Baby Development Sa Ika-15 Linggo Ng Pagbubuntis
Paano lumalaki ang aking sanggol?
Sa ika-15 linggo ng pagbubuntis, matapos pagdaanan ang ilang malaking pagbabago, nagsisimula nang magmukhang tao ang sanggol. Tumitimbang ito ng 3 onsa at may sukat na hanggang apat na pulgada. Nagiging normal na ang proporsyon ng katawan ng sanggol ngayong mas mahaba na ang kanyang mga paa kaysa sa mga bisig. Dahan-dahan na ring pumupuwesto sa tamang posisyon ang kanyang mga mata at tainga.
Patuloy ring lumilikha ng maliliit na galaw ang sanggol ngayong kaya na niyang igalaw ang kanyang mga kasukasuan. Nabubuo na rin ang kanyang mga buto kaya’t makikita na ito kapag nagpakuha ka ng X-ray. Gayundin, manipis at translucent pa ang balat ng sanggol kaya’t kitang-kita pa ang kanyang mga ugat. Makararamdam na rin siya ng liwanag kahit na nakasarado pa rin ang kanyang mga mata.
Mga Pagbabago sa Katawan at sa Buhay
Paano Nagbabago ang Aking Katawan?
Sa ika-15 linggo ng pagbubuntis, maaari ka nang magsuot ng mga damit pambuntis. Normal lang na mabawasan o hindi madagdagan ang iyong bigat sa unang trimester. Dulot ito ng pagduduwal at pagkapata o pakiramdam na pagod. Ngunit sa pangalawang trimester, mapapansin mo na ang iyong pagbigat. Inirerekomenda ang pagkakaroon ng dagdag na kalahating libra (pound) o isang libra sa bawat linggo. Dagdag pa, nagsisimula nang lumaki ang iyong suso at utong. Ito ay dahil sa pag-develop ng milk ducts at mammary glands na nakatutulong sa pagpapasuso ng sanggol.
Habang nag-a-adjust ang iyong katawan, maaari ding magpabago-bago ang iyong emosyon. Maaari kang makaramdam ng pagkabalisa o pagkatuwa ngayong nagiging kapansin-pansin na ang mga pagbabago sa iyong sarili. Asahan din ang pagtaas ng iyong libido sapagkat bumabalik na ang iyong lakas. Magtanong muna sa iyong doktor bago makipagtalik upang makatiyak kung ligtas ba para sa iyong gawin ito.
Ano ang mga dapat kong bigyang pansin?
Sa ika-15 linggo ng pagbubuntis, inaasahan na ang kapansin-pansing pagbabago sa timbang. Ang susi rito ay magkaroon ng paunti-unti at tuloy-tuloy na pagbigat. Ang mabilis na pagbigat ay maaaring mauwi sa mga komplikasyon at panganib sa kalusugan. Dapat kang maging malay sa mga sumusunod na sintomas na maaari mong maranasan gaya ng:
1. Heartburn At Indigestion
Ang iyong hormones ang dahilan para ma-relax ang muscular valve sa pagitan ng iyong esophagus at stomach. Ang heartburn ay dulot ng acid reflux. Dagdag pa, umaakyat ang acids dahil lumalaki na ang iyong sinapupunan na umookupa sa espasyo ng iyong tiyan.
Maaari namang dahil sa tumataas na gana sa pagkain kung bakit hindi ka natutunawan. Mas nagugutom ka na ngayong unti-unting tumataas ang iyong energy level. Upang makaiwas sa problemang dulot ng gastrointestinal discomfort, kumain lamang ng tamang dami ng pagkain. Nag-a-adjust pa ang iyong katawan ngayong dalawa na kayong kailangang kumain. Puwede mo ring iwasan ang maaanghang at mamantikang pagkain upang hindi na lalong ma-upset ang iyong tiyan.
2. Pagdurugo Ng Ilong
Ang mga hormone ay maaaring magdulot ng pamamaga sa katawan na magreresulta sa pagdurugo ng ilong. Maaari din itong sanhi ng pagtaas ng daloy ng dugo at sensitibong nasal passages dahil sa nasirang daluyan ng dugo.
3. Namamagang Gilagid
Mas sensitibo ang mga ngipin at gilagid kapag nagbubuntis. Dahil sa dagdag na daloy ng dugo kaya’t namamaga at nagdurugo ang mga gilagid. Regular na magpunta sa dentista upang mabawasan ang panganib ng gum disease. Magsipilyo nang mabuti at ugaliing gumamit ng dental floss.
4. Hyperemesis Gravidarum
Ang mga sintomas gaya ng pagkapagod at morning sickness ay bihira nang mangyari sa ika-15 linggo ng pagbubuntis. Ang iba ay maaaring makaranas ng malalang pagsusuka na nangangailangang dalhin sa ospital. Karaniwang may kasamang dehydration, pagbaba ng timbang, at electrolyte disturbances ang hyperemesis gravidarum. Nagdudulot rin ito ng mga komplikasyon o perinatal outcomes gaya ng premature birth o mababang timbang ng sanggol pagkapanganak ayon sa isang pag-aaral noong 2018.
Pagbisita Sa Doktor
Ano ang dapat kong sabihin sa aking doktor?
Napakahalaga ng mga susunod mong pagbisita sa doktor mula sa ika-15 linggo ng iyong pagbubuntis. Sa maagang yugtong ito, maaari mong itanong sa iyong doktor ang tungkol sa preeclampsia. Nangyayari ang kondisyong ito sa dulo ng ikalawang trimester ngunit maaari ka nang makakita ng mga sintomas nito. Kabilang dito ang high blood pressure at matinding pamamaga ng kamay at mukha. Maaaring irekumenda sa iyo ng doktor ang pag-inom ng mababang doses ng aspirin upang mabawasan ang panganib nito. Bukod pa dyan, kontakin ang iyong doktor kung nakararanas ka ng mga sumusunod. Ito ang mga sintomas ng premature labor:
- Matinding pagsakit ng tiyan at pelvic cramping
- Pagdurugo na lumalabas sa ari
- Madalas na paputol-putol o nahihirapang huminga
- Patuloy na pananakit ng likod
- Pakiramdam na parang sumisikip ang tiyan o may contractions
Ano ang mga test na dapat kong malaman?
Sa simula ng ika-15 linggo ng pagbubuntis, maaari kang kumuha ng mga sumusunod na test. Makatutulong ito upang malaman kung may genetic disorders ang iyong sanggol:
- Multiple Marker Screen (MMS): Tinatawag din itong Triple o Quad Screen Test. Sinusuri ng MMS ang hormones at protinang nasa dugo upang matukoy kung nasa panganib ba ng pagkakaroon ng neural tube defects at iba pang chromosomal abnormalities ang isang sanggol.
- Amniocentesis: Para sa mas tamang diagnosis, mas pinipili ng karamihan sa mga buntis ang amniocentesis. Kadalasan itong ginagawa sa ika-15 hanggang ika-20 linggo ng pagbubuntis. Gamit ang ultrasound, ginagabayan nito ang isang karayom na pinadadaan sa iyong tiyan at sinapupunan papunta sa amniotic fluid. Ang sample ng fluid na ito ay kinukuha upang suriin ang taglay na fetal cells. Mas invasive ang pamamaraang ito kumpara sa MMS ngunit kaya nitong matukoy ang genetic defects at abnormalidad na may 99% kawastuhan.
Hindi sapilitan ang mga test na ito. Kumonsulta sa iyong doktor sa kung ano ang kailangan at akma para sa iyong kondisyon. Tiyak na sasailalim ka sa marami pang diagnostic procedures kung malalamang nasa mataas na panganib ang iyong kondisyon.
[embed-health-tool-due-date]
Kalusugan At Kaligtasan
Ano ang dapat kong malaman tungkol sa pagiging malusog at ligtas habang nagbubuntis?
Bagaman ang pinaka-priority mo ay ang paglaki at pagbabago ng iyong sanggol, hindi mo rin dapat pabayaan ang iyong kalusugan. Magkaugnay ang kalusugan mo at ng iyong sanggol.
