backup og meta

Ika-31 Linggo Ng Pagbubuntis: Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Ika-31 Linggo Ng Pagbubuntis: Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Paglaki ng Sanggol sa Ika-31 Linggo ng Pagbubuntis

Sa ika-31 linggo ng pagbubuntis, ang iyong anak ay dapat nasa 16 pulgada ang haba, na may bigat na nasa tatlong pounds o higit pa. Mahaba na ang panahong nilakbay ng iyong anak.

Sa ika-31 linggo ng pagbubuntis, ang iyong anak ay nagkakaroon na ng laman o taba sa katawan habang sila ay lumalaki araw-araw. Sa ngayon, mas malinaw na ang kanilang imahe gaya ng isang sanggol na kapapanganak pa lamang. Asahan na ang iyong anak ay lumalaki nang mas mabilis sa iyong sinapupunan. Ang yugto ng pagdebelop ng sanggol ay papunta na sa mas mataas na lebel sa ika-31 linggo ng pagbubuntis.

Sa ika-31 linggo ng pagbubuntis, ang mga mata ng iyong anak ay nakapopokus na. Ang mga mata ng iyong sanggol ay nakadebelop na ng mga iris na maaaring ganap na makakita at makaaninag. Kasama ang pagdebelop ng mga mata, sa ika-31 linggo ng pagbubuntis ay makikita rin ang pag-unlad ng pandinig ng iyong sanggol. Ang ilang mga reflexes at pagkilos, gaya ng thumb-sucking ay nagsisimula na. Ang iyong sanggol ay nagsisimula nang makakuha ng ilang pagsasanay kung paano kumain at pati na rin ang pagbuo ng mga facial muscles.

Ang isa pang kapansin-pansing pagbabago sa ika-31 linggo ng pagbubuntis sa sanggol ay pagtubo ng lanugo. Ang lanugo ay ang buhok na sumasakop sa kabuuang katawan ng iyong bagong panganak na sanggol.

Kasama sa mga pagbabagong ito, sa ika-31 linggo ng pagbubuntis ay nangangahulugan din na ang mga baga at immune system ng iyong sanggol ay halos gumagana na. Hindi ito nangangahulugang ang iyong sanggol ay handa ng huminga. Gayunpaman, ang mga baga ay ganap na gagana sa ika-36 na linggo. Ngunit ang ika-31 linggo ay nagmamarka na ang iyong sanggol ay unti-unting naghahanda upang mabuhay sa labas ng iyong sinapupunan. 

Ang mga pagbabago sa katawan

Paano nagbago ang aking katawan?

Tulad ng pagbabago at paglaki ng iyong sanggol, ikaw ay haharap din sa mga pagbabago sa iyong pangangatawan. Maaari mong maranasan na kailangan mong umihi nang mas madalas, dahil ang iyong matris ay tumutulak papunta sa iyong pantog. Sa sandaling matagumpay mong mailabas ang iyong sanggol, ang madalas na pag-ihi ay huhupa o mababawasan na. 

Ang isa pang posibleng kawalang ginhawang maranasan ay maaaring magmula sa chest area. Mayroong mas malakas na pressure laban sa iyong diaphragm dahil ang sanggol ay kumukuha ng higit na espasyo sa loob. Ito ay maaaring maging sanhi ng bahagyang kakulangan sa ginhawa habang humihinga.

Ang pananakit ng mga binti at likod ay mas karaniwang maranasan sa ika-31 linggo ng pagbubuntis. Maaari kang tumagilid sa iyong panig sa gabi upang mapawi ang pananakit at maging komportable, at maglagay ng isang unan sa pagitan ng iyong mga binti at sa ilalim ng iyong tiyan para sa karagdagang suporta.

Ang isa pang posibleng sanhi ng kakulangan sa ginhawa para sa mga kababaihan sa kanilang ika-31 linggo ng pagbubuntis ay ang almoranas at kahirapan sa pagdumi. Ang iyong doktor ay maaaring magrekomenda ng mga posibleng over-the-counter na gamot upang mapagaan ang iyong pakiramdam.

Sa ika-31 linggo ng pagbubuntis, maaari mo ring mapansin na ang iyong mga suso ay nagsimula nang maglabas ng isang puting mala gatas na likido. Ito ay tinatawag na colostrum. Posible rin naman na hindi maglabas ng anumang colostrum sa panahong ito. Mainam naman para sa colostrum kung lalabas na ito sa ika-31 linggo ng pagbubuntis o hindi na kailanman. 

Ano ang dapat kong alalahanin? 

Susuriin ng iyong doktor ang presyon ng iyong dugo kapag mayroon kang appointment sa kanila. Mahalaga ito dahil ang mataas na presyon ng dugo ay maaaring makapinsala sa mga buntis at mga sanggol. Ang mataas na presyon ng dugo ay maaari ding humantong sa pre-eclampsia. Ang pre-eclampsia ay isang kondisyon kung saan mayroon kang mataas na presyon ng dugo pati na rin ang protina sa iyong ihi. Kahit na 5% lamang ng mga kababaihan ang nakararanas ng kondisyong ito, mas mainam na magkaroon ng pag-iingat.

Ang pananakit ng binti at likod ay maaaring maging isyu. Kung ang pananakit ay nagiging malubha, at napansin mong may mga bahaging namumula, ang mga ito ay maaaring mga namuong dugo. Maaaring may mataas na pagkakataon na may maganap na pamumuo ng dugo ang isang nagbubuntis. Kung sa palagay mo ay mayroong namumuong dugo sa iyong katawan, tawagan na kaagad ang iyong doktor.

Sa ika-31 linggo, maaari ding magsimulang makaranas ng false labor contractions na kilala rin bilang “Braxton Hicks.” Mararamdaman sa mga kontraksyon na ito ang pagsikip o paghigpit ng uterus at tumatagal ng isa hanggang dalawang minuto. Kung pakiramdam mo na ang iyong mga contraction ay lumalakas at tumatagal, maaaring ito ay senyales na maagang panganganak. Kung sa palagay mo ay hahantong ka sa maagang panganganak, agad na kumonsulta sa iyong doktor.

Narito ang mga posibleng sintomas na maaari mong maranasan sa panahon ng iyong ika-31 linggo ng pagbubuntis 

  • Kahirapan sa paghinga 
  • Madalas na pag-ihi 
  • Paglabas ng puting likido sa suso o colostrum production
  • Pananakit ng binti at likod
  • Almoranas at hirap sa pagdumi

Pagbisita sa Doktor 

Ano ang dapat kong sabihin sa aking doktor?

Kung sinusubaybayan mo ang iyong presyon ng dugo, magiging mabuti na ipaalam ito sa iyong doktor. Sabihin sa kanya kung may nararamdaman na anumang mga kontraksyon sa panahong ito.

Mga pagpipilian sa panganganak 

 Ang Philippine Department of Health’s Safe Motherhood ay naglalayong magbigay ng ligtas at accessible na programa sa pagbubuntis at panganganak ng mga Filipina. Dahil dito, ang paghahanap ng ospital upang manganak ay dapat na mas bigyang-pansin. Hinihikayat din ng Department of Health ang panganganak sa mga pasilidad o ospital sapagkat malaki ang pagkakataong maging matagumpay ang paglabas ng sanggol.

Tulad ng nabanggit sa itaas, ang iyong doktor ay dapat na kunin ang iyong presyon ng dugo sa bawat pagbisita.

Action Plan

 Narito ang ilang mga bagay na isaalang-alang sa ika-31 linggo ng pagbubuntis 

  •  Pumili ng isang ospital kung saan manganganak 
  • Subukan ang ilang mga klase ng pagpapasuso 
  •  Magbasa ng tungkol sa epidurals 
  •  Hydrate
  •  Mamahinga at pamahalaan ang iyong pagkabalisa

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

https://www.doh.gov.ph/national-safe-motherhood-program

https://bastyr.edu/news/general-news/2017/08/birth-culture-philippines

https://www.nhs.uk/conditions/pregnancy-and-baby/31-weeks-pregnant/

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/preeclampsia/symptoms-causes/syc-20355745

https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/in-depth/fetal-development/art-20045997

Kasalukuyang Version

10/18/2024

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Mga Pagkaing Maaaring Makasama Sa Sanggol Sa Tiyan

Ano Ang Dapat Gawin Kapag Nilalagnat Ang Buntis?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement