Sumasakit ba ang iyong mga kasukasuan? Pampababa ng uric acid ang kailangan mo upang bumuti ang iyong kondisyon.
Ang mataas na antas ng uric acid sa katawan ay maaaring maging sanhi ng pagbuo ng mga kristal ng uric acid, na humahantong sa gout. May mga pagkain at inumin na mataas sa purine. Ang pagkonsumo nito ay maaaring magpataas ng iyong uric acid.
Ano ang gout?
Ang gout ay isang pangkaraniwan ngunit komplikadong anyo ng arthritis na maaaring makaapekto sa sinuman. Kapag mataas ang iyong uric acid makakaranas ka ng biglaan at matinding pananakit, pamamaga, at pamumula sa isa o higit pang mga kasukasuan. Kadalasang nararamdaman ito sa hinlalaki ng paa.
Bago mo malaman kung ano ang pampababa ng uric acid, alamin muna kung ano ito. Ang uric acid ay isang waste product na matatagpuan sa dugo. Ito ang nagiging resulta kapag sinira ng katawan ang mga kemikal na tinatawag na purine. Karamihan sa uric acid ay natutunaw sa dugo at dumadaan sa mga bato. Ito ay lumalabas sa katawan sa pamamagitan ng ihi.
Sintomas ng gout
Ang mga sintomas ng gout ay mararamdaman mo na lang ng biglaan lalo na sa gabi gaya ng sumusunod:
Matinding pananakit ng kasukasuan
Karaniwang nakakaapekto ang gout sa hinlalaki ng paa, ngunit maaari itong mangyari sa anumang kasukasuan. Maaari itong maramdaman sa:
- Bukung-bukong
- Tuhod
- Siko
- Pulso
- Daliri
Nagtatagal na hindi maginhawang pakiramdam
Maaaring matigil ang pag-atake ng gout kapag meron kang pampababa ng uric acid. Kapag humupa ang pinakamatinding sakit, maaaring tumagal mula sa ilang araw hanggang isang linggo ang ilang joint discomfort. Ang mga susunod na pag-atake ay malamang na magtatagal at makakaapekto sa mas maraming mga kasukasuan.
Pamamaga at pamumula
Ang apektadong kasukasuan ay namamaga, malambot, mainit at kulay pula.
Limitadong saklaw ng paggalaw
Habang lumalaki ang gout, maaaring hindi mo maigalaw ng normal ang iyong mga kasukasuan.
Iwasan ang mga pagkain at inuming mataas sa purine dahil hindi ito pampababa ng uric acid. Samakatuwid, tataas ang uric acid mo kapag kinain mo ang mga ito:
- Seafood gaya ng lobster, salmon, sardinas at hipon
- Pulang karne
- Atay
- Beer at iba pang pagkain at inumin na may mataas na fructose corn syrup, at alkohol
Maaari kang magkaroon ng hyperuricemia kung masyadong maraming uric acid ang nananatili sa iyong katawan.Ito ay posibleng maging sanhi ng pagbuo ng mga kristal ng uric acid. Ang mga kristal na ito ay maaaring manatili sa mga kasukasuan at maging sanhi ng gout. Maaari din silang tumira sa mga kidneys at maging kidney stones.
Epekto kapag di ginamot ang mataas na uric acid
Bakit dapat humanap ng pampababa ng uric acid? Ayon sa research, may ugnayan ang mataas na antas ng uric acid at type 2 diabetes, mataas na presyon ng dugo, at fatty liver disease. Kapag hindi mo ginamot ang mataas na antas ng uric acid ito ay maaaring humantong sa permanenteng pinsala sa:
- Buto
- Kasukasuan at tissue
- Sakit sa bato
- Sakit sa puso
Mga pagkain na pampababa ng uric acid
Saging
Ang saging ay mababa sa purine at mataas sa Vitamin C na maaaring magdulot ng proteksyon laban sa gout. Ang isang saging ay mayroong 14.1mg ng Vitamin na humigit-kumulang 16% ng pang-araw-araw na antas kinakailangan ng katawan.
Lemon juice
May bagong pananaliksik na nagsasabing ang lemon ay maaaring makatulong na mabawasan ang mga sintomas ng gout. Ayon sa pag-aaral na ginawa noong 2017, ang lemon juice at extract nito ay nakatulong sa pagpapababa ng uric acid sa dugo. Ito ay dahil sa kakayahan nitong gawing mas alkaline ang katawan.
Ang mga lemon at lemon juice ay maaaring maging isang kapaki-pakinabang na lunas upang makatulong sa paggamot sa gout. Posible na kahit na ang mga may normal na antas ng uric acid ay maaaring makinabang mula sa paggamit ng lemon juice upang balansehin ang acid ng dugo.
Kape
May mga siyentipikong pananaliksik na nagsasabing maaaring maging pampababa ng uric acid ang kape. Ang kape ay naglalaman ng maraming uri ng mga kapaki-pakinabang na compound tulad ng minerals, polyphenols, at caffeine. Ginagawa ito ng kape sa pamamagitan ng:
- Pagtaas ng rate ng paglabas ng iyong katawan ng uric acid.
- Pagharang sa enzyme na sumisira sa mga purine sa katawan
Cherries
Ang cherries ay may natural na anti-inflammatory component na tinatawag na anthocyanin. na pampababa ng uric acid. Nalaman ng isang pag-aaral na ang mga taong kumakain ng cherries ay nagpakita ng mas mababang panganib ng atake ng gout kumpara sa mga hindi. Sa pamamagitan ng pagbabawas ng pamamaga, pinipigilan din ng mga cherries ang pag-kristal ng uric acid at pag deposito sa iyong mga kasukasuan.
Luya
Ang luya ay isang versatile herb na kilala bilang mabisang panggamot. Ito ay may anti-inflammatory effect na nagpapababa ng pamamaga. Kayang pababain nito ang antas ng uric acid at kayang labanan ang pag-atake ng gout.
[embed-health-tool-bmi]