backup og meta

Resistensya Ng Mga Babae Laban Sa COVID-19, Mas Mataas Nga Ba?

Resistensya Ng Mga Babae Laban Sa COVID-19, Mas Mataas Nga Ba?

Mas naaapektuhan nga ba ng COVID-19 ang mga kalalakihan kaysa mga kababaihan? Naniniwala ang mga eksperto na ang ating kasarian ay kahit papaano, may kaugnayan sa kung tayo ay magkakaroon nga ba o hindi ng mga hindi gaanong malubha o matinding sintomas ng COVID-19. Totoo bang mas malakas ang resistensya ng babae sa COVID-19?

Mas Mataas Nga Ba Ang Resistensya Ng Babae Sa COVID-19?

Noong kasagsagan ng pandemya, marahil ay minsan mo nang narinig na ang tungkol sa posibilidad na mas mataas ang resistensya ng babae sa COVID-19 kaysa sa lalaki. At maaaring nalilito ka sa kahulugan nito.

Una, hindi nito ibig sabihin na mas mababa ang tyansang mahawa ng virus ang mga kababaihan kaysa mga kalalakihan. Ito ay mas katulad ng ideyang ang mga kababaihan ay may mas mababang tyansa na magkaroon ng malulubhang sintomas ng COVID-19. Ngunit saan nanggaling ang ideyang ito?

Nagmula ito sa isang case report na ipinasa ng maraming bansa. Halimbawa, sinabi ng World Health Organization (WHO) noong Pebrero 2020 na sa China, ang death rate ng mga pasyenteng positibo sa COVID ay 2.8 sa mga kababaihan at 4.7 sa mga kalalakihan.

Ang ibang mga bansa ay nagpasa rin ng mga ulat na may katulad na resulta:

  • Sa ulat ng Italy noong Abril 2020, nakasaad na sa mahigit 21, 500 na mga namatay, 64% ay mga kalalakihan.
  • Halos may katulad na bilang ang Spain. Sa kabuoang bilang na 12, 600 na mga namatay sa COVID, 59% ay mga kalalakihan.
  • Sinabi rin ng Germany na ang 58% ng kanilang kabuoang death rate (4, 598) ay nangyari sa mga kalalakihan.
  • Sa ulat naman ng New York, 60% ng mga namatay dahil sa COVID (15, 302) ay mga kalalakihan.

Ang mga nakabibiglang bilang na ito na kinakitaan ng pagkakaiba ng mga kalalakihan at mga kababaihan ay naging dahilan upang alamin ng mga siyentista ang posibleng dahilan nito.

Mga Posibleng Dahilan Ng Pagkakaroon Ng Mas Mataas Na Resistensya Ng Babae Sa COVID-19

Sa ngayon, hindi pa rin natutuklasan ng larangan ng medisina ang tiyak na dahilan kung bakit tila mas maramihang kalalakihan ang apektado ng COVID-19 kaya sa mga kababaihan.

Subalit, ang mga mananaliksik ay may ilang mga siyentipikong espekulasyon na ito ay dahil sa mas malakas na immune response ng mga kababaihan.

Alamin natin ang pinagmulan ng mga pagkakaiba:

1. May Pagkakaiba Sa Innate At Adaptive Immune Responses

Bakit mas naaapektuhan ng COVID-19 ang mga kalalakihan kaysa mga kababaihan? Maaring ito ay may kaugnayan sa innate at adaptive immune response ng mga kababaihan. Alamin natin ang pagkakaiba ng dalawang ito:

  • Ang innate immune response ay ang mga “first responders” ng katawan. Agad silang kumilkilos o sa loob lamang ng ilang oras ng impeksyon. Natutukoy nila na may virus o bakterya sa katawan at “inaatake” nila ito upang masigurado ang kaligtasan. Tandaan na hindi ito non-specific immunity. Ibig sabihin, hindi nila talaga alam ang virus o bakterya, ngunit nalalaman nilang “foreign” ito at dapat patayin.
  • Ang adaptive immune response ay mas nahuhuli kaysa sa innate response, subalit pareho silang mahalaga. Hindi tulad ng first responders, kabilang ang antibodies sa ating adaptive immunity. Ang antibodies ay mga espesyal na protina na nag-neutralize sa mga tiyak na pathogens.

2. Tila Ang Mga Kababaihan Ay May “Mas Magandang” Innate Response

Isa sa mga bumubuo ng ating innate immune response ay ang toll-like receptor 7. Ito ay nakatutulong upang mabilis na matukoy ang virus o bakterya sa katawan. Tandaan, kung mas mabilis ang pagtukoy sa mga ito, mas mabilis ang response.

Ang mga kababaihan ay marahil may mas maraming toll-like receptor 7 dahil ang gene na para sa receptor na ito ay makikita sa X chromosome. Tulad ng ating nalalaman, ang mga kababaihan ay may dalawang X chromosomes habang ang mga kalalakihan ay may isa lamang.

3. Maaaring Ang Mga Kababaihan Ay May Mas Maraming Interferons Kaysa Sa Mga Kalalakihan

Matapos matukoy ang pathogen na nagiging sanhi ng sakit, ang ating immune system ay higit na gagawa ng respond. Isa sa mga responses na ito ay ang activation ng interferons.

Lubhang akmang tawagin itong interferons dahil nag-“interfere” ito sa reproduksyon ng virus. Ang mga ito ay protina na nag-“instruct” sa ibang immune responses.

Sinasabi sa ilang mga pag-aaral na ang mga kababaihan ay tila lumilikha ng mas maraming interferons kaysa sa mga kalalakihan. Isa sa mga posibleng dahilan nito ay dahil ang hormone na estrogen ay nagpapasigla sa produksyon ng mga protinang ito.

4. Ang Mga Kababaihan Ay Tila May Mas Magandang Adaptive Immunity

Ayon sa mga eksperto, ang mga kababaihan ay tila lumilikha ng mas maraming antibodies laban sa Influenza A virus kaysa sa mga kalalakihan. Dagdag pa, ang antibodies na nililikha ng mga kababaihan ay mas “epektibo” kung ang pag-uusapan ay ang kakayahan nitong ikabit ang sarili sa virus. Ang mga ito ay ang uri ng antibodies na nagpapatigil sa virus na kumalat sa cells.

Bagama’t ang mga ito ay mga posibleng dahilan kung bakit mas mataas ang resistensya ng babae sa COVID-19 kaysa sa mga kalalakihan, sumang-ayon din ang mga eksperto na ang mga pag-aaral sa likod ng mga ito ay hindi kaugnay ng novel coronavirus. Sa halip, ang mga ito ay tungkol sa ibang mga virus.

5. Iba Pang Mga Kadahilanan Kung Bakit Mas Mataas Ang Resistensya Ng Babae Sa COVID-19

Mas naaapektuhan nga ba ng COVID-19 ang mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan? Siguro, dahil bukod sa tila mas magandang immune response, mayroon ding iba pang mga kadahilanan na dapat isaalang-alang tungkol sa “disadvantaged” immunity ng mga kalalakihan.

Ipinaliwanag ng mga eksperto na sa kabuoan, ang mga kalalakihan ay may mga sumusunod na disadvantage:

  • Mas naninigarilyo ang mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan. Dahil ang mga naninigarilyo ay may mataas na tyansa ng pagkakaroon ng mga komplikasyon sa puso at baga, ang paggaling mula sa COVID-19 ay maaaring maging mas mahirap.
  • Sila ay mas hindi nagsusuot ng masks, dahilan upang sila ay mas madaling mahawa ng sakit. Dagdag pa, tila mas maingat ang mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan pagdating sa usapin ng pananatili ng kalinisan. Halimbawa, natuklasan ng isang pag-aaral na “ang mga kalalakihan ay hindi madalas na naghuhugas ng kanilang kamay.”
  • Mas maraming mga kalalakihan ang obese kaysa sa mga kababaihan. Bagama’t kailangan pa ng mas maraming pag-aaral upang makupirma ang kaugnayang ito, tila ang labis na katabaan ay may kaugnayan sa kalubhaan ng COVID-19 sa ilang mga pasyente.
  • At huli, ang mga kalalakihan ay “may mas mataas na antas” ng cardiovascular diseases at diabetes — mga kondisyong dahilan upang magkaroon ng mas mataas na tyansa na makaranas ng mga malulubhang karamdaman.

Key Takeaways

Marami pa ring mga bagay na hindi natin nauunawaan tungkol sa kaibahan ng epekto ng coronavirus sa mga kalalakihan at kababaihan. Mas mataas nga ba ang resistensya ng babae sa COVID-19? Tila ito ang nagiging resulta ng mga pananaliksik.
Gayunpaman, upang manatiling ligtas, laging tandaan na ang lahat ay maaaring magkaroon ng COVID-19 sa iba’t ibang lebel. Dahil dito, dapat sundin ng lahat ang safety protocols upang bumaba at kalaunan ay, huminto na ang pagkalat ng virus.

Matuto pa tungkol sa COVID-19 dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Considering how biological sex impacts immune responses and COVID-19 outcomes, https://www.nature.com/articles/s41577-020-0348-8, Accessed August 28, 2020

Are men suffering more from COVID-19 than women? https://www.topdoctors.co.uk/medical-articles/why-does-coronavirus-kill-more-men-than-women, Accessed August 28, 2020

Introduction to Immunology Tutorial, http://www.biology.arizona.edu/immunology/tutorials/immunology/page3.html,
Accessed August 28, 2020

Sex Differences in COVID-19 Offer a Major Clue, https://medicine.yale.edu/news-article/25385/, Accessed August 28, 2020

COVID-19 kills more men than women. The immune system may be why, https://www.sciencenews.org/article/coronavirus-covid-19-kills-more-men-than-women-why-immune-system, Accessed August 28, 2020

The relationship of COVID-19 severity with cardiovascular disease and its traditional risk factors: A systematic review and meta-analysis, https://www.medrxiv.org/content/10.1101/2020.04.05.20054155v1.full.pdf, Accessed August 28, 2020

Kasalukuyang Version

08/31/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Ika Villanueva Caperonce, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Maaari Bang Makuha ang COVID-19 mula sa Sasakyan?

Puwede Bang Mahawa Sa COVID-19 Galing Sa Dumi Ng Tao?


Narebyung medikal ni

Ika Villanueva Caperonce, MD

Infectious Disease · Makati Medical Center


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement