Nanghihina ka ba o napapagod? Maaaring nakakaranas ka ng mga sintomas ng anemia, at kailangan mo ang pagkaing pampataas ng dugo.
Ang anemia ay nangyayari kapag ang bilang ng iyong red blood cells (RBC) ay mababa. Sa ganitong sitwasyon, kailangan magsikap ang iyong katawan na maghatid ng oxygen para sa kabuuan nito.
Nilalagay ng anemia ang iyong kalusugan sa panganib dahil maaari itong mauwi sa komplikasyon. Kung kaya mahalagang maibalik ang mga antas ng iyong RBC sa lalong madaling panahon.
Complete Blood Count
May tatlong pangunahing blood cells at maliban sa RBC, kasama rin dito ang white blood cells (WBC) at ang platelet. Ang bawat isa sa mga uri ng cells na ito ay nagsasagawa ng mga tiyak at mahahalagang tungkulin.
Importante ang RBC o pulang selula ng dugo dahil ito ang naghahatid ng oxygen mula sa mga baga patungo sa ibang bahagi ng katawan.
Maaaring mag-utos ang iyong doktor ng laboratory tests gaya ng complete blood count (CBC) upang masuri ang dami ng iba’t ibang uri ng iyong blood cells. Nagbibigay din ito ng ilang mahalagang impormasyon na makakatugon sa iba pang mga parameters na nauugnay sa bawat uri ng blood cell.
Pagkaing Pampataas Ng Dugo
Kung ikaw ay nasuring may anemia o mababang antas ng dugo, maaaring magreseta ng mga gamot ang iyong doktor. Ito ay ibabase sa kung ano ang totoong dahilan ng iyong kondisyon. Maliban dito, bibigyan ka rin ng payo kung ano ang mga dapat mong kainin upang matulungan ang iyong katawan gumawa pa at mapataas ang lebel ng pula sa dugo.
Ang mga sumusunod ay pagkaing nakakatulong sa pampataas ng dugo:
Atay
Ang pagkain ng atay at kidneys o bato ng baka, manok, baboy, tupa, at gansa ay makakatulong magdagdag ng dugo. Ang atay ay may dalang iron at vitamin B12 na maaaring magpanatili sa magandang kondisyon ng iyong blood cells. Isa sa mga abiso ng mga doctor para sa pernicious anemia ay ang regular na pagkain ng atay ng baka, manok, o baboy.
Ang berde at madahon na gulay tulad ng kale ay isa sa mga pagkaing pampataas ng dugo. Ito ay sagana sa vitamin K na tumutulong sa katawan upang mamuo ang dugo. Mayroon din itong sapat na iron na tumutulong sa paggawa ng red blood cells at sa pagdadala ng oxygen sa mga mahahalagang organs ng katawan.
Itlog
Ang itlog ay mayaman sa iron, protein at ibang essential vitamins. At makakatulong sa pagpapanatili ng antas ng hemoglobin sa katawan ang pagkain na mayaman sa iron folic acid at vitamin B12 gaya ng itlog. Ang hemoglobin ay isang protina sa red blood cells na nagdadala ng oxygen. Ito ang pinakamahalagang bahagi ng red blood cells.
Shellfish
Lahat ng mga shellfish ay nagtataglay ng mataas na antas ng iron, kung kaya ito ay pagkaing pampataas ng dugo. Subalit ang pinakamabuting pinanggagalingan ng iron ay ang mussels, oysters, at clams na may humigit kumulang 23.8 milligrams ng iron sa bawat tatlong ounces. Ang shellfish ay nagtataglay ng heme iron na mas madaling masipsip ng katawan kumpara sa non-heme iron na galing sa tanim.
Spinach
Ang 100 grams na spinach ay naglalaman ng 2.7 mg ng iron na 15 porsyento ng Daily Value o dami ng nutrisyon na dapat kainin sa isang araw. Hindi nga lang ito heme iron na nakukuha sa hayop. Subalit ang spinach ay mayaman din sa vitamin C na kailangan para sa pagpapalakas ng iron absorption.
Watermelon
Ang watermelon ay maaaring makakatulong sa pagpapataas ng hemoglobin. Ito ay mayaman hindi lamang sa iron kung hindi pati na rin sa vitamin C na nagpapabilis sa proseso ng pag-absorb ng iron.
May mga iron supplements na maaaring magpataas ng inyong dugo subalit mas mainam na subukan din ang mga pagkaing pampataas ng dugo. Ang mga iron supplements ay maaring magkaroon ng side effect sa mga umiinom nito tulad ng pagsakit ng tiyan, pagtatae, o pagdumi ng maitim. Para mas mabantayan ang anemia, mabuting magpatingin sa doctor bago uminom o kumain ng mga ito.
Matuto pa tungkol sa Masustansiyang Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmi]