Paglaki ng Sanggol
Paano lumalaki ang aking sanggol?
Nasa ika-30 linggo ka na ngayon ng pagbubuntis, at mukhang malapit ka nang manganak any time soon! Sa ika-30 linggo ng pagbubuntis, ang baby mo ay halos kasing laki ng repolyo. Siya ay humigit-kumulang 15.15 pulgada (38.5 cm) ang haba at humigit-kumulang 1.4 kg ang kanyang timbang. Timbang na ramdam mo na ang bigat habang dala dala mo sa lahat ng oras. Malamang sa panahong ito, malaking issue ang hirap sa pagtulog.
Sa ika-30 linggo ng pagbubuntis, ang ilang mga sanggol ay puno na ng buhok ang buong ulo. Tandaan na ito ay maaaring iba-iba. Ang pinong buhok na tumatakip sa kanilang katawan na tinatawag na “lanugo” ay maaaring nawala na nang buo. Pero may mga sanggol na mayroon pa ring kaunting lanugo na natitira sa kanilang mga likod o sa likod ng mga tainga pagkatapos ng kapanganakan.
Sa microscopic level, ang red blood cells ay nagsisimula nang mabuo sa bone marrow ng iyong sanggol.
Bilang karagdagan, magagawa rin ng iyong sanggol na idilat ang mga mata at makilala ang pagkakaiba ng liwanag at dilim.
Pagbabago sa Katawan at Buhay
Paano nagbabago ang aking katawan?
Sa ika-30 linggo ng pagbubuntis, ang iyong tiyan ay malaki na para maging sanhi ng problema sa pagtulog. Panahon din para sa mga ibang tao na bigyan ka ng upuan para sa iyong kaginhawahan. Maaari kang makaramdam ng kaunting strain sa iyong katawan habang ang iyong sanggol ay nag-aayos sa isang posisyon. Ito ay bilang paghahanda para sa kapanganakan.
Ang mga sintomas ng pagbubuntis sa puntong ito ay isa sa mga dahilan kung bakit ang mga buntis ay may posibilidad na makaramdam ng problema sa pagtulog sa ikatlong trimester.
Dahil patuloy sa paglaki ang iyong sanggol at sakop na n’ya ang mas malaking espasyo sa iyong t’yan, may pressure sa iyong pantog, na magdudulot sa iyo na umihi nang mas madalas.
Kung minsan maaari mo ring maranasan na out of breath ka. Dahil ang mga organ sa iyong katawan tulad ng iyong mga baga ay nagsisimula ring magsiksikan.
Maaari ka ring magsimulang makaramdam ng discomfort, na may pananakit ng likod at kalamnan sa ika-30 linggo ng pagbubuntis. Ang discomfort na ito ay dahil sa iba’t ibang ligament na lumalambot bilang paghahanda sa pagsilang ng iyong sanggol.
Isa pang sintomas na dapat mong abangan sa panahong ito ay Restless Leg Syndrome (RLS) at leg cramping. Ang RLS ay maaaring mag-crawl sa iyong paa, claves, o itaas na binti. Maaaring may pakiramdam na parang hindi komportable ang iyong binti kapag hindi ito gumagalaw. Ipinakikita ng ilang pag-aaral na ang RLS ay maaaring maging tanda ng kakulangan sa iron. Kung sa palagay mo na may RLS ka, komunsulta sa iyong health provider. Ito ay para tingnan ang iyong mga option sa mga iron supplements na maaaring magpagaan sa discomfort.
Kung nahihirapan kang makatulog dahil sa mga sintomas na ito, narito ang ilang tip na maaaring makatulong:
- Matulog sa iyong kaliwang bahagi. Ito ay nagpapabuti sa pagdaloy ng dugo sa fetus, matris, at bato. Magiging mas mabuti kaysa sa pagtulog ng nakatihaya sa pwestong ito.
- Ang pagkakaroon ng “pregnancy pillow” ay maaaring makatulong sa iyo na makuha mo ang posisyon na magbibigay sa iyo ng mas mahusay na kalidad ng pagtulog. Ang pinakakomportableng posisyon ay makakatulong na maiwasan ang “paggising sa gabi” o paggising sa kalagitnaan ng gabi.
- Pag-iwas sa mga carbonated na inumin at soda upang maiwasan ang mga cramp ng binti.
