021

Kasalukuyang Version

01/03/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Bakuna Para Sa Buntis: Ito Ang Mga Mahalagang Bakuna

Glutathione Habang Breastfeeding, Ligtas Ba Sa Ina At Baby?


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement