backup og meta

Sanhi Ng Food Poisoning: Heto Ang Mga Dapat Mong Malaman

Sanhi Ng Food Poisoning: Heto Ang Mga Dapat Mong Malaman

Maraming pwedeng maging sanhi ng food poisoning. Ito ay isang kondisyon na dulot ng pagkonsumo ng pagkain na kontaminado ng bacteria, mikrobyo, virus, at mga parasites. Karamihan sa mga sanhi ng food poisoning ay ang dalawang bacteria na ito– salmonella at E. coli. Maaari itong mangyari sa sinuman. Kung kaya ang kaalaman tungkol sa mga sanhi, sintomas, at mga remedyo ng pagkalason sa pagkain ay mahalaga upang matugunan ito kaagad.

Karamihan sa mga kaso ng pagkalason sa pagkain ay kinabibilangan ng mga sanggol, bata, at mga taong umiinom ng mga gamot. Ito ay dahil mas madali sila malason sa pagkain. Importanteng matutunan ang mga paraan upang maiwasan at magamot ang kundisyong ito, dahil ang ilang mga kaso ng pagkalason sa pagkain ay maaaring nakamamatay. Alamin ang tungkol sa mga sanhi, sintomas, at remedyo ng pagkalason sa pagkain sa artikulong ito.

Food Poisoning: Sanhi, Sintomas, at Remedyo

Ang mga sumusunod ay maaaring maging sanhi ng food poisoning: 

Biological Hazards

Ang panganib na ito ay maaaring idulot ng bacteria, mikrobyo, at parasites gaya ng salmonella at E. coli. Ang biological hazards ay pwedeng sanhi ng maling paghawak ng pagkain. Halimbawa ay ang pag-iimbak ng pagkain nang masyadong matagal, o sa maling temperatura. Ito ang itinuturing na pinaka pangkaraniwang banta sa kaligtasan ng pagkain.

Chemical Hazards

Kabilang dito ang mga lason at mga kontaminadong kemikal. Ang ilang mga pagkain ay may likas na lason, tulad ng ilang mga kabute at shellfish. Sa kasamaang palad, ang mga pampalasa at panlinis ng pagkain ay maaari ding maging mapanganib para sa ibang tao kung hindi ginagamit nang maayos. Ang mga allergen sa pagkain ay itinuturing din na mga chemical hazards.

Physical Hazards

Ang mga shavings mula sa mga lata, plastik, o basag na bote na maaaring maihalo sa pagkain ay mga halimbawa ng mga bagay na nagdudulot ng pisikal na panganib.

Sintomas

Ang mga sintomas ng sakit na sanhi ng food poisoning ay maaaring maging banayad o malubha. Ito ay depende rin sa bacteria na nasa isang pagkain. Gayunpaman, ang pinaka karaniwang sintomas ay kinabibilangan ng pananakit ng tiyan, lagnat, sakit ng ulo, pagduduwal, malubhang panghihina, at pagtatae na maaaring matubig, o may dugo kung minsan.

Food Poisoning: Sanhi, Sintomas, at Remedyo

Mga Uri ng Pagkalason sa Pagkain

Maraming uri ang pagkalason sa pagkain subalit ito ang mga pangkaraniwang sakit sanhi ng pagkain. Ang sumusunod ay maaaring makuha sa pathogens.

E. coli

Ito ay bacteria na kadalasang sanhi ng food poisoning. Hindi man nakakapinsala ang E.coli, pwede rin itong mauwi sa seryosong komplikasyon gaya ng madugo na pagtatae, pagkasira ng kidney, at kamatayan.

Salmonella

Sa Estados Unidos, ang bacterium na ito ay nagdudulot ng tinatayang 1.2 milyong sakit. Umaabot sa halos 450  ang namamatay dahil dito bawat taon. Maaaring magkaroon ng salmonella ang anumang pagkain. Kabilang dito ang karne, itlog, keso, at hilaw na pagkain. Gayunpaman, ang salmonella ay madaling mamatay sa pamamagitan ng pagluluto at pasteurization. Maaari ring kumalat ang salmonella sa mga alagang hayop sa pamamagitan ng kanilang pagkain.

Norovirus

Ang virus na ito, na sanhi ng food poisoning ay karaniwan sa mga pagkaing nabibili sa restawran. Kaya nitong mabuhay sa parehong mainit at nagyeyelong temperatura. Ang virus na ito ay maaaring makuha direkta sa ibang tao o sa pamamagitan ng mga pinagsasaluhang kagamitan o pagkain.

Clostridium Perfringens

Nagdudulot ito ng tinatayang isang milyong sakit bawat taon. Tulad ng Salmonella, ang Clostridium perfringens ay maaaring mamatay sa pamamagitan ng pagluluto ng pagkain. Gayunpaman, ang bacteria ay maaaring lumago pa rin kung hindi sapat ang temperatura na ginamit sa pagluluto ng pagkain.

Campylobacter

Ang mga sakit na dulot ng campylobacter ay umaabot sa 1.3 milyon sa isang taon. Ang pagkain ng mga hilaw na pagkain, hindi na process na maayos na gatas, at di gaanong luto na manok ay ang mga karaniwang sanhi ng pagkakaroon ng campylobacter.

Listeria

Ang Listeria ay isang uri ng bacteria na matatagpuan sa lupa, tubig, at hayop. Ito ay isang nakamamatay na pathogen na sanhi ng pagkamatay ng higit sa 250 na tao sa isang taon. Nabubuhay din ito sa malamig na temperatura. Maaari itong matanggal sa pamamagitan ng pagluluto at pasteurization ng pagkain.

Food Poisoning: Sanhi, Sintomas, at Remedyo

Paano Maiiwasan ang Pagkalason sa Pagkain

Narito ang iba’t-ibang paraan upang maiwasan ang mga sakit na sanhi ng food poisoning:

E. Coli

Kapag kumakain kasama ang ibang tao, iwasang magbahagi ng mga kagamitan at pagkain. Mahalaga rin na ugaliin ang wastong kalinisan, tulad ng wastong paghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain.

Salmonella

Iwasang kumain ng hilaw na itlog, kulang sa luto na karne ng baka o manok, at hindi pasteurized na gatas. Gumamit ng hiwalay na lalagyan, kagamitan, at hiwalay na imbakan sa refrigerator para sa mga karne at ibang pagkain. Hugasan ang iyong mga kamay gamit ang maligamgam na tubig at sabon bago at pagkatapos maghanda ng pagkain.

Norovirus

Maghugas ng kamay ng hindi bababa sa 20 segundo bago at pagkatapos maghanda ng pagkain. Siguraduhin na ang kagamitang ginagamit sa pagluluto ay na-disinfect nang maayos bago at pagkatapos gamitin. Lutuin ng lubusan ang pagkain, lalo na ang pagkain na naglalaman ng mga talaba at shellfish.

Clostridium Perfringens

Lutuin ng mabuti ang pagkain. Agad itong ihain matapos maluto. Ang pagkain ay dapat na kainin sa loob ng dalawang oras matapos itong maluto. Kapad hindi naubos, ang mga natirang pagkain ay dapat maisalin sa ibang lalagyan at mailagay kaagad sa refrigerator.

Campylobacter and Listeria

Iwasan ang pagkain ng masyadong maraming dairy products. Banlawan nang mabuti ang mga hilaw na pagkain bago ito lutuin. Gumamit ng hiwalay na kagamitan sa pagluluto para sa mga karne, sariwang prutas at gulay. Sa pag-iimbak ng pagkain, paghiwalayin ang mga lalagyan para sa hilaw na pagkain at sa mga handa nang kainin. Iwasan ang pag-inom ng tubig mula sa mga ilog at lawa upang maiwasan ang campylobacter. 

Paggamot

Pagpalit sa nawalang fluids

Ang pagtatae ay isa sa mga sintomas ng pagkalason sa pagkain. Mahalaga ang pagpapanatili ng mga likido at mineral, tulad ng sodium, potassium, at calcium, sa katawan ay mahalaga. Ang mga matatanda at bata na may patuloy na pagtatae ay ginagamot sa pamamagitan ng mga intravenous fluid upang matugunan ang dehydration.

Antibiotics

Ang mga malubhang sintomas ay maaaring gamutin sa pamamagitan ng antibiotics. Makakatulong din ito na maiwasan ang pagpasa ng impeksyon sa isang sanggol sa panahon ng pagbubuntis.

Key Takeaways

Ang kontaminadong pagkain o inumin ay maaaring maging sanhi ng food poisoning. Ang pinaka karaniwang sanhi ng mga sakit at impeksyong dala ng pagkain ay bacteria, gaya ng salmonella at E. coli. Gayunpaman, maiiwasan ang mga ito sa pamamagitan ng wastong kalinisan, pagluluto, at mga pamamaraan sa pag-iimbak. Mahalagang talakayin ang mga sanhi, sintomas, at mga remedyo ng pagkalason sa pagkain upang mapalaganap ang kamalayan.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

6 Common Foodborne Illnesses & How to Prevent Them, https://www.hawaiipacifichealth.org/healthier-hawaii/safety-corner/6-common-foodborne-illnesses-how-to-prevent-them/

Accessed January 30, 2021

 

Food Poisoning, https://medlineplus.gov/ency/article/001652.htm

Accessed January 30, 2021

 

Food Poisoning, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/food-poisoning/diagnosis-treatment/drc-20356236

Accessed January 30, 2021

 

Food Poisoning Symptoms, https://www.cdc.gov/foodsafety/symptoms.html

Accessed January 30, 2021

 

Causes and Prevention of Foodborne Illness, https://web.uri.edu/foodsafety/cause-and-prevention-of-foodborne-illness/

Accessed January 30, 2021

Kasalukuyang Version

06/20/2023

Isinulat ni Lovely Carillo

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

Gaano Katagal Bago Tamaan Ng Food Poisoning?

Food Poisoning? Mga Sintomas At Paggamot Sa E. Coli


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Lovely Carillo · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement