backup og meta

Paano Maiiwasan Ang Singaw? Tandaan Ang Mga Tip Na Ito

Paano Maiiwasan Ang Singaw? Tandaan Ang Mga Tip Na Ito

Ang mouth sores, o singaw ay masakit na sugat sa bibig. Maaari itong nasa labi, dila, panloob na pisngi, gilagid, at ilalim ng bibig. Narito ang mga bagay na dapat mong malaman kung paano maiiwasan ang singaw.

Ano Ang Singaw?

Ang singaw ay nangyayayari kapag ang bahagi ng mucous membrane ay nasira. Ito ay ang malambot na tissue na nakatakip sa loob ng ating bibig ang mucous membrane. Magkakaiba sa laki at hitsura ang mga sugat. Kadalasan, mukhang kulay dilaw o maputlang ulcer ang mga ito na may mapupulang gilid. 

Kahit na ang isang tao ay mayroong isa o ilang singaw sa bibig, ay kanilang bibig ay mukhang normal. Gayunpaman, hindi sila komportable at nakagagambala, lalo na kapag umiinom ka o kumakain.

Ang kagandahan dito: nawawala ang singaw sa loob ng isang linggo o dalawa. Gayunpaman, mas mahalagang malaman kung paano maiiwasan ang singaw.

Ano Ang Mga Sanhi Ng Singaw?

paano maiiwasan ang singaw

Bago tayo magpatuloy kung paano maiiwasan ang singaw, dapat muna natin maunawaan ang mga sanhi nito. Pag-usapan natin ang canker sores at cold sores.

Canker Sores

Ang Canker sores ay karaniwang singaw na ating nararanasan; ito ay maliit at hindi nakahahawa. Ito ay parang maputla o madilaw na ulcer. Sa madaling salita, parang may “butas” sa iyong mucous membrane.

  • Aksidenteng pagkakakagat sa labi, panloob na pisngi, at dila
  • Injury dahil sa hindi maayos na pagsisipilyo o pamamaraan nito
  • Pagkuskos sa mga braces o pustiso
  • Iritasyon sa toothpaste o iba pang produkto para sa pangangalaga ng bibig
  • Reaksyon sa gamot
  • Pagiging sensitibo sa ilang pagkain at inumin
  • Mga paso mula sa pagkaing mainit
  • Hindi magandang pangangalaga ng bibig
  • Kakulangan sa ilang bitamina at mineral, tulad ng zinc, iron, at bitamina B12
  • Stress at kulang sa tulog
  • Reaksyon sa pagkakaroon ng bakterya sa bibig tulad ng Helicobacter pylori. Ang pylori ay kadalasang nagdudulot ng peptic ulcer.

Tandaan na ang ilang kondisyon sa kalusugan ay maaari ding makapag-trigger ng pamumuo ng canker sores. Kabilang na rito ang mahinang immune system at Crohn’s disease, isang inflammatory bowel condition.

Madali mong mauunawaan kung paano maiiwasan ang singaw sa pamamagitan ng pag-alam ng mga sanhi nito. 

Cold Sores

Ang cold sore ay isa ring uri ng singaw. Hindi tulad ng canker sores, ang cold sores ay lubhang nakahahawa dahil ang mga ito ay sanhi ng herpes simplex virus.

Kadalasan, kapag ang tao ay may cold sores, una silang makararamdam ng tila nasusunog o pangingilig sa kanilang bibig. 

Karagdagan pa, ang singaw ay nagsisimula bilang mga blister at pagkatapos ay magiging crust.

Maaaring manatili sa loob ng katawan ang herpes simplex virus sa loob ng mahabang panahon — o mga taon. Lilitaw lamang ito kapag na-trigger ng sumusunod: 

  • Pagkabilad sa araw
  • Stress
  • Mga pagbabago sa antas ng hormone
  • Iba pang kondisyong pangkalusugan, kadalasan kapag may lagnat

Ang pag-alam sa mga sanhi nito ay makatutulong upang malaman kung paano maiiwasan ang singaw.

Mga Home Remedy Para Sa Singaw

Bukod sa alam mo dapat kung paano maiiwasan ang singaw, kailangan mo ring malaman ang mga home remedy nito. Kung sakaling magkaroon ka ng singaw, maaari mong subukan ang sumusunod. 

Para sa canker sores:

  • Magmumog. Naghahanap ka ba ng isang mahusay na paraan upang maiwasan ang paglala ng singaw? Subukang magmumog ng tubig na may asin. Kung ito ay masyadong masakit para sayo, magmumog na lamang ng malamig na tubig.
  • Mag-ingat kapag kumakain. Iwasan ang maiinit na pagkain at inumin. Bukod pa rito, iwasang kumain ng maaalat at maanghang na pagkain, pati na rin ang mga citrus fruit.
  • Uminom ng mga OTC na gamot. Kung ang sakit ay nakagagambala na sa iyong mga ginagawa, maaari kang bumili ng mga over-the-counter na pain reliever. 
  • Gumamit ng mouthwash. Huwag gumamit ng may kasamang alcohol. Kung kayang maghanap ng alcohol-free na mouthwash na may chlorhexidine gluconate, ito ang iyong gamitin.
  • Tandaan ang iyong toothpaste. Subukang maghanap ng toothpaste na walang sodium lauryl sulfate. Ang kemikal na ito ay maaaring makairita.
  • Gumamit ng straw. Kung umiinom ka ng kahit anong malamig na inumin, gumamit ng straw. Makatutulong itong mapigilan na madikit ang inumin sa singaw. 

Para sa cold sores:

  • Protektahan ang iyong labi mula sa araw. Magagawa mo ito sa paglalagay ng lip balm na may sunblock. Maaari ka ring gumamit ng cream na naglalaman ng zinc oxide.
  • Maglagay ng malamit o maligamgam na compress. Ang maligamgam na compress ay makakapagpagaan ng sakit dulot ng singaw at ang malamig na compress naman ay makatutulong sa pagpapagaling nito.
  • Uminom ng OTC na gamot. Tulad ng canker sores, kung masyadong nakagagambala na ang sakit, maaari kang gumamit ng mga mild OTC pain relievers.

Paano Maiiwasan Ang Singaw? Mga Dapat Gawin

Narito ang ilan sa maaaring gawin upang maiwasan ang singaw:

  • Iwasang magkaroon ng sugat sa bibig. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagpili ng malambot na sipilyo at buong ingat na pagsisipilyo. Gayundin, iwasan ang mainit na pagkain at inumin. Isa pa ay ang pagnguya nang dahan-dahan. 
  • Ingatan ang nutrisyon. Maging balanse sa mga kinakain upang masigurong sapat ang bitamina at mineral sa katawan tulad ng bitamina B12, iron, at zinc. Tandaan na ang kakulangan ng mga  ito ay maaaring magdulot ng singaw. 
  • Alamin ang mga pagkaing nakakapag-trigger sayo. Ilan sa mga pagkain ay nagreresulta ng iritasyon sa lining na nasa loob ng iyong bibig, dahilan upang magkaroon ng singaw. Alamin ang mga pagkaing nakakapag-trigger sayo upang magkaroon ng singaw.
  • Bawasan stress. Dahil ang stress ay isa ring trigger, magsanay ng ilang mga diskarte sa pag-re-relax. Bukod pa rito, huwag kalimutang makakuha ng sapat na tulog.
  • Panatilihin ang tamang oral hygiene. Isa pang paraan kung paano maiiwasan ang singaw ay ang pagsisipilyo, dalawang beses sa isang araw at regular na pag-po-floss. Maaalis nito ang mga naiwang pagkain na makakapag-trigger sa singaw. 

Kailan Dapat Kumonsulta Sa Doktor

Ang pag-alam sa kung paano maiiwasan ang singaw ay nakatutulong upag maiwasan ito. Gayunpaman, kailangan mo pa rin malaman kung kailan ka dapat kumonsulta sa doktor. Kung mararanasan mo ang sumusunod, mas maiging kumonsulta na. 

  • Nagkaroon ka ng malalaking canker sores o kung ito ay kumakalat
  • Kapag may panibagong singaw muli kahit hindi pa tuluyang gumagaling ang nauna.
  • Kung nananatili ang singaw sa bibig nang higit sa 3 linggo.
  • Kapag ang singaw ay umaabot na sa labas ng vermillion na hangganan ng iyong labi. Ang vermillion border ay linya sa pagitan ng iyong mga labi at normal na balat ng mukha.
  • Matinding pananakit sa kabila ng mga remedyong ginawa sa bahay
  • Mataas na lagnat, mga pantal sa balat, naglalaway
  • Hirap sa pagkain o pag-inom; o hirap sa paglunok
  • Kapag ang singaw ay kaagad na nabuo pagkatapos magsimulang uminom ng panibagong gamot
  • Kung nakakakita ka ng mga puting bakas sa iyong dila o itaas ng bibig; maaaring ito ay impeksyon
  • Mayroon kang ibang kondisyon sa kalusugan, kung saan ang paglitaw ng singaw sa bibig ay maaaring pahiwatig ng paglala ng nasabing kondisyon.

Ang singaw ay isang pangkaraniwang kondisyon at maganda na maaari tayong magsagawa ng ilang remedyo sa bahay upang mapawi ang sakit at gumaling ito.

Nakadepende sa mga sanhi ng singaw kung ano ang mga dapat gawin dito. Sa pangkalahatan, palaging magdahan-dahan kapag nililinis ang iyong bibig, piliin nang matalino ang mga kinakain at iniinom, at iwasan ang mga produktong hindi makabubuti sa pangangalaga sa iyong bibig.

Matuto pa tungkol sa Iba Pang Isyu sa Oral na Kalusugan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Mouth sores, https://medlineplus.gov/ency/article/003059.htm, Accessed June 18, 2020

Mouth Sores and Inflammation, https://www.merckmanuals.com/home/mouth-and-dental-disorders/symptoms-of-oral-and-dental-disorders/mouth-sores-and-inflammation, Accessed June 18, 2020

Canker Sores, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/10945-canker-sores, Accessed June 18, 2020

Mouth ulcers, https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/mouth-ulcers, Accessed June 18, 2020

Canker sore, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/canker-sore/symptoms-causes/syc-20370615, Accessed June 18, 2020

Cold sore, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cold-sore/diagnosis-treatment/drc-20371023, Accessed June 18, 2020

Mouth ulcer, https://www.nhsinform.scot/illnesses-and-conditions/mouth/mouth-ulcer, Accessed June 18, 2020

Kasalukuyang Version

03/26/2024

Isinulat ni Lorraine Bunag, R.N.

Narebyung medikal ni Grazielle Millo-Paderes, DDM, MSc

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Nagdudugo ang Gilagid: Gingivitis ba ito?

Singaw Sa Bibig, Sintomas Nga Ba Ito Ng STD?


Narebyung medikal ni

Grazielle Millo-Paderes, DDM, MSc

Dentistry · Unihealth-Parañaque Hospital and Medical Center


Isinulat ni Lorraine Bunag, R.N. · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement