This is it, pancit! Narito na ang pancit canton na abot-kaya at paborito ng mga Pinoy. Ngunit, ang tanong: Aware ka ba sa pancit canton calories na pwede mong makuha? Alam mo rin ba ang mga epekto na maaari mong makuha sa pagkain ito, at maging ang iba pang karaniwang pagkaing Pinoy, gaya ng hotdog at siomai?
Marahil ang sagot sa tanong na ito ay “oo”, partikular sa mga taong health conscious. Subalit para sa mga taong “all time favorite” ang mga pagkaing ito maaari na ang sagot ng ilan sa kanila ay “hindi”.
Pwedeng kainin sa agahan, tanghalian, meryenda at maging sa hapunan — ang pancit canton, hotdog at siomai. Madalas ang mga pagkaing ito ang sagot din sa mabilisang pamatid ng gutom. Maraming flavors ang maaaring matikman sa mga pagkaing ito. Mayroong matamis, maanghang, maalat at kung minsan kombinasyon ng iba’t ibang mga lasa. Ito ang isa sa dahilan kung bakit mas nagiging mabenta ang pancit canton sa mga consumer dahil bukod sa masarap — affordable pa ang presyo.
Pero dapat pa rin tayong maging maingat sa mga pagkaing ito, sapagkat ang anumang sobra ay masama sa kalusugan. Kaya’t ating alamin ang pancit canton calories at ng iba pang karaniwang pagkain na kinakain ng Pinoy.
Pancit canton calories at Nutritional Facts
Tandaan na ang nutritional content ng pancit canton at ng iba pang instant noodles ay nakadepende sa type ng flavors at dami nito. Para mabigyan kayo ng ideya narito ang nutritional content sa 1 serving (80g) ng pancit canton.
- Calories — 350 kCal
- Total Carbs — 49 g
- Net Carbs — 49 g
- Sugar — 4 g
- Protein — 8 g
- Fat — 14 g
- Saturated Fat — 3 g
Narito naman ang supplemental at value ng 1 serving (80g) ng pancit canton.
- Calcium — 21 mg
- Iron — 1.1 mg
- Sodium — 990 mg
- Bitamina A — 176.4 mcg
- Vitamin C — 8.1 mg
Karaniwang gawa sa maida ang noodles ng pancit canton at madalas giniling at pinino ito. Dagdag pa rito, itinuturing din itong bleached version ng wheat flour at sinasabi na hindi ito maganda sa kalusugan dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:
- lubos na naproseso
- mayaman sa lasa ngunit walang nutrisyon
Naglalaman din ang pancit canton ng saturated fatty acids o trans-fat at may kasama rin itong edible vegetable oil, sugar, sugar syrup, flavour enhancer — at iba’t iba pang agent. Nagtataglay rin ito ng Monosodium Glutamate (MSG) na madalas ginagamit bilang pampalasa.
Mga Epekto ng Pancit Canton sa Kalusugan
Hindi dapat kumain ng sobrang dalas at napakaraming pancit canton sapagkat hindi ito maganda para sa balanced diet dahil sa kakulangan nito sa essentials nutrients na kailangan ng katawan ng tao. Kilala rin ang pancit canton at iba pang noodles na mababa sa fiber at protina.
Lumabas sa mga pag-aaral na nasa mataas na risk ng metabolic syndrome ang babaeng kumakain ng 2 beses sa isang linggo o higit pa ng pancit canton.
Narito pa ang mga sumusunod na hindi magandang epekto ng sobrang pagkain ng pancit canton:
- Hindi angkop na pagtaas ng timbang o obesity
- Sanhi ng pagkalaglag o miscarriage
Kagaya ng nabanggit sa artikulong ito nagtataglay ng MSG ang maraming uri ng pancit canton at noodles. Ang sobrang pagkonsumo nito ay pwedeng humantong sa mga sumusunod:
- Pagtaas ng presyon ng dugo
- Pagsakit ng ulo
- Pagduduwal
Dagdag pa rito, mataas sa sodium ang noodles na pwedeng maging dahilan ng pag-increase ng cardiovascular disease. Ang sobrang pagkain ng pancit canton at iba pang noodles ay pwedeng maging sanhi ng kawalan ng abilidad na makapag-absorb ng iba pang sustansya mula sa iba pang nutritious foods. Naglalaman din ng propylene glycol ang noodles na isang anti-freeze ingredients na pumipigil sa noodle strands na matuyo sa pamamagitan ng pagpapanatili ng moisture. Madali itong sinisipsip ng katawan at madalas naiipon ito sa puso, bato — at atay na pwedeng makasira sa immune system ng tao.
Pwede bang kumain ng pancit canton?
Maaaring kumain ng pancit canton at iba pang noodles ang tao lalo na kung wala ka namang allergy reaction sa produktong ito. Kinakailangan lamang na i-take ito sa katamtaman at wastong dami para makuha rin ang health benefits nito dahil ang ilang instant noodles ay pinatibay ng additional nutrients — at ginawa gamit ang fortified wheat flour. Kung saan nagpakita ito ng potensyal na pagpapataas ng micronutrient intake nang hindi binabago ang lasa o texture ng final product.
Hotdog Calories at Nutritional Facts
Tinaguriang “all time favorite” rin ng mga bagets at adults ang hotdog. Bukod sa pwede itong meryenda at ulam — ginagamit din itong pansahog sa iba’t ibang putahe tulad ng sopas at menudo na paborito rin ng mga Pilipino. Ang tipikal na pork hot dog ay naglalaman ng 204 calories at 18g ng total fat — at 620g ng sodium.
Bakit dapat na maging maingat sa pagkain ng hotdog?
Hindi dahil popular ang hotdog ay dapat na maging sobra ang pagkain nito, tandaan na ang hotdog ay nabuo ng mga bahagi ng hayop na natira kapag naubos na ang mga piniling cut. Maraming pagkakataon na ang mga hayop na bumubuo sa hotdog ay nagmula sa malupit at maruming factory farm. Narito ang ilang mga epekto na pwedeng makuha sa sobrang pagkain ng hotdog:
- Maaari nitong mapataas ang risk mo sa partikular na kanser
- Hindi ito mabuti para sa heart health
- Pwede nitong mapataas ang type 2 diabetes
- Dahilan ng mga allergic reaction
Huwag ding kakalimutan na maaari pa ring kumain ng hotdog basta siguraduhin lamang na hindi magiging sobra ang pagkain nito upang maiwasan din ang mga masasamang epekto sa kalusugan ng labis na pagkain ng hotdog.
Siomai Calories at Carbs
Isang iconic Chinese dim sum item ang siomai at gawa ito sa paper-thin wraps — at naglalaman ito ng ground meat fillings. Karaniwang niluluto o kinakain ito ng mga Pilipino sa kahit anumang okasyon at mabibili din ito sa mga supermarket at palengke.
Narito ang halimbawa na pwedeng lamnin na carbs at calories ng 1 siomai.
- Total carbs — 7 g
- Net carbs — 7 g
- Protein — 4 g
- Calories — 74
Tandaan nakadepende pa rin sa bilang at sukat ng siomai ang magiging carbs at calories nito.
Paalala sa pagkain ng siomai
Sa pagkain ng siomai kailangan na maging wasto at hindi maging sobra-sobra ang pagkain nito dahil pwede kang maumay o makasama sa iyong kalusugan. Hindi rin magiging balanse ang iyong diyeta kung ito lamang ang laging kakainin kaya naman ipinapayo na magpakonsulta sa doktor para mabigyan ka ng meal plan sa’yong diet.
Mga alternatibong pagkain na pwedeng subukan
Kadalasan tinatangkilik ng tao ang mga pagkain na mura. Ngunit mas maganda kung pipili ang bawat isa ng mga pagkain na bukod sa mura ay masustansya rin. Lagi mong tandaan na maaaring mapagkunan din ng sustansya ang iba’t ibang pagkain tulad ng mga gulay, prutas at isda na makikita rin sa supermarket at palengke.
Dagdag pa rito kilala rin ang mga Pinoy sa pagkain ng kanin at pwedeng mong subukan ang brown rice dahil mas marami itong fiber at nutrients, kumpara sa white rice.
Key Takeaways
Maraming tao ang hindi aware sa pancit canton calories, hotdog calories, at siomai calories at maging sa iba pa nitong epekto sa kalusugan kapag sobra ang pagkain nito. Maaari pa ring kumain nito pero dapat sa wasto at tamang dami lamang upang makuha ang mga benepisyo nito para sa ating katawan. Maganda kung magpapakonsulta rin sa eksperto at doktor para mabigyan ng payo sa mga pagkain na angkop sa’yong diyeta. Lagi ring tandaan na maraming mura at masustansyang pagkain na pwedeng pagmulan ng iba’t ibang sustansya, at huwag kakalimutan na ang anumang sobra ay pwedeng makasama sa’yong kalusugan.
Larawan mula sa Wikimedia Commons
[embed-health-tool-bmi]