backup og meta

Nakakalaglag Ba Ng Baby Ang Pagkain Ng Pinya?

Nakakalaglag Ba Ng Baby Ang Pagkain Ng Pinya?

Ang pinya ay hindi lamang mayaman sa mga bitamina at mineral, nagtataglay din ito ng maraming fiber. Kaya natural lamang isiping mabuting prutas ito para sa nagbubuntis. Gayunpaman, marahil ay narinig mo nang ito ay nagiging sanhi ng contractions na maaaring humantong sa pagkalaglag ng sanggol. Pampalaglag ba ang pinya? Alamin ang kasagutan sa artikulong ito.

Ano Ang Alalahanin Tungkol Sa Pinya?

Ano ang alalahanin tungkol sa pinya at sa pagbubuntis? Bakit tinatanong ng iba, “Pampalaglag ba ang pinya?”

Ang alalahanin tungkol sa pinya ay nagmula sa katotohanang nagtataglay ito ng bromelain, isang uri ng enzyme. Matatagpuan ito sa tangkay at sa prutas (balat). Ayon sa mga ulat, ito ay maaaring makasira ng mga tissue ng katawan. Ito ang dahilan kung bakit kapag kumakain ka ng pinya, madalas kang makaranas ng kakaibang pakiramdam sa iyong bibig.

Ngayon, ang paniniwala ay kapag ang isang buntis ay kumain ng pinya, ang bromelain ay makararating sa puwerta. Ito ay sinasabing dahilan upang masira ang tissues nito, at magiging sanhi ng pag-labor ng buntis.

Subalit totoo nga ba ito? Pampalaglag ba ang pinya?

Ano Ang Katotohanan?

Pampalaglag ba ang pinya? Ayon sa mga eksperto, hindi ito totoo.

Una, ipinaliwanag ng mga doktor na ang bromelain ay hindi aktibo sa iyong tiyan na puno ng acid. Ikalawa, kaunti lamang nito ang nakukuha ng katawan.

Binanggit din sa ilang mga ulat na “kaunti lamang ang nalalaman” tungkol sa bromelain at sa pagbubuntis. Sinasabing walang ebidensyang nagpapatunay na nagiging sanhi ito ng pag-labor ng buntis at nagreresulta sa pagkalaglag ng sanggol.

Dagdag pa, mahalagang tandaan na ang pinya ay may napakakaunti lamang na taglay na bromelain. Karamihan nito ay makikita sa pinakagitna, na hindi natin kinakain.

Sa ibang salita, ang pagkain ng pinya ay hindi nakaaapekto sa iyong pagbubuntis.

Tandaan

Bagama’t ang pinya ay hindi sanhi ng pagkalaglag ng sanggol, mahalagang maging maingat sa bromelain. Huwag uminom ng bromelain pills, na maaaring mabili bilang supplements na nakapagpapabawas sa pananakit at pamamaga.

Ang Mga Buntis Ba Ay Maaaring Kumain Ng Pinya?

Ngayong alam na nating ang pinya ang hindi sanhi ng pagkalaglag ng sanggol, sagutin naman natin ang tanong na “Ang mga buntis ba ay maaaring kumain ng pinya?”

Ayon sa mga eksperto, oo, tiyak na maaaring kumain ng pinya ang mga buntis.

Ito ay dahil ang pinya ay masustasya. Ito ay mayaman sa fiber na nakatutulong sa mga buntis na nakararanas ng pagtatae. Ang prutas ding ito ay maraming bitamina C na nakatutulong na palakasin ang resistensya. Maaari ding maging kapaki-pakinabang ang kaunting bromelain dahil ito ay may mga sangkap na anti-inflammatory. Ang pinya ay nagtataglay din ng maraming tubig, kaya ito ay masarap kainin at mainam para maging hydrated.

Mga Paalala

Syempre, kailangan mong kumain ng pinya nang hinay-hinay. Ang sobrang pagkain nito ay maaaring maging sanhi ng heartburn dahil acidic ang prutas na ito. Gayundin, tandaan na ang pinya ay may sugars din. Kung ikaw ay may gestational diabetes,  isaalang-alang ang taglay na sugar ng kakaining prutas.

At huli, may allergies na sanhi ng pinya. At bagama’t hindi ito karaniwan sa mga nakatatanda, ito ay maaaring madebelop kailanman. Kung ikaw ay nakararanas ng pangangati o pamamaga ng bibig o lalamunan matapos kumain ng pinya, agad na magpakonsulta sa iyong doktor.

Kailan Dapat Humingi Ng Medikal Na Tulong?

Pampalaglag ba ang pinya? Ayon sa mga eksperto, ang pinya ay hindi sanhi ng pagkalaglag ng sanggol, lalo na kung kaunti lamang ang kinakain. Gayunpaman, maraming ibang salik na nakaaapekto sa pagkalaglag ng sanggol. Mahalagang agad na mapansin ang mga senyales nito.

Ang pinakakaraniwang senyales ng pagkalaglag ng sanggol ay ang pagdurugo sa puki. Kabilang ang mga sumusunod sa iba pang mga sintomas:

  • Pagsakit ng tiyan
  • Paglabas ng fluid o tissue mula sa puki
  • Pagtigil ng mga sintomas ng pagbubuntis, tulad ng paninigas ng suso at pagduduwal

Tandaan na ang pagdurugo sa puki ay maaaring mangyari habang nagbubuntis, kaya hindi ito awtomatikong nangangahulugan na ikaw ay nakararanas ng pagkalaglag ng sanggol. Kung ikaw ay nakararanas ng alinman sa mga sintomas na ito, agad na kumonsulta sa doktor upang masuri ang iyong kalagayan.

Key Takeaways

Ang pinya ay nagtataglay ng kaunting bromelain. Kaya naman, ang pagkain nito paminsan-minsan ay walang negatibong epekto sa iyong pagbubuntis. Gayunpaman, siguraduhing kumain nito nang hinay-hinay dahil maaari itong maging sanhi ng heartburn. Gayundin, maging mas maingat kung ikaw ay may gestational diabetes.

Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

The truth about “natural” ways to induce labor, https://utswmed.org/medblog/truth-natural-labor/, Accessed May 5, 2022

Bromelain, https://www.nccih.nih.gov/health/bromelain#:~:text=Bromelain%20is%20a%20group%20of,ailments%2C%20such%20as%20digestive%20disorders., Accessed May 5, 2022

Properties and Therapeutic Application of Bromelain: A Review, https://www.hindawi.com/journals/btri/2012/976203/, Accessed May 5, 2022

The many flavors of pineapple reactions, https://www.annallergy.org/article/S1081-1206%2819%2930577-0/fulltext, Accessed May 5, 2022

Symptoms, https://www.nhs.uk/conditions/miscarriage/symptoms/, Accessed May 5, 2022

Kasalukuyang Version

10/27/2023

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Dexter Macalintal, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Alamin: Bakit Mahalaga Ang Bed Rest Para Sa Mga Buntis?

Malabong Linya sa Pregnancy Test: Positibo ba Ito?


Narebyung medikal ni

Dexter Macalintal, MD

Lifestyle Medicine, Registered Nutritionist Dietitian


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement