Habang nasasabik ang mga magulang na malaman kung sino ang kamukha ng kanilang anak, gusto rin nilang malaman ang “itsura” ng sanggol sa loob ng sinapupunan ng ina. Ito ang dahilan kung bakit ang ultrasound appointment ay kapanapanabik na sandali. Subalit ang scan na ito ay hindi lamang nagpapakita ng outline ng mukha at ng posibleng kasarian ng iyong anak. Sa pamamagitan ng fetal biometry, nakapagbibigay rin ang doktor ng mga tiyak na detalye sa paglaki at pagdebelop ng iyong anak sa loob ng iyong sinapupunan. Alamin sa artikulong ito kung ano ang fetal biometry at ang mga dapat mong malamang tungkol dito.
Ano Ang Fetal Biometry?
Ano ang fetal biometry? Sa una, ang fetal biometry ay tila isang komplikadong test para sa mga sanggol. Gayunpaman, ito lamang ay ang simpleng pag-alam sa mga sukat ng iyong anak na isinasagawa habang sumasailalim sa ultrasound.
Sa pamamagitan ng fetal biometry, natutukoy ng mga doktor ang laki ng ulo, katawan, at buto ng hita ng iyong anak. Ginagamit ang mga sukat na ito upang masuri ang gestational age (tagal ng pagbubuntis bago manganak) at matukoy ang normal na paglaki o hindi normal na pagdebelop.
Kabilang sa fetal biometry ang mga sumusunod:
- Biparietal diameter, na sumusukat sa ulo
- Head circumference, na sinusukat ang paligid ng ulo
- Abdominal circumference, na sumusukat sa tiyan
- Femur length, na sumusukat sa haba ng buto ng hita
Sa unang trimestre ng pagbubuntis, maaari ding sukatin ng doktor ang haba ng crown-rump ng sanggol, na mula sa itaas ng ulo hanggang sa puwitan.
Ano Ang Fetal Biometry? Anu-Ano Ang Mga Posibleng Matuklasan Dito ?
Ang mga sukat na nabanggit sa itaas ay nakatutulong sa mga doktor upang matukoy ang gestational age. Ginagamit din nila ang mga ito upang matantya ang timbang ng sanggol.
Matapos malaman ang tinatayang timbang ng sanggol, maaaring i-plot ito ng mga doktor sa gestational age. Mula rito, masasabi nila ang kasalukuyang laki ng sanggol, kung ito ay maliit para sa gestational age (small for gestational age o SGA) o malaki para sa gestational age (large for gestational age o LGA).
Kung ang biometry ay kinakitaan ng mahalagang resulta (SGA, LGA, at iba pa), maaaring irekomenda ng doktor ang karagdagang pagsusuri upang matukoy ang pinakamainam na opsyon sa pagkontrol, bago pa man isilang ang sanggol.
Halimbawa, ang sanggol na maliit para sa gestational age (SGA) ay maaaring makaranas ng kakulangan sa placenta. Ang restriksyon sa paglaki ng fetus ay maaari ding manguari dulot ng impeksyon ng ina o masasamang gawi, tulad ng paninigarilyo o pag-inom ng alak. Sa kabilang banda, karaniwan ang sanggol na malaki para sa gestational age (LGA) kung ang ina ay may gestational diabetes.
Huwag kalimutang ang bawat sukat sa fetal biometry ay may kahulugan. Halimbawa: ang abdominal circumference ay ang pinakaginagamit na sukat upang mataya ang paglaki ng fetus. Sa kabilang banda, ang femur length ay ang pinakamainam na sukat upang mataya hindi normal na buto, tulad ng skeletal dysplasia.
Kailan Kinakailangan Ng Nagbubuntis Ang Ultrasound Scan?
Ang mga buntis ay hindi sumasailalim sa ultrasound sa tuwing siya ay may prenatal appointment.
Karamihan sa mga buntis ay nangangailangan lamang ng ultrasound nang dalawang beses. Ang isa ay sa unang trimestre (6 hanggang 8 linggo). At ang pangalawa ay sa ikalawang trimestre (18 hanggang 20 linggo). Maaaring magpasagawa ang doktor ng scan sa ikatlong trimestre (ika-30 linggo) upang malaman ang paglaki, posisyon ng placenta, posisyon ng fetus, o anomang nakabara sa cervix.
Dagdag pa, maaaring magpasya ang doktor na kinakailangan ng isang buntis ang marami pang scans kung magkaroon man ng mga problema. Bilang pagtitiyak, kakailaganin ang fetal biometry kung:
- Ang tiyan ng buntis ay mas maliit o mas malaki kaysa sa inaasahan.
- Kung ang buntis ay may mga kondisyong nararanasan, altapresyon o diabetes.
- Kung ang buntis ay nagkaroon dati ng mga komplikasyon sa pagbubuntis.
Mga Dapat Asahan Bago, Habang, At Pagkatapos Ng Ultrasound Scan
Bago ang scan, kailangan mong uminom ng maraming tubig dahil ang pantog na puno ay nakatutulong sa imaging.
Habang isinasagawa ito, sasabihan ka ng sonographer na itaas mo ang iyong damit at saka siya magpapahid ng gel sa iyong tiyan. Matapos ito ay gagamitin niya ang scanner na tila wand sa iyong tiyan. At makikita mo agad ang imahe sa monitor.
Matapos ito, ikaw ay bibigyaan ng pamunas upang tanggalin ang gel. Ang resulta, kabilang na ang fetal biometry, ay ipadadala sa doktor para sa interpretasyon nito.
Key Takeaways
Ano ang fetal biometry? Ito ay isinasagawa habang sumasailalim ang buntis sa unltrasound scan. Natutukoy nito ay laki ng sanggol, na nakatutulong upang malaman ng doktor ang gestational age at ang paglaki at pagdebelop ng fetus. Ang mga sukat na natuklasan sa scn ay maaari ding gamitin upang matukoy ang anomang hindi normal sa sanggol.
Matuto pa tungkol sa Pagbubuntis dito.