Nakaugat na sa kultura ng mga Pilipino ang paniniwala na may mga halamang gamot sa lagnat na pwedeng gamitin bilang panlunas sa sakit. Kaya naman napakagandang pag-usapan nito upang matukoy ang mga halamang gamot na pinaniniwalaan na may kakayahan na magpagaling ng tao na dumaranas ng lagnat.
Gumawa kami ng isang maikling listahan ng mga halamang gamot sa lagnat na pwede raw gamitin kung ikaw ay magkakasakit o ang iyong mahal sa buhay, ayon sa mga matatandang paniniwala, kultura sa Pilipinas, at ilang pag-aaral. Gayunpaman lagi mo pa rin na dapat tandaan na ang mga bagay na iyong mababasa sa artikulong ito ay hindi kapalit ng medikal na payo na galing sa doktor, at mas mainam pa rin na humingi ng angkop na paggamot sa mga expert.
Halamang Gamot Sa Lagnat
Kilala ang maraming halamang gamot sa kanilang iba’t ibang gamit at benepisyo, kung saan maaari mo ring gamitin ang mga halamang gamot para sa mga paunang lunas sa may lagnat. Pero ang tanong, anu-ano ang mga halamang gamot na ito na pwede mong magamit?
Narito ang mga sumusunod:
Banaba
Kilala ang banaba bilang isang halamang gamot na ginagamit para mapabuti ang kalagayan ng mga tao na mayroong diabetes at lagnat. Maaaring malaki ang naitutulong ng banaba sa tao dahil sa iba’t ibang substances na taglay ng halamang ito na tumutulong sa pagpapaginhawa ng discomfort.
Bawang
Hindi lamang pwedeng gamitin ang bawang bilang pampalasa sa mga nilulutong pagkain dahil maaari rin itong gamitin sa lagnat ng isang indibidwal. Nagtataglay kasi ang bawang ng iba’t ibang antibacterial at antiviral properties na tumutulong para maibsan ang lagnat at discomfort ng isang tao dahil sa lagnat.
Sa paggamit ng bawang pwede kang maglagay ng 2-3 piraso na bawang na iyong pinitpit sa baso na mayroong maligamgam na tubig upang inumin at maginhawaan. Sa ilang mga pagkakataon din maaari mo rin ilagay ang bawang sa iyong mainit na sabaw upang higupin.
Dahon Ng Luya
Makakatulong ang luya sa isang taong may lagnat upang mapawi ang sipon at ubo na kanilang taglay dahil sa pagkakaroon ng lagnat. Pwedeng dikdikin ang luya para gawing tsaa na iinumin ng 3 beses sa 1 araw.
Tanglad/Lemongrass
Tulad ng luya ang tanglad ay maaari rin maging tsaa para maging panlunas sa mga taong may lagnat, at upang magamit ito pwede itong pakuluan para mainom ang magiging katas nito.
Tawa-tawa/Asthma Plant
Ang tawa-tawa ay mabisang panlaban sa dengue fever sapagkat ang halaman na ito ay may kakayahan na pataasin ang blood platelet count ng isang tao. Dagdag pa rito inirerekomenda ng Department of Health ang tawa-tawa dahil na rin sa kakayahan nito na mapabuti ang upper respiratory ng isang indibidwal.
Dahon Ng Malunggay
Ang dahon ng malunggay ay nagtataglay ng maraming vitamins, antioxidants, minerals, at antibacterial agents na tumutulong upang mas mapabuti ang kalusugan at immune system ng tao para malabanan ang mga sakit, gaya ng lagnat.
Dahon Ng Kalabasa
Hindi lamang masarap na ihalo sa munggong ulam ang dahon ng kalabasa, dahil masarap din itong gamitin bilang panlunas sa lagnat ng isa tao. Maraming substances ang dahon ng kalabasa na nakakatulong sa pagpapahupa ng discomfort at lagnat ng isang tao.
Para magamit ang mga benepisyo ng dahon ng kalabasa bilang halamang gamot sa lagnat, pakuluan lamang ito upang mainom bilang isang tsaa.
[embed-health-tool-bmi]
Key Takeaways
Para maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon mas maganda na magkaroon ng konsultasyon sa doktor para sa angkop na paggamot at medikal na atensyon, partikular na kung ang lagnat ng isang tao ay nagtagal ng higit sa 3 araw. Maaari na maging mapanganib na ito lalo na kung ang lagnat na matagal ng isang indibidwal ay sinamahan ng iba pang mga sintomas. Kaya naman ipinapayo na magpatingin sa doktor sa oras na makita na hindi na umeepekto sa pasyente ang mga paggamot na ginagawa sa bahay.