Ang pangingilo ay isa sa source ng stress at anxiety ng isang tao dahil nakakasagabal ito sa pag-enjoy nila sa kanilang pagkain. Dagdag pa, may malakas na koneksyon ang mga Pilipino sa pagkain na humahantong pa kung minsan sa paggastos nila ng malaki para lang mapagbigyan ang sariling cravings. Kaya naman hindi na rin nakapagtataka kung isang malaking dental problem ang pangingilo — lalo na sa mga taong mahilig mag-food trip.
Para makatulong sa iyong problema, gumawa kami ng isang maikling listahan ng mga dapat iwasan kapag nangingilo ang isang tao upang mas mapangalagaan mo ang iyong mga ngipin at mas makakain ka ng maayos. Pero bago natin tukuyin ang mga dapat iwasan kapag ikaw ay nangingilo, alamin muna natin ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa pangingilo ng ngipin.
Ano Ang Pangingilo?
Tinatawag rin na “dentinal hypersensitivity” ang pangingilo ng ngipin, at maaaring maganap ang pangingilo kapag umurong ang ating mga gilagid palayo sa’ting ngipin sa gum line, kung saan mas na-e-expose ang dentin layer ng ating ngipin.
Ang dentin natin ay ang mas malambot na layer ng ating ngipin na makikita sa ilalim ng matigas na enamel na surface. Sa madaling sabi, hindi na protektado ang dentin ng enamel na bumabalot sa bahagi ng ating ngipin na nakikita sa’ting bibig. Kapag na-expose o lantad ang dentin, hindi na nabibigyan ng proteksyon ang mga microscopic na butas na tinatawag na “tubule” na patungo sa ugat ng ating ngipin. Kung saan pwedeng magsimula ang sakit ng pangingilo ng ngipin dahil sa malamig, mainit, at acidic na pagkain.
Bakit Nangingilo Ang Ngipin Mo?
Narito ang ilang mga posibleng dahilan kung bakit nangingilo ang ngipin ng isang tao:
- Pagkabulok ng ating mga ngipin
- Pagkakaroon ng pisikal na pinsala ng ating mga ngipin
- Pagkikiskisan ng ating mga ngipin
- Pag-urong ng ating gilagid dahil sa sakit o pananakit sa gilagid
- Madiing pagsisipilyo gamit ang toothbrush na may matalim o talas na bristle
- Sobrang pagkain at pag-inom ng acidic foods
Anu-Ano Ang Dapat Iwasan Kapag Nangingilo?
Narito ang ilang mga tips sa mga dapat mong iwasan kapag nangingilo ang iyong ngipin:
- Iwasan ang magsipilyo ng sobrang diin upang hindi masugatan ang iyong gilagid o masira ang ngipin.
- Pag-iwas sa mga acidic na inumin at pagkain.
- Pagsundot sa ngipin at gilagid gamit ang daliri ng mga kamay o iba pang matutulis na bagay.
- Pagkutkot sa ngipin o gilagid na nangingilo para mapahupa ang pangingilo ng iyong ngipin.
- Pagbunot ng sariling ngipin upang maibsan ang pangingilo.
- Iwasan na malagyan ng karne o anumang pagkain ang mga bahagi sa pagitan ng iyong mga ngipin at gumline.
- Iwasan ang paggamit ng mga toothbrush na masyadong matalim ang bristle.
Kailan Dapat Magpatingin Sa Doktor?
Ugaliin na magpakonsulta sa doktor para sa pagkakaroon ng angkop na dental care. Huwag mo ring kakalimutan na magpa-check up sa oras na maging matindi at tuloy-tuloy ang pananakit ng iyong ngipin sa loob ng matagal na panahon. Mas makakabuti na magkaroon ka ng medikal na payo at diagnosis para malaman mo ang wastong paggamot sa’yong mga problema sa ngipin.
Key Takeaways
Ang pangingilo ay isang senyales ng tooth sensitivity na pwedeng makapagpawala ng iyong gana sa pagkain. Kaya naman ugaliin na panatilihing malinis at malusog ang ating mga ngipin sa pamamagitan ng wastong pagsasagawa ng dental care gaya ng pagsisipilyo. Huwag mo ring kakalimutan na mas magandang magpakonsulta sa doktor kung hindi mo matukoy ang dahilan ng pagsakit ng iyong ngipin para maiwasan ang anumang komplikasyon at maling paggamot.
Maraming paraan upang maiwasan ang pangingilo ng ngipin kaya hindi ka dapat mag-panic agad kung makakaranas ka ng pangingilo. Pero sa oras na naging madalas ito at naging sagabal sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay, magpakonsulta ka na agad sa doktor o dentista.
Matuto pa tungkol sa Oral na Kalusugan dito.