Ang rhinoplasty ay kilala sa tawag na “nose job,” ang operasyon ng ilong na ginagawa upang baguhin ang hugis o upang mapabuti ang function nito sa paghinga. Isa ito sa pinakakaraniwang uri ng plastic surgery. Ang operasyon ay ginagawa para sa medical at cosmetic purposes. Alamin pa dito kung paano ginagawa ang rhinoplasty.
Para sa procedure, isasaalang-alang ng iyong doktor ang facial features mo, uri ng balat, at iba pang importanteng mga bagay.
Para saan ang Rhinoplasty?
Kasama sa mga layuning medikal ang pagbabago sa pagkakabuo ng ilong, o pagwawasto ng depekto na dulot ng trauma o mga depekto sa panganganak, o upang mapabuti ang paggana sa paghinga. Para sa mga layuning kosmetiko, ang operasyon ay ginagawa upang baguhin ang hugis at hitsura ng ilong.
Maaaring gawin ng Rhinoplasty ang mga nabanggit na pagbabago sa iyong ilong:
- Sukat
- Hugis
- Pag-align
- Gawing makitid ang mga butas ng ilong
Paano ginagawa ang rhinoplasty? Kung magpapagawa ng rhinoplasty para sa medical purpose, maaari itong gawin sa murang edad. Gayumpaman, kung nagpaplano kang magpa-opera para sa cosmetic purposes, ipinapayo na gawin lamang ito kapag ang iyong buto sa ilong ay ganap nang lumaki. Ang mga babaeng higit sa 15 years old ay maaari na para sa surgery. Para sa mga lalaki, mas matagal bago lumaki ang buto ng ilong.
Ano ang mga Panganib ng Rhinoplasty?
Bago gawin ang operasyon, ipapaalam sa iyo ng iyong surgeon ang tungkol sa mga posibleng komplikasyon na kasangkot sa operasyon. Maaari ka ring hilingin na lumagda sa consent form na nagsasaad na lubos mong nalalaman ang mga posibleng panganib at komplikasyon ng rhinoplasty.
Mga panganib ng rhinoplasty:
- Pagdurugo
- Impeksyon
- Hirap sa paghinga
- Mga peklat
- Pamamanhid
- Asymmetrical na ilong
Kung hindi ka masaya sa resulta ng rhinoplasty, maaaring hihilingin ng iyong doktor na maghintay ka ng kahit isang taon para sa ganap na paggaling.
Paano Ginagawa ang Rhinoplasty?
Pagsusuri ng Doktor. Komunsulta sa iyong doktor tungkol sa lahat ng benepisyo at posibleng mga komplikasyon ng rhinoplasty. Susuriin ng iyong doktor ang medical history mo.
Ipaalam sa iyong doktor ang tungkol sa kasalukuyan mong medications, medical treatments, o allergies. Huwag kalimutang sabihin sa iyong doktor kung may anumang bleeding disorder. Kung plano mong magpaopera para sa cosmetic purpose, talakayin sa iyong doktor ang mga inaasahan mo.
Physical exam. Magsasagawa ang doktor ng pisikal na pagsusuri, kasama rin ang blood test at ilang lab tests. Masusing susuriin ng doktor ang iyong ilong at balat para malaman kung posible ang gusto mong pagbabago. Dagdag pa rito magkakaroon ng photography session ng ilong mo mula sa iba’t ibang anggulo para sa assessment.
Maaaring hilingin sa iyo ng iyong doktor na iwasan ang pagkonsumo ng ilang mga gamot nang hindi bababa sa dalawang linggo bago ang nose job. Kasama sa listahan ng mga gamot ang mga nagpapababa sa bilis ng blood-clotting process.
Iwasan ang paninigarilyo. Ang nikotina na nasa sigarilyo ay nagpapaliit ng iyong blood vessels at kasunod nito ay binabawasan ang supply ng oxygen at dugo upang pagalingin ang mga tissue pagkatapos ng operasyon.
Ano ang Mangyayari sa Oras ng Rhinoplasty?
Sa araw ng rhinoplasty, magsasagawa ang doktor mo ng pisikal na pagsusuri sa iyong ilong. Bibigyan ka ng anesthesia upang mamanhid ang iyong mukha. Bukod pa rito, may ilang mga gamot na ituturok sa iyong katawan sa pamamagitan ng IV line na magpapawala ng iyong malay.
Kapag wala ka ng malay, gagawin ng doktor ang kinakailangang hiwa at ihihiwalay ang iyong balat sa iyong buto. Kung kinakailangan ang karagdagang cartilage, maaaring alisin ng iyong doktor ang cartilage mula sa iyong tainga o ilong at gamitin ito. Ang doktor ay maaari ring piliin ang bone graft.
Ang operasyon ay tatagal ng humigit-kumulang dalawang oras upang makumpleto. Sa mga komplikadong kaso, maaaring tumagal ito ng mas mahabang panahon.
Ano ang Recovery Period ng Rhinoplasty?
Maaaring banayad hanggang katamtaman ang maramdamang discomfort. Ang pananakit o discomfort ay maaaring makontrol sa tulong ng mga gamot. Ang paggaling ay mula ilang buwan haggang isang taon. Relatively safe ang operasyon ngunit ang bahagi sa paligid ng operasyon ay maaaring manatiling manhid sa loob ng ilang buwan.
Pangangalaga sa Rhinoplasty Pagkatapos ng Operasyon
Pagkatapos ng rhinoplasty, oobserbahan ka sa loob ng ilang oras. Kung komplikado ang procedure ng nose job mo, maaaring hilingin na manatili ka sa hospital ng ilang araw.
Pagkatapos ng operasyon magkakaroon ka ng ilang tahi. Kung ang mga tahi ay absorbable, matutunaw ang mga ito nang kusa. Kung hindi naman, kailangan mong bumalik sa hospital para sa pagtatanggal ng tahi.
Ang anesthesia na ibinigay sa panahon ng operasyon ay maaaring magdulot ng memory lapses o makaramdam ka ng pagkahilo nang ilang sandali. Hilingin sa iyong mga kaibigan o mahal sa buhay na samahan ka o ihatid ka pauwi.
Maglalagay ang doktor ng drip pad sa ibaba ng iyong ilong upang sumipsip ng dugo at mucus. Kailangan mong palitan ang drip pad.
Kailangan mong magsuot ng splints sa loob ng 2 linggo upang maprotektahan ang mga buto ng ilong at cartilage. Maaaring hindi komportable ang splint para sa iyo na magtrabaho o magtravel. Magkakaroon ka rin ng pasa sa ilalim ng mata at ilong.
Iwasan ang paggawa ng mabigat na aktibidad nang hindi bababa sa ilang linggo pagkatapos ng operasyon. Maaaring hilingin sa iyo ng iyong doktor na iwasang gawin ang mga sumusunod na aktibidad:
- Pagtakbo
- Jogging
- Paglalangoy
- Pagtawa
- Pagnguya ng matagal
- Pagsusuot ng mabigat na salamin na nakadikit sa iyong ilong nang matagal
- Sobrang pagsipilyo ng ngipin
Key Takeaways
Mahalagang makumpleto ang dosage ng mga iniresetang gamot ng doktor. Huwag ihinto ang mga gamot o baguhin ang dosage nang hindi nagpapaalam sa iyong doktor.
Maaaring kailangan mo ring magkaroon ng regular na follow-up hanggang sa ganap na paggaling.
Matuto pa tungkol sa mga Kondisyon ng Ilong dito.
[embed-health-tool-bmi]