Ang mga natural na produkto ay isa sa mga pinagmumulan ng mga gamot sa industriya ng parmasyutiko, at isa sa mga kilalang pinagmumulan ng mga ito ay ang mga halamang gamot. Kilala tayong mga Pilipino sa paggamit ng mga halamang gamot para sa iba’t-ibang kondisyon. Maaaring nakagamit ka na ng lagundi o oregano upang gamutin ang iyong ubo. Ngunit, mayroon nga bang halamang gamot para sa UTI? Alamin natin dito.
Pag-Unawa Sa Kahalagahan Ng Paggamit Ng Mga Halamang Gamot
Ayon sa World Health Organization (WHO), malaki ang ginagampanang responsibilidad ng mga halamang gamot sa traditional medical practice upang makamit ang kalusugan para sa lahat. Sa katunayan, nakatutulong ang mga ito upang mapaunlad ang Filipino traditional medicine marahil ito ang nakasanayan ng mga tao sa kanayunan.
Ang ilan sa mga tanyag na halamang gamot na inaprubahan ng Department of Health dito sa Pilipinas ay ang mga sumusunod:
- Bawang (Allium sativum)
- Sambong (Blumea balsamifera)
- Akapulko (Cassia alata)
- Yerba buena (Clinopodium douglasii)
- Tsaang gubat (Ehretia microphylla)
- Ampalaya (Momordica charantia)
- Ulasimang bato (Peperomia pellucida)
- Bayabas (Psidium guajava)
- Niyog-niyogan (Quisqualis indica)
- Lagundi (Vitex negundo)
Ang mga ito ay mabisang gamot sa ilang mga partikular na sakit at maaari ring gamitin bilang mga sangkap sa paggawa ng mga potensyal na gamot.
Ano Ang UTI?
Bukod sa sipon at ubo na karaniwan ding nagkakaroon ng UTI ang mga tao.
Ang urinary tract infection o UTI ay karaniwang impeksyon na nangyayari kapag ang bacteria, kadalasang mula sa balat o rectum, ay pumasok sa urethra, at maapektuhan ang urinary tract. Ang mga impeksiyon ay maaaring makaapekto sa ilang bahagi ng urinary tract, ngunit ang pinakakaraniwang uri ay impeksyon sa pantog (cystitis).
Nagdudulot ng pamumula at pamamaga ng urinary lining, na maaaring magdulot ng ilan sa mga sumusunod na sintomas:
- Pananakit sa tagiliran (flank), tiyan o pelvic area
- Presyon sa ibabang pelvis
- Madalas na pangangailang umihi (frequency) o minsan apurahang pangangailangang umihi (urgency), at maging incontinence (urine leakage)
- Masakit na pag-ihi (dysuria) at pagkakaroon ng dugo sa ihi.
- Pangangailangang umihi sa gabi
- Abnormal na kulay ng ihi (cloudy urine) at malakas o mabahong ihi
Ang iba pang mga sintomas na maaaring maiugnay sa UTI ay kinabibilangan ng:
- Sakit habang nakikipagtalik
- Pananakit ng ari
- Pananakit ng flank (gilid ng katawan) o pananakit sa ibabang bahagi ng likod
- Pagkapagod
- Lagnat (temperatura na higit sa 100°F) at panginginig
- Pagsusuka
- Mental changes o pagkalito
Ang mga antibiotic ay mga gamot na pumapatay ng bacteria at lumalaban sa impeksyon. Ito ang karaniwang inirereseta ng mga doktor upang gamutin ang UTI. Subalit, mayroon ding paraan upang gamutin ang naturang sakit na hindi nangangailangan ng mga antibiotic. Ito ay sa papamagitan ng mga halamang gamot para sa UTI.
Mga Halamang Gamot Para Sa UTI
Narito ang ilan sa mga halamang gamot para sa UTI na maaari mong gamitin para sa mild at uncomplicated na mga kaso.
Cranberry
Ang mga produktong may cranberry tulad ng mga juice ay kabilang sa listahan ng mga natural at alternatibong paraan ng paggamot sa UTI.
Ito ay naglalaman iba’t ibang uri ng mga kemikal na compound, tulad ng mga sumusunod:
- D-mannose
- Hippuric acid
- Anthocyanin
Ang mga ito ay nakatutulong upang hadlangan ang paglaki ng mga bacteria at pagdulot ng impeksyon. Ngunit, ayon sa isang pag-aaral, iminungkahi nila na bagamat nakatutulong ang mga cranberry upang bawasan ang mga sintomas ng UTI, hindi ito kasingbisa ng ibang mga paraan ng paggamot tulad ng D-mannose at antibiotic fosfomycin.
Bawang
Kabilang sa listahan ng mga gamot para sa UTI ang isang staple sa ating mga bahay, ang bawang. Ito ay isang tanyag na halamang gamot na malawakang ginagamit bilang panluto at maging sa traditional medical practice.
Madalas itong ginagamit na panggamot sa mga pisikal na karamdaman, kabilang ang fungal, viral, at bacterial na impeksyon.
Bearberry Leaf
Ang bearberry o uva ursi ay isang halamang gamot para sa UTI na matagal ng ginagamit sa traditional and folk medicine practices.
Isang lumang pag-aaral ang nakatuklas na ang karagdagang paggamit ng bearberry na may dandelion root ay nakatutulong upang mabawasan ang pakakaroon muli ng UTI. Ang resultang ito ay ikinumpara sa isang placebo.
Bagamat limitado ang mga bagong pananaliksik ukol sa paggamit ng halamang gamot para sa UTI, ang mga compound ng uva ursi ay nagpapakita ng makapangyarihang antimicrobial capabilities ayon sa mga sa mga pag-aaral sa test-tube.
Ang UTI ay isa sa karaniwang impeksyon na madalas nakukuha ng mga tao dahil sa iba’t ibang rason. Maaring mabisang gamutin ang naturang kondisyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga halamang gamot para sa UTI. Ang pagpili ng angkop na halamang gamot ay malaking tulong upang hindi na mangailangan ng antibiotic treatment. Bukod doon, ugaliin din ang pag-inom ng tubig upang maiwasan ang panunumbalik nito.
Alamin ang iba pa tungkol sa Mga Halamang Gamot dito.