Inaasahang tataas ang level ng iyong energy pagsapit ng ika-15 linggo ng pagbubuntis. Ang resulta, mas gaganahan ka na ring kumain. Hindi maiiwasan ang pagtaas ng timbang kapag nagbubuntis. Gayunpaman, kapag hindi na tama, nagdudulot ito ng panganib sa kalusugan na maaaring makaapekto sa paglaki ng iyong sanggol. Narito ang mga paraan upang makontrol ang pagtaas ng timbang habang nagbubuntis:
1. Kontrolin Ang Sarili
Sa madaling salita, huwag kumain nang pandalawang tao. Hindi kailangan ng dagdag na calories kapag hindi kailangan ng iyong sanggol. Ang susi ay kumain ng mga pagkaing nagtataglay ng mga kinakailangang sustansya na nakatutulong sa paglaki ng iyong sanggol. Subukang kumain ng ilang beses sa isang araw ngunit sa tamang dami lamang upang hindi ka masobrahan sa bawat pagkain. Makatutulong din ito upang maiwasan ang heartburn at indigestion (hindi matunawan). Inirerekomenda na kumonsumo lamang ng 300 calories sa isang araw habang nasa unang mga linggo ng pagbubuntis.
2. Protina
Mahalaga ang dagdag na protina sa pagbubuntis. 60 grams ang kailangang protina sa bawat araw. Nakatutulong ito na ma-regulate ang blood sugar at kaya ring makontrol ang iyong gutom dahil nagdudulot ito ng kabusugan sa loob ng mas mahabang oras. Piliin ang lean sources of protein gaya ng beans, tokwa, puti ng itlog, at white meat poultry.
3. Calcium
Tumataas ang pangangailangan sa calcium habang nagbubuntis. Piliin ang skim milk kaysa sa whole milk para sa mas masustansyang alternative. Para sa snacks, piliin ang low fat yoghurt o reduced cheeses. Maganda ring isama sa iyong diet ang mga pagkaing mayaman sa calcium gaya ng almonds, salmon, at broccoli.
4. Hydrate
Bawasan ang pagkonsumo ng calories mula sa sweetened beverages at sa halip ay uminom na lang ng tubig. Kailangan ng mga buntis ng hindi bababa sa walong basong tubig kada araw. Iwasan din ang mga inuming may caffeine gaya ng kape at soda. Mas mainam ang herbal teas gaya ng mint at chamomile. Magdagdag ng citrus fruits at herbes sa iyong tubig bilang dagdag pampalasa.
5. Cravings
Hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng hindi karaniwang pananabik sa pagkain habang nagbubuntis. Gayunpaman, tiyaking nalilimitahan ang pagkonsumo ng asin at asukal. Piliin ang mas ligtas na pagkain gaya ng mani, yogurt, at sariwang prutas. Nakababawas ito sa pagtaas ng level ng sugar, at nakapagpapababa rin ng panganib na magkaroon ng gestational diabetes.
Sa Pilipinas, ang Food and Nutrition Research Institute sa ilalim ng Department of Science and Technology ay nakabuo ng food guide na maaaring sundin ng mga buntis. Kabilang dito ang mga pagkaing dapat kainin at kung gaano karami ang dapat ikonsumo.
Key Takeaways
Mabilis nang lumalaki ang iyong sanggol sa ika-15 linggo ng pagbubuntis. Nagsisimula na rin ang dahan-dahang pagpuwesto ng mga bahagi ng kanyang katawan sa tamang lugar, habang mas nagiging madalas na ang kanyang paggalaw. Kasabay nito, mas mapapansin mo na rin ang paglaki ng iyong tiyan. Asahan mo na ang pagtaas ng iyong timbang.
Magdadala rin ng ilang sintomas ang pagbabago sa hormones gaya ng pagdurugo ng ilong, pamamaga ng gilagid at hirap sa pagtunaw ng kinain. Mahalaga ang pagkain na may tamang nutrisyon at sa kontroladong dami. Mauuwi lamang ang sobrang calories sa mga komplikasyon at panganib sa kalusugan.
Sa pagbisita sa doktor, maaari mo ring alamin kung anong test ang dapat mong kunin upang matukoy kung nasa panganib ng genetic defects ang iyong sanggol. Makatutulong upang maiwasang lumala ang kondisyon kung malalaman ito nang maaga.