backup og meta

Almoranas Ng Buntis, Bakit Ito Nangyayari At Ano Ang Maaaring Gawin Tungkol Dito?

Almoranas Ng Buntis, Bakit Ito Nangyayari At Ano Ang Maaaring Gawin Tungkol Dito?

Nangyayari ang almoranas habang nagbubuntis dahil sa physical at hormonal changes. May mga almoranas na nagdudulot ng sakit (pain) at hirap sa pakiramdam, ngunit mayroon namang walang sakit. Anuman ang uri nito, pinakamainam pa ring magpagamot agad. Alamin natin ngayon kung papaano magagamot ang almoranas ng buntis.

Ano Ang Almoranas?

Ang almoranas (hemorrhoids) ay ang namamagang daluyan ng dugo sa rectum o puwet. Maaaring magkaroon ng almoranas sa loob ng rectum at walang sakit (internal), lumilitaw sa labas ng puwet (prolapsed), o nakaaapekto sa mga ugat sa labas ng puwet na sanhi ng pagdurugo o sakit (pain).

Puwedeng magkaroon ang kahit na sinong tao ng almoranas anuman ang edad niya at gaano man siya kalusog. Ngunit mas madalas itong mangyari sa mga nasa edad 45 hanggang 65 at sa mga buntis.

Kadalasang nawawala nang kusa ang almoranas, ngunit ipinapayo pa ring kumonsulta sa doktor kung nakasasagabal na ito sa iyong mga ginagawa.

Ang Almoranas at Pagbubuntis

Gaano Kadalas Nangyayari Ang Almoranas Ng Buntis?

Maaaring lumitaw anumang oras ang almoranas na nakaaapekto sa 25% hanggang 35% na mga buntis. Gayunpaman, sa ilang mga bansa, nasa 85% ng buntis na nasa ikatlong trimester ang may ganitong kondisyon.

Ang pamamaga ng mga ugat sa rectum habang nagbubuntis ay karaniwang nangyayari dahil sa mga pagbabagong pinagdaraanan ng isang buntis. Ang dagdag na pressure sa uterus, at pagdami ng dumadaloy na dugo sa pelvic area ang nagiging sanhi ng pamamaga ng mga ugat at minsan ay lumilitaw sa puwet.

Bukod dito, bumabagal din ang panunaw ng isang buntis dahil sa hormonal changes na nagiging sanhi ng constipation, kaya’t mas madali silang magkaroon ng almoranas.

Nakapagdudulot ang constipation ng pagpipilit na dumumi na nagbibigay ng dagdag na pressure sa mga ugat sa rectal area (puwet), na sanhi ng pag-umbok at pamamaga.

Ang pagbubuntis ay nagbubunsod din ng pagdami ng progesterone hormones na nag-re-relax ng mga daluyan ng dugo sa rectum, na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng almoranas.

Dagdag pa, nagkakaroon din ng almoranas pagkatapos ng normal na panganganak (vaginal delivery) dahil sa labis na pag-iri.

Ang mga babaeng nagkaroon ng almoranas bago pa mabuntis ay may malaking tsansang magkaroon ulit nito sa oras na sila’y magbuntis.

Mga Sintomas Ng Almoranas Ng Buntis

Narito ang ilang karaniwang sintomas ng almoranas ng buntis:

  • Kapansin-pansing pagdurugo kapag pinupunasan ang puwet matapos dumumi
  • Pamamaga sa may rectal region
  • Makati at mahapding pakiramdam
  • Bukol o umbok (lamp) sa anus
  • Masakit kapag dumudumi

Nagkakaiba-iba ang mga sintomas depende sa uri ng almoranas. Malaki ang posibilidad na lumitaw ang mga sintomas na nabanggit sa itaas kung ang isang buntis ay may external hemorrhoids, dahil ang internal hemorrhoids ay kadalasang hindi masakit at kaunti lamang ang mga sintomas bukod sa umbok sa puwet.

Gayunpaman, ang sobrang pagpipilit na dumumi ay maaaring magpalitaw ng internal hemorrhoids palabas ng puwet at maging sanhi ng pagdurugo at pumipintig-pintig na sakit.

Paano Maiiwasan Ang Almoranas Ng Buntis?

May ilang mga bagay o behavior na nagdudulot ng pagkakaroon ng almoranas ng buntis. Kaya’t dapat na maging priyoridad ang pag-iwas sa mga salik na ito.

Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng almoranas ng buntis:

  • Magdagdag ng mga pagkaing mayaman sa fiber gaya ng beans, avocado, at oatmeal.
  • Iwasang magpigil kapag nadudumi, at huwag masyadong puwersahin ang pagdumi.
  • Kumonsulta sa iyong doktor para sa gamutan ng constipation o para mabigyan ka ng pampalambot ng dumi.
  • Magtanong sa iyong doktor tungkol sa natural prenatal vitamins sa halip na uminom ng synthetic.
  • Manatiling hydrated upang mapanatili ring malambot ang iyong dumi, at ugaliin ang regular at maayos na pagdumi. Uminom ng hindi bababa sa 8 basong tubig.

Pagbabago sa Lifestyle

  • Maging physically active sa pamamagitan ng kegel exercises upang mapalakas ang iyong mga kalamnan sa paligid ng iyong pelvic floor.
  • Magtanong sa iyong doktor kung anong ehersisyo ang akma sa iyong kasalukuyang kondisyon.
  • Tiyakin ang maya’t mayang paggalaw kung nagdudulot ng madalas na pag-upo o matagal na pagtayo ang iyong routine.
  • Dahil nagdudulot ng dagdag na pressure sa rectal region ang lumalaking fetus sa iyong sinapupunan, pinakamainam kung hihiga ka nang patagilid upang mabawasan ang bigat nito.
  • Panatilihin ang tamang timbang.
  • Panatilihing malinis ang katawan, lalo na sa maseselang bahagi.

Mga Tips Upang Mabawasan Ang Almoranas Ng Buntis

Bagaman maaaring gumaling nang kusa ang almoranas ng buntis, makatutulong ang maagang paggamot nito upang maiwasan ang mga komplikasyon. Bawasan ang mga sintomas ng almoranas sa pamamagitan ng pagsunod sa home remedies na ito:

  • Ilubog ang apektadong parte sa maligamgam na tubig sa loob ng 15 minuto, lalo na tuwing matapos dumumi, at punasan hanggang sa matuyo pagkatapos.
  • Dahan-dahang dampian ng ice packs ang rectum/anus upang mabawasan ang pamamaga.
  • Gamit ang cotton pad, magpahid ng witch hazel extract sa rectal area upang mabawasan ang sakit at pangangati at upang mabawasan din ang pagdurugo. Taglay ng witch hazel extract ang anti-inflammatory properties na nakatutulong upang gumaling ang balat.

    Ang pagpapahid ng aloe vera sa namamagang parte ng puwit ay nakatutulong upang mabawasan ang pamamaga dahil mayroon itong anti-inflammatory properties.

  • Maghalo ng two tablespoon ng epsom salt sa two tablespoon ng glycerin. Gamit ang gauze pad, ipahid ito sa apektadong lugar at hayaan muna ito sa loob ng 15 hanggang 20 minuto. Ulit-ulitin ito sa bawat 6 na oras hanggang sa humupa ang sakit.

    Panatilihing malinis at tuyo ang puwet at gumamit lamang ng malalambot na tissue, unscented wipes, o feminine wash sa paghuhugas.

Laging tandaan na kung hindi tatalab ang home remedies na ito upang mabawasan ang mga sintomas ng iyong almoranas, pinakamabuting kumonsulta na sa iyong doktor para sa gamutan at mga posibleng treatment.

Kadalasan, gumagaling nang kusa ang almoranas matapos manganak. Gayunpaman, kung nagpatuloy ito o lumala, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang surgical treatment.

Key Takeaways

Natural na bahagi ng human anatomy ang almoranas. Ngunit may ilang mga nagdudulot ng pamamaga nito at nauuwi sa pagsakit ng apektadong bahagi at pagkakaroon ng hindi komportableng pakiramdam.

Dapat na ipagamot agad ng buntis ang kanyang almoranas sa oras na magkaroon siya nito upang hindi na makadagdag pa sa sakit at hapdi na kanyang nararanasan.

Tiyak na makatutulong ang home remedies upang mabawasan ang mga iniindang sintomas ng almoranas ng buntis, ngunit tandaan na laging kumonsulta sa doktor kung kailangan mo ng medikasyon.

Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

What Can I Do to Treat Hemorrhoids During Pregnancy? https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/expert-answers/hemorrhoids-during-pregnancy/faq-20058149, Accessed October 22, 2020

Hemorrhoids in Pregnancy, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2278306/, Accessed October 22, 2020

Dealing with Hemorrhoids During Pregnancy, https://www.honorhealth.com/healthy-living/hemorrhoids-during-pregnancy, Accessed October 22, 2020

7 Best and Worst Home Remedies for Your Hemorrhoids, https://health.clevelandclinic.org/7-best-and-worst-home-remedies-for-your-hemorrhoids/, Accessed October 22, 2020

Hemorrhoids and What to do About Them, https://www.health.harvard.edu/diseases-and-conditions/hemorrhoids_and_what_to_do_about_them, Accessed October 22, 2020

Piles in Pregnancy, https://www.nhs.uk/conditions/pregnancy-and-baby/piles-haemorrhoids-pregnant/, Accessed October 22, 2020

Kasalukuyang Version

11/23/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mary Rani Cadiz, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Unang Pagligo Matapos Manganak: Isang Guide Para sa New Moms

Filipino Food Para sa Buntis: 3 Healthy Recipes kay Mommy at Baby


Narebyung medikal ni

Mary Rani Cadiz, MD

Obstetrics and Gynecology


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement