backup og meta

Sintomas Ng Prenatal Depression, Anu-Ano Nga Ba Ang Mga Ito?

Sintomas Ng Prenatal Depression, Anu-Ano Nga Ba Ang Mga Ito?

Hindi gaanong pinag-uusapan ang mga senyales at sintomas ng prenatal depression kumpara sa postpartum depression o “baby blues”. Ang prenatal (o antenatal) depression ay nararanasan ng mga babaeng malapit nang maging ina. Maaaring maapektuhan ng depression ang mga buntis anuman ang edad, lugar, o katayuan nito sa buhay. Gaya ng iba pang mental at mood disorders, wala itong iisang sanhi. Sa katunayan, kahit ang mga babaeng nagsasabing kontento at masaya sila sa buhay noong bago pa sila mabuntis ay puwede pa ring makaranas ng prenatal depression.

Ano-Ano Ang Mga Senyales At Sintomas Ng Prenatal Depression?

Una, mahalagang linawing hindi lahat ng mga sumusunod na senyales at sintomas ng prenatal depression ay maaaring maranasan. Maaaring lumitaw ang mga sintomas ng prenatal depression habang nagbubuntis nang hindi naiuugnay direkta sa depression. Hindi puwedeng ideklara ng isang tao ang sarili na siya ay may depression. Makipag-usap sa isang medical professional para sa tamang diagnosis.

Kakulangan Sa Lakas

Para sa mga babaeng sinusubukang mabuntis, nakapagdudulot ng pagkasabik at ligaya ang makita ang positibong resulta ng pregnancy test. Gayunpaman, hindi habambuhay ang pakiramdam na ito. Paglipas ng ilang buwang pagbubuntis, kapag nagsimula nang bumigat ang timbang at manakit ang katawan, normal lang na makaramdam ng pagod. Bago pa ang mga pagbabagong pisikal, ang pagbabago sa iyong hormones ay maaari ding gumulo ng iyong mood. Maaaring ang depression ay nasa pakiramdam ng palaging pagod, kahit nagkaroon ka ng kompletong tulog sa gabi.

Insomnia

Ang insomnia o ang kawalan ng kakayahang matulog o manatiling tulog ay puwedeng mangyari bago, habang, at maging pagkatapos ng pagbubuntis. Habang ang pagbubuntis ay nagdudulot ng kakulangan sa lakas, hindi mo pa rin magawang matulog. Pinalalala pa ng insomia ang sitwasyon dahil hindi ka nito pinatutulog sa buong araw.

May mga gamot na maaaring inumin upang makatulong na makatulog (sedatives), gayunpaman, hindi lahat ng ito ay maganda sa mga buntis. Kung nagkakaroon ka ng problema sa pagtulog, makipag-usap sa iyong doktor.

Pakiramdam Na Walang Gana o Hindi Interesado

Ang kawalan ng interes na may kasamang lungkot ay kadalasang sintomas ng prenatal depression. Maaari itong maging mild na mararamdaman at mawawala. Mawawalan ka ng ganang makisalamuha sa mga kaibigan o kapamilya, o mawalan ng interes sa mga bagay na dati mong gustong-gustong gawin. Kapag nagpatuloy ang ganitong sitwasyon ng kawalan ng gana o interes, maaari itong maikunsiderang sintomas ng prenatal depression.

Pagkabalisa (Anxiety)

Kadalasang magkasabay na lumilitaw ang pagkabalisa at depression. Ang mga ito ay dalawang magkaibang disorders, ngunit may nagkakaparehong mga sintomas. Posible talaga ang partikular na level ng anxiety habang nagbubuntis at pagkatapos manganak. Ang mga pagbabago sa katawan at pakiramdam na naidudulot ng nakaambang responsibilidad ay maaaring pagmulan ng stress at pagkabalisa. Sa pamamagitan ng epektibong suporta, maaaring pagmulan ng lakas ang mga nabanggit na pakiramdam. Gayunpaman, kung patuloy ang iyong pagkabalisa, maaari itong mauwi sa iba pang sintomas ng prenatal depression.

sintomas ng prenatal depression

Hindi Makapag-Concentrate

Ang “pregnancy brain” ay nararanasan ng maraming babae. Ang pregnancy brain o brain fog ay resulta ng hormones tulad ng progesterone na nakaaapekto sa istruktura at takbo ng mga bahagi ng utak. Ito ang dahilan kung bakit nakakalimutan mo kung saan mo nailagay ang susi, o kung bakit hindi ka makapag focus sa iyong binabasa o pinanonood.

Bagaman karaniwan ito, ang hindi magandang konsentrasyon ay isa ring sintomas ng prenatal depression. Kung mayroon kang hindi magandang konsentrasyon kasama ang iba pang mga sintomas, maaring higit pa ito sa tinatawag na pregnancy brain.

