Sa panahon ng pagbubuntis, mahalagang maging sobrang ingat sa mga inilalagay sa loob ng iyong katawan. Kabilang dito ang kinakain mo, anumang inumin mo, pati na rin ang anumang gamot na iniinom mo, at kabilang dito ang mga bakuna. At isang madalas na tanong ay “Maaari ba ang COVID vaccine para sa buntis?”
Dapat bang magpabakuna ang mga buntis? May mga posibleng side effects ba na makakasama sa baby? Basahin dito para malaman ang mga sagot.
Maaari bang magpa-Covid vaccine ang mga buntis?
Ayon sa Department of Health, pwede na para sa COVID vaccine ang mga buntis. Idinagdag sila sa A3 priority list. Kaya lang ang mga nasa second at third trimester lang ang pwede. Ang mga nasa first trimester ay maaari ding mabakunahan, sa kondisyon na sila ay may high risk pregnancy.
Bagaman, nagbigay ang DOH ng exception sa Russian-made Gamaleya vaccine, pero hindi sila nagbigay ng dahilan kung bakit.
Ang rekomendasyong ito ay nangyari matapos sabihin ng Estados Unidos na ang bakuna ay hindi nagdulot ng anumang panganib para sa mga buntis. Sa katunayan, ang mga buntis ay hinihikayat na magpabakuna sa lalong madaling panahon para maprotektahan ang kanilang sarili.
Ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention o CDC, hindi pinataas ng bakuna ang panganib ng vaccine sa mga buntis. Sinabi nila na ang miscarriage rate ng mga nabakunahan ay nasa 13%, na nasa average na 11%-16% miscarriage rate.
Ang isa pang takot ng ilang kababaihan ay kung paano makakaapekto ang COVID vaccine para sa buntis sa kanilang fertility. Batay sa ating nalalaman, ang bakuna ay hindi nakakaapekto sa fertility kahit ano pa man. Kaya kung mabakunahan ka, maaari kang ligtas na magbuntis.
Sa mga side effects, maaaring asahan ng mga buntis ang karaniwang mga epekto na nauugnay sa anumang bakuna na kanilang tinatanggap. Walang mataas na risk ng mga side effects para sa mga buntis. Hindi na kailangang mag-alala kung magsisimula silang makaranas ng mga side effect na ito.
Bakit ito natagalan?
Noong inilunsad ang mga unang bakuna para sa COVID, hindi kasama ang mga buntis sa mga eligible na mabakunahan ng COVID vaccine para sa buntis. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ang bakuna ay hindi ligtas, o ito ay nakakapinsala sa mga buntis. Ang dahilan kung bakit ito nagtagal ay ang pagsasaliksik at pagsusuri na kailangang gawin tungkol sa mga epekto ng bakuna sa panahon ng pagbubuntis.
Pero ngayon, sa impormasyon na mayroon tayo, ligtas nating masasabi na ang mga bakuna ay ligtas para sa mga buntis.
Ligtas ang mga bakuna sa COVID-19, at nagliligtas sila ng mga buhay
Ang mga buntis ay kabilang sa mga nasa panganib para sa matinding COVID. Bilang karagdagan, ang mga may gestational diabetes o obese ay may higher risk para sa malalang sintomas.
Kaya napakahalaga para sa kanila na mabakunahan sa lalong madaling panahon. Bagama’t hindi sila nag-aalok ng 100% proteksyon laban sa impeksyon, pinoprotektahan ng mga bakuna ang mga pasyente mula sa malalang sintomas. Ibig sabihin kung ang isang tao ay mabakunahan at magkasakit, malamang na makakaranas sila ng mild symptoms.
Isa pang benepisyo ng COVID vaccine para sa buntis ay maaaring may posibilidad na maipasa ng mga ina ang ilan sa kanilang mga antibodies sa kanilang sanggol. Lalo na, ang mga nagpapasuso ay maaaring magpasa ng mga antibodies na ito, at makatulong na protektahan ang mga sanggol mula sa impeksyon. Gayunpaman, kailangan ng karagdagang research para kumpirmahin ito.
Sa kabila ng pagiging bago ng mga bakuna, maaari tayong magtiwala na ligtas ang mga ito, at gumagana ang COVID vaccine para sa buntis. Maraming pag-aaral ang nagpakita ng positive results. At sa mga lugar na karamihan ng populasyon ay nabakunahan, ang bilang ng mga kaso ay posibleng bumaba.
Lahat ng karapat-dapat para sa bakuna ay dapat mabakunahan sa lalong madaling panahon. Kung mas maaga kang mabakunahan, mas mabuti.