- Subukang ituwid ang iyong binti at i-flex ang iyong paa pataas sa tuwing nararamdaman mo ang pag-cramp ng iyong binti. Gawin ito bago matulog dahil maaaring makatulong ito na makaiwas sa cramp ng binti sa gabi.
Iba pang mga sintomas na maaari mong maranasan sa ika-30 linggo ng pagbubuntis at hanggang sa iyong mga huling linggo ng pagbubuntis:
- Mainit na pakiramdam dahil ang iyong fetus ay nagsisimulang magpalabas ng init ng katawan.
- Maaari kang makaranas ng edema, ang pamamaga ng mga limbs na sanhi ng fluid retention.
- Maaari kang makaramdam ng mga pulikat na parang manganganak ka. Ito ay tinatawag na Braxton Hicks contractions at nangyayari kapag ang mga kalamnan ng matris ay nagrelax at nagcontract, naghahanda para sa aktwal na panganganak. Ang pakiramdam ay tulad ng mild menstruation cramps na mawawala at babalik.
Ano ang dapat kong alalahanin?
Ang ilang mga ina ay nahihirapan sa bahaging ito ng kanilang pagbubuntis, dahil struggle sa body image at kasama pa ang physical discomfort dulot ng kanilang pagbubuntis. Ipinakita ng mga pag-aaral na ang mga kababaihan na hindi nasisiyahan sa mga pagbabago sa kanilang mga katawan ay mas malabo na magpasuso sa kanilang mga sanggol. Sa panahon ng iyong pagbubuntis, maaaring napansin mo kung paano ang mga tao ay sinasabi na lang ang anumang gusto nila tungkol sa iyong katawan.
Kaya naman, palaging sumama sa mga taong sumusuporta tulad ng mga kaibigan, pamilya, at iyong partner at subukang tumuon sa mga positibong bagay sa oras na ito.
Pagbisita sa Doktor
Ano ang dapat kong sabihin sa aking doktor?
Sa ika-30 linggo ng pagbubuntis, malamang na hihilingin sa iyo ng iyong doktor na pakiramdaman ang galaw ng baby mo sa loob ng iyong tiyan, at tandaan kung gaano karaming mga sipa ang nararamdaman mo araw-araw. Ito ay maaaring makatulong na matukoy kung gaano karaming paggalaw ang karaniwan o hindi karaniwan para sa iyong sanggol.
Maaari ding suriin ng iyong doktor ang posisyon ng iyong sanggol bilang paghahanda para sa iyong due date. Ang sanggol ay dapat lumipat sa head-first position bago ang 36 na linggong marka para sa iyo na magkaroon ng natural childbirth. Maaari mo ring talakayin sa iyong doktor ang iyong mga option sa oras na ito tungkol sa iyong delivery.
Kalusugan at Kaligtasan
Ano ang dapat kong malaman tungkol sa pagiging malusog at ligtas habang buntis?
Maraming pag aalala at stress ang pwedeng lumitaw sa ika-30 linggo ng pagbubuntis. Kaya may mga ina na gustong malaman ang iba’t ibang aktibidad para matulungan silang mawala ang stress tulad ng meditation at Lamaze classes. Ang paghahanda ng mga bagay para sa panganganak tulad ng silid ng sanggol, ang hospital bag, at kung saang ruta daraan papunta sa ospital ay maaari ding makatulong na mabawasan ang anumang pag aalala.
Ang isang sikat na pregnancy myth sa Pilipinas ay ang pagkain ng mga hilaw na itlog para matiyak ang maayos na panganganak. Gayunpaman, walang siyentipikong ebidensya ang napatunayang makakatulong sa bagay na ito. Ang pagsunod sa payong ito ay maaaring humantong sa mga potensyal na panganib sa kalusugan tulad ng salmonella. Mas mainam na manatili sa pagkain ng mga nilutong itlog.
Ang ika-30 linggo ng pagbubuntis ay isang kapanapanabik na panahon para sa ina at sa buong pamilya. Sa loob lamang ng ilang linggo, ang iyong sanggol, sa wakas ay mahahawakan mo na. Maaaring naranasan mo ang hirap sa huling yugtong ito, tandaan na ang lahat ng ito ay lilipas. Pinakamainam na ilaan ang mahalagang oras sa paghahanda ng iyong sarili para sa panganganak at sa mga linggo pagkatapos ng panganganak.
[embed-health-tool-due-date]