Walang Ganang Kumain

Karaniwan sa mga babae ang kumain nang marami o manabik sa pagkain (magkakaibang kombinasyon pa ng pagkain minsan). Normal ito sapagkat kailangan ng isang buntis na kumonsumo ng mas maraming calories at sustansya upang suportahan ang lumalaking sanggol sa kanyang sinapupunan. Gayunpaman, maaaring magdulot ng kawalan ng ganang kumain o kawalan ng magandang panlasa ang depression. Hindi big deal ang lumaktaw ng isang pagkain, ngunit ang hindi pagkain ng sapat sa bawat araw ay makaaapekto sa iyong kalusugan at pagbubuntis.

Gaano Katagal Ang Sintomas Ng Prenatal Depression?

Maaaring mangyari ang prenatal depression sa anumang panahon ng pagbubuntis. Puwede rin itong mangyari sa kahit na anong pagbubuntis, kahit pa hindi ka nakaranas ng anumang sintomas ng depression sa mga nakalipas mong pagbubuntis.

Gayunpaman, walang malinaw na bilang ng araw o linggo ang itinatagal ng prenatal depression. Maaaring lumitaw at mawala ang mga sintomas nito, na dahilan kung bakit mahirap itong i-record. Ang isang tipikal na pagbubuntis ay tumatagal ng hanggang 40 linggo at maaaring mangyari ang prenatal depression anumang oras hanggang manganak. Kapag ang depression ay nangyari pagkatapos manganak, ang tawag na rito ay postpartum depression.

Kung nakararanas ka ng prenatal depression at hindi ka nakaranas ng anumang antas ng clinical depression bago ka mabuntis, malaki ang posibilidad na humupa rin ang mga sintomas na iyong nararamdaman bago ka manganak.

Mayroon Bang Pangmatagalang Epekto Ang Prenatal Depression?

Sa kasamaang palad, wala pang sapat na impormasyon tungkol sa prenatal depression. Dahil ang depression ay isang mental disorder, tiyak na may epekto ito sa katawan at sa isip kung hindi magagamot.

May isang pag-aaral na nakatukoy sa ugnayan sa pagitan ng prenatal depression at mga adverse effect sa fetus. Napag-alaman ng pag-aaral na ang mga babae na nakararanas ng prenatal depression ay may mataas na tsansang manganak nang maaga (preterm) o magkaroon ng sanggol na may mababang timbang.

Bagaman puwede pa ring lumaki nang malusog at masaya ang mga batang ipinanganak nang premature at may mababang timbang, maaari naman silang magkaroon ng mahinang pangangatawan at immune system. Ang pagkakaroon ng premature baby ay puwedeng makadagdag sa stress o guilt at pagkabalisa ng isang ina na maaaring magpalala ng kanyang depression.

Buntis ka man ngayon o hindi, dapat na seryosohin ang depression. Makipag-usap sa iyong mga kaibigan, kapamilya, at higit na importante, sa iyong doktor.

[embed-health-tool-due-date]

Key Takeaways

Kailangang matukoy at magamot ang depression gaya ng iba pang uri ng sakit. Hindi tulad ng mga pisikal na sakit, ang mga sintomas ng depression ay maaaring hindi palaging halata. Ang mga buntis na nakararanas ng mga sintomas ng prenatal depression ay kailangang magamot nang may respeto at pag-unawa. Bagaman normal lang na makaramdam ng pagkalugmok o pagkabalisa minsan, hindi dapat itago ang pagkakaroon ng depression.

Matuto pa tungkol sa Pagiging Buntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Perinatal depression, https://www.nimh.nih.gov/health/publications/perinatal-depression/index.shtml, Accessed December 14, 2020.

Depression during pregnancy: you’re not alone, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/in-depth/depression-during-pregnancy/art-20237875, Accessed December 14, 2020.

Antenatal or prenatal depression: signs, symptoms, and support, https://www.nct.org.uk/pregnancy/how-you-might-be-feeling/antenatal-or-prenatal-depression-signs-symptoms-and-support, Accessed December 14, 2020.

Mental health problems and pregnancy, https://www.nhs.uk/conditions/pregnancy-and-baby/mental-health-problems-pregnant/, Accessed December 14, 2020.

Global burden of antenatal depression and its association with adverse birth outcomes: an umbrella review, https://bmcpublichealth.biomedcentral.com/articles/10.1186/s12889-020-8293-9, Accessed December 14, 2020.

What is depression?, https://www.psychiatry.org/patients-families/depression/what-is-depression, Accessed December 14, 2020.

Kasalukuyang Version

06/24/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Regina Victoria Boyles, MD

In-update ni: Regina Victoria Boyles


Mga Kaugnay na Post

Balat Ng Buntis: Anu-anong Pagbabago Ang Nangyayari?

Pananakit Ng Puson Sa Third Trimester, Normal Lang Ba?


Narebyung medikal ni

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement