Sa anumang medikal na sitwasyon, ang pag-iwas ay mas mainam kaysa sa pagpapagaling. Ito ay totoo lalo na sa kaso ng pandemya ng COVID-19. Mahalagang malaman kung paano kumakalat ang coronavirus, ang mga risk factor nito, at kung paano mo mapipigilan ang sakit na coronavirus mula sa pinsala na maaaring maidulot nito sa iyo at sa iyong pamilya. Narito kung paano makaiwas sa COVID-19.
Ang COVID-19 At Ang Epekto Nito Sa Katawan
Bago natin talakayin ang mga paraan paano makaiwas sa COVID-19, mahalagang maunawaan ang epektong dulot ng naturang sakit.
Ang COVID-19, ang virus na dating kilala bilang novel coronavirus, ay umaatake sa respiratory system.
Maaaring iba’t iba ang epekto nito sa bawat tao, ngunit ang mga nakatatanda ay mas mahina dahil sa mahinang immune system at kalusugan. Ang ilang mga pasyente ay walang mga sintomas (asymptomatic), habang ang iba ay kailangang harapin ang mas malubhang komplikasyon dahil sa mga dati nang kondisyong medikal at iba pang mga panganib sa immune system na nagpapalala sa mga sintomas ng COVID-19.
Pagdating sa pagsugpo sa pagkalat ng impeksyon, ang mga komunidad, pamilya, at indibidwal ay dapat maging mapagbantay at gawin ang mga kinakailangang hakbang sa kung paano makaiwas sa COVID-19. Ang pagbabawas ng transmission sa bawat sambahayan ay nakatutulong sa pagligtas ng hindi lang isa kundi maraming mga buhay.
Paano Makaiwas Sa COVID-19: Tandaan Ang Mga Tips Na Ito
Iminumungkaahi ng World Health Organization (WHO) ang ilang mga paraan paano makaiwas sa COVID-19 at maprotektahan ang mga tao mula sa posibleng impeksyon. Kadalasan, ang mga hakbang sa pag-iwas na ito ay madali, simple, at napaka-epektibo.
Paano Makaiwas Sa COVID-19 Tip #1: Magsuot Ng Face Mask
Maayos na suotin ang face mask at mahigpit na takpan ang iyong ilong at bibig. Makatutulong ito sa paghuli ng mga respiratory droplets. Dapat na maisuot ito nang maayos upang ito ay makapagbigay ng angkop na proteksyon.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, maaari mo ring gamitin ang maayos na natahing tela face covers kung walang mga face masks.
Ang mga face cloth masks na ito ay reusable at maaaring mai-sterilize sa pamamagitan ng paggamit ng isang malakas na detergent sa isang washing machine. Samantala, ang mga surgical masks ay mainam din, dahil ang mga ito ay ginawa gamit ang ilang mga layer ng mga filter, na nagbibigay ng karagdagang proteksyon, at madali mong itapon ang mga ito pagkatapos gamitin.
Tip #2: Ugaliin Ang Good Respiratory Hygiene
Umubo at bumahing sa baluktot ng iyong siko. Ang isang tao ay dapat umubo o bumahing sa isang tissue at agad itong itapon pagkatapos. Gayunpaman, kung wala kang mask o tisyu, ipinapayo na bumahing ka sa baluktot ng iyong braso. Ito ay mas ligtas at nakatutulong paano makaiwas sa COVID-19.
Tip #3: Panatilihin Ang Safe Social Distancing
Pagdating sa kung paano makaiwas sa COVID-19, ang pag-iwas sa mga tao ay isa pa rin sa pinakamagandang paraan.
Upang masagawa ang social distancing, panatilihin ang distansya sa ibang tao ng hindi bababa sa isang metro ang layo (tulad ng inirerekomenda ng WHO). Ito ay isang preventive measure na nagpoprotekta sa iyo at sa iba pa mula sa impeksyon ng respiratory droplets na maaaring magtaglay ng naturang virus. Sa mga bansang tulad ng Singapore, gumamit sila ng simpleng tape upang markahan ang distansya na kailangang panatilihin ng mga tao sa isa’t isa sa publiko.
Tip #4: Iwasan Ang Mga Matataong Lugar
Ayon sa isang obserbasyon mula sa John Hopkins University at ground reports mula sa COVID-19 dashboard na CoronaTracker, ang virus ay nagmula sa Wuhan, ngunit mabilis na kumalat sa ibang mga bansa tulad ng USA at Italy.
Kung ang isang partikular na lugar ay nag-ulat ng mga kaso ng coronavirus, maging maingat at iwasan ang paglalakbay sa mga potensyal na hub na ito. Inirerekomenda na manatili ka sa bahay, maliban kung kinakailangan talagang lumabas. Kung hindi maiiwasan ang paglabas, ugaliin ang social distancing at iwasan ang maraming tao.
Tip #5: Regular Na Hugasan Ang Kamay
Dahil ang coronavirus ay lubhang nakahahawa, mahalagang maghugas ng kamay nang madalas. Inirerekomenda na lubusan mong kuskusin at linisin ang iyong mga kamay sa loob ng 20 segundo. Ang rubbing motion at paggamit ng sabon ay sumisira sa istrukturang anyo ng COVID-19.
Palaging maghugas ng kamay:
- Pagkatapos humawak ng pera
- Kapag aalis
- Habang at pagkatapos maghanda ng pagkain
- Bago at pagkatapos magsuot ng guwantes
- Pagkatapos bumahing o umubo
- Bago at pagkatapos gumamit ng banyo
- Pagkatapos ng anumang anyo ng kontaminasyon sa kamay
- Bago at pagkatapos kumain
- Pagkatapos ng anumang paglilinis na aktibidad
- Pagkatapos humawak ng maruruming bagay tulad ng basura, barya, at papel na pera
Tandaan:
Ang virus ay pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng bibig, ilong, at mata. Kung ang kamay ng isang tao ay nahawahan ng virus, madalas itong lumilipat kapag hinawakan ng tao ang kanilang mukha.
Tip #6: Palakasin Ang Immune System
Sa huli, kung ang iyong immune system ay sapat na malakas, maaari nitong harapin ang mga viral infection. Bawasan ang panganib at buuin ang iyong mga panlaban. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa mga bitamina at antioxidants.
Dahil pangunahing inaatake ng coronavirus ang respiratory system, makatutulong din ang pagkakaroon ng malakas na baga. Kung kaya, inirerekomenda ang mga cardio exercises.
Tip #7: Magpabakuna
Ang pagpapabakuna ay talaga nga namang isa sa mga pinakamahusay na paraan paano makaiwas sa COVID-19, lalo na sa mga bagong variant na umuusbong. Ang mga bakuna, anuman ang uri, ay gumagana upang mabisang sanayin ang katawan upang labanan ang impeksyon. Makatutulong din ito na maiwasan ang malubhang COVID-19 at kamatayan na nagreresulta mula sa naturang impeksyon.
Key Takeaways
Ang pag-alam kung paano makaiwas sa COVID-19 sa iyong tahanan ay lubos na inirerekomenda upang maprotektahan ang iyong sarili at ang iyong mga mahal sa buhay. Ang mga simple, madaling gawin, at praktikal na mga tips na ito ay epektibong pumipigil sa pagkalat ng sakit.
Kung nakararanas ka ng anumang lumalalang sintomas tulad ng lagnat, namamagang lalamunan, tuyong ubo, at hirap sa paghinga, at naghihinala na ikaw ay may COVID-19, humingi ng medikal na tulong.
Alamin ang iba pa tungkol sa Nakahahawang Sakit